12.03.2009
12.02.2009
Day 1 sa Sugbu
Sa hotel na ito matatagpuan ang sikat na Skywalk. Yung maglalakad ka sa gilid ng rooftop ng hotel at raramdamin mo ang nginig, lula at kaba. May mga rides din na iikot sa tuktok ng hotel na kitang-kita mo ang buong tanawin ng Cebu. Acrophobic ako kaya di ko na pinag-aksayahan yon ng panahon at memory ng camera. Nilibang na lang namin ang sarili namin sa 4D adventure theater doon din sa hotel na yon. Noong umpisa ay ok lang sa bunso kong anak pero wala pa sa kalahati ng palabas ay di na niya kinaya ang takot, kumandong na sa akin at di na muling nanood. Sayang, paparamdam ko pa naman sa kanya yung mga buntot ng daga na dumaan sa ilalim ng binti ko.
12.01.2009
Sugbu
Alas-singko y medya na ng umaga, kung normal na araw lang ito, malamang tulog pa kaming lahat, pero dahil bibiyahe kami ngayon papunta sa
Second time pa lang makasakay ng aking mga anak sa eroplano kaya't naandoon pa rin ang excitement. Lagi nilang inaalala ang kanilang karanasan noong una silang makasakay.
11.26.2009
Ang Tindahan ni Aling Belen
Si Aling Belen ang may-ari ng tindahan sa harap ng aming looban. Isang sari-sari store ito na may karinderya na may fruit stand. Iba’t-iba ang tinda ni Aling Belen sa kanyang munting puwesto. Mga kendi at sitserya na malakas makaakit ng bata, lalo na kapag may libreng laruan ang mga ito o di kaya may pabunot na numero. Isa sa madalas umubos ng aking pera ang tig-sisingkong ‘papula’, isang maliit na bubble gum na bilog at matingkad ang pagkakakulay pula. Sa sobrang tingkad ng kulay nito, kaya nitong gawing kulay pula ang iyong buong bibig (mula dila, labi, ipin at siyempre pati laway), kahit isang piraso lang.
Ang fruit stand ni Aling Belen naman ay di nauubusan ng prutas kahit gaano karami pa ang bumili doon. Ito ang nagsisilbing senyales sa akin kung anong prutas ang nasa panahon. Tumitingkad ang kulay ng kanyang tindahan dahil sa dami ng klase ng prutas na tinda niya. Mula sa mga hinog na pinya at pakwan na hati-hati hanggang sa mga hilaw na manggang nakababad sa tubig na may katabing isang garapon ng mabangong bagoong. Sa hitsura pa lang ng bagoong at mangga, tiyak dadaigin mo pa ang isang asong ulol sa paglalaway. Madalas dinadayo pa ito ng mga de-kotse para pakyawin ang kanyang mga prutas. Mga atis na pwedeng gawing asukal sa tamis; santol na sinlaki ng hinlalaki ang mga buto; Indian mango na parang hinog na mangga; lansones na madalas dalawin ng mga itim na langgam; mga dalanghita, rambutan, avocado, papaya at siyempre ang walang kamatayang saging na latundan at lakatan. Madalas naming abangang magkakaibigan ang pagsapit ng panahon kung saan pinamimigay na lang ni Aling Belen ang ibang prutas na hindi naibenta kesa sa mabulok pa ang mga ito. Kahit medyo iba na ang kulay at lasa ng ilan, iba pa rin talaga ang sarap kapag libre.
Meryenda ang pinakapaborito kong bilhin sa tindahan ni Aling Belen. Ito ang nagbibigay lakas sa akin para sa mga aktibidades ko sa hapon. Banana cue o di kaya turon ang madalas kong meryenda. Kaya kong umubos ng tatlong stick ng banana cue o di kaya limang turon na malalaki. Minsan naman, sinusundutan ni Aling Belen ang kanyang menu ng mga ginataang munggo, sopas na mainit, arozkaldo, saging con yelo at mga kakanin tulad ng biko at palitaw. Dito ako namulat sa iba’t-ibang klase ng mga meryenda na pwedeng pagpilian maliban sa pandesal at pandecoco. Ngunit ang pinaka da best ika nga sa lahat ng tinda ni Aling Belen ay ang kanyang halo-halo. Walang duda, walang kaparis, walang kayang pumantay.
Ang pinaka sekreto daw sa halo-halo ni Aling Belen ay siya mismo ang nagluluto ng lahat ng kanyang mga halo. Sa ube pa lang, makakalimutan mo na ang sarili mo sa sarap, eh kapag kumain ka pa ng kanyang leche flan, eh baka pati pamilya mo makalimutan mo. Sa halagang anim na piso, solb na ang init sa katawan mo. Sa dami ng sahog na sinamahan pa ng sabaw ng saging na matamis at gatas na malabnaw na tumunaw sa ginadgad na yelo, tila wala ka nang hahanapin pa. Nung minsan kong natikman ang halo-halo ng Razon at Digman, hindi ko napigilang alalahanin ang sarap ng halo-halo ni Aling Belen.
Minsan nakakalungkot isipin na hindi ko na matitikman muli ang mga meryenda at tinda ni Aling Belen. Wala na kasi ang aming looban. Kasabay ng pagguho ng aming tirahan ang dahan-dahang pagkawala rin ng mga meryendang kinagigiliwan ko. Bagamat buong-buo sa isip ko kung ano ang lasa ng mga ito, tila hanggang ngayon hinahanap-hanap sila ng dila ko.
11.17.2009
Ano ang Hindi Kayang Gawin ni Manny Pacquiao?
11.11.2009
Eleven - 11
Sa isang mumurahin at pangkaraniwang restawran sa may bandang West Avenue ko dinala ang aking girlfriend na si Thess. Akala niya ay isang ordinaryong date lang namin ito pero nagtataka siya kung bakit ako ay naka pangmalakasan na porma. Matagal ko na itong pinaghandaan at pinagpraktisan kaya plantsado ang bawat kilos ko.
Ito ay ang aming 1st year anniversary bilang magkasintahan at ito rin ang napili kong araw upang magpropose sa kanya ng aking walang hanggang pag-ibig.
Makatapos kumain at konting kuwentuhan, sinimulan ko na ang aking plano. Marahan kong inilabas ang isang card na yari sa isang karton ng sapatos na binalutan ko ng isang malamyang kulay asul na art paper. Halos sinlaki ito ng aking palad kaya hindi ako nahirapang itago sa kanyang paningin. Medyo may katambukan ito dahil sa pagkakatupi ng maraming beses. Hindi pangkaraniwan ang card na gawa ko kundi isa itong bunga ng aking pagpaplano. Kuwadrado ang hugis nito sa umpisa ngunit habang binubuksan mo ito, naghuhugis ito ng kagaya ng numero uno, bilang tanda ng aming isang taong pagmamahalan.
Nakangiti niya itong tinanggap, marahan at tila ingat na ingat sa paghawak. Inamoy ng kaunti at tinitigan ang hitsura na parang nagtatanong kung magkano ang bili ko.
“Personalized yan, wala sa National Bookstore.”, hirit ko sa kanya. “Pasensya ka na at yan lang ang nakayanan ko. Happy Anniversary nga pala mahal ko!”
Maingat niyang binuksan ang unang tupi. Halatang ikinagulat niya ang nabasa niya doon ngunit nagdala iyon ng ngiti sa kanyang mga labi. Isinunod ang pangalawang tupi, mas lalo siyang napangiti.
Nakasulat sa bawat tupi ng aking ginawang card ay ang lahat ng aming first time. Sa unang tupi ay ang aming first meeting, nakasulat ang date at kung ano ang nangyari noong araw na iyon. Sa pangalawang tupi ay ang aming first holding hands na hindi mo aakalain ay nangyari sa loob ng isang dyip. Sumunod ang aming first date, first formal dinner hanggang sa aming first kiss. Nakadetalye ang bawat pangyayari doon sa bawat tupi ng aking card, kasama ang bawat petsa kung kailan ito nangyari.
Habang binubuksan at binabasa niya ang bawat tupi, tila nagtatanong siya kung paano ko ito nagawa at lalo na kung paano ko natandaan ang mga petsa doon. Nakangiti siya pero halata ko na nangingilid na ang luha niya. Sa pagbukas niya ng pinakadulong tupi (ang pinakaulo ng numero uno), doon na tuluyang tumulo ang kanyang luha. Sa dulong tupi kasi nakaipit yung singsing at nakasulat ang mga katagang ‘ Will you be Mrs. Edong?’.
Wala siyang nasabi bagkus bigla siyang tumayo at kaagad yumakap sa akin. Mahigpit at mainit na yakap, sabay halik sa aking pisngi. Sapat na yon para malaman ko na mahal na mahal ako ng aking kasintahan at pumayag siyang tumanda kasama ako.
Inaalala ko ito ngayon dahil dito nag-uugat ang karamihan sa mga kaligayahan ko. Ang babaeng ito ang dahilan kung bakit tuwing sasapit ang araw na ito, siya ang unang taong iniisip ko.
11.04.2009
Peklattoo
10.21.2009
Face-off
Sabi ng mga kaibigan ko, magkaiba daw ang hitsura ng aking mga anak kahit pareho silang maganda. Si Sam daw ang magandang maamo ang mukha samantalang si Nicole daw ay yung magandang mataray. Siguro nga may punto sila, pero sa araw-araw kong pagsama sa mga anak ko, hindi ko mapansin ang pagkakaiba ng kanilang mga hitsura. Paano kasi, pareho ko silang kamukha, hehe.
Saan si Sam at saan si Nicole? Pinagbiyak na inidoro ba?
10.20.2009
Rising Up

10.14.2009
Dasal
Maaga akong namulat sa kapangyarihan ng dasal at sa kung anong kakaibang puwersa meron sa likod nito. Nakuha ko ito sa magandang pagpapalaki sa akin ng aking pamilya. Miyembro ang nanay ko ng Catholic Women’s League sa aming parokya. Ilang taon nang deboto ng itim na Nazareno sa Quiapo si Tatay. Kasapi naman ng Legion of Mary at choir sa simbahan ang aking mga ate, samantalang si Kuya ay tahimik na naglilingkod at nananampalataya sa Diyos. Sila ang gumawa ng daan upang mapalapit ako sa Diyos at matutong magdasal.
Noong bata ako, parati akong na-attend sa Sunday Cathecism. Laman ako ng simbahan kapag Children’s Mass na at madalas sa harap pa ako nauupo noon. Hindi man ako ganap na naging sakristan, ilang beses din akong umalalay sa pari sa mga banal na misa, nagbasa ng mga readings at tumulong sa koleksyon sa simbahan. Sa katunayan, nagpari din ako kahit hindi opisyal. Noon kasing praktis namin ng First Communion, ako ang gumanap na pari noon. Masaya ako pagkatapos noon, naranasan ko kasi kung paano maging pari, kahit sandali lang, kahit kunya-kunyarian lang.
High school na ako nang maging isang masugid na tagasuporta ako ni Maria, nakilala ko kasi ang mga brothers sa YMC at dahil dito nagpumilit akong pumasok sa isang seminaryo. Sayang at hindi rin ako nagtagal, kung pinagpatuloy ko sana ito, ganap na pari na sana ako. Pero deep inside, alam ko, iba ang ‘calling’ ko.
Naging bahagi ako ng maraming deboto ng Ina ng Laging Saklolo. Hating-gabi ako noon kung magsimba dahil na rin sa pasok ko sa review class para sa board exam. Iwas trapik na at iwas na rin sa bugso ng maraming tao. Sa maniwala ka’t sa hindi, minsan na ring nabasa ang isang sulat ng pasasalamat ko sa isang misa sa Baclaran.
Naging masugid na deboto din ako ng Mahal na Poong Nazareno ng Quiapo, dahil na rin sa impluwensiya ng tatay ko. Marami na rin akong hiniling sa kanya at hindi pa rin ako nabibigo. Sa lahat ng simbahan na napasok ko na, iba ang dating sa akin ng Quiapo. Dito lang ako napapaiyak kapag nagdadasal ako. Dito ako nagre-refresh kapag masyado na akong madungis.
Hindi ako relihiyosong tao at hindi rin ako nagmamalinis, ang alam ko lang lumalakas ako kapag nakakapagdasal ako ng taimitim. Marami ang dulot ng pagdarasal sa akin. Nagbibigay ito ng kakaibang tapang para labanan ang dapat labanan, kontrolin ang dapat ikontrol at intindihin ang dapat maintindihan. Sa mga pagkakataong gipit, sa kapangyarihan ng dasal ako kumakapit.
Sa mga susunod na araw simula bukas, susubuking muli ng pagkakataon ang aking kakayahan. Susukatin ng mga hurado ang aking nalalaman. Sasabak ako sa isang malaking hamon sa aking trabaho. Alam kong mahirap pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Wala akong kayang ipagmalaki sa kanila kundi ang laki ng aking pananalig.
Nakuha ko ito sa magandang pagpapalaki sa akin ng aking pamilya.
10.08.2009
A Picture Paints a Thousand Words
"Wow! Bubble gum!"
"Hahaha... ate, aminin mong nadapa ka!"
"Ganito tumalon si Hercules..."
"... at ganito naman siya bumagsak!"
"Eto ang kili-kili ko!"
"Ganito hitsura ni Daddy pag mahaba ang buhok at bagong gising."
"Ganito naman hitsura ni Daddy pag napagalitan siya ni Mommy."
"Daddy, peace tayo, luv u!"
10.05.2009
Impluwensiya Virus
10.01.2009
Sulat
Madalang kung umuwi si tatay sa amin, swerte na ang isang beses sa isang taon. Dati, hindi pa uso ang mga cellphone, internet at chat at masyadong mahal kapag sa telepono, kaya't walang paraan para kami makapag-usap kundi ang pakikipag-sulatan. Koreo ang naging sagot sa aking pangungulila sa ama.
Linggo-linggo, gumagawa ang nanay ko ng sulat para sa tatay ko, lagi niya rin akong sinasabihan na gumawa, para isasabay na lang ang sulat ko sa kanya. Dito ko inilalahad ang mga kuwento ko sa tatay ko. Sa palagay ko nga, ito ang aking unang salang sa larangan ng pagsusulat. At dahil tatay ko ang aking mambabasa, siya ang kauna-unahang tagahanga ko.
Tuwing dumarating ang tagahatid ng sulat, lumulukso ang pakiramdam ko, lalo na kapag tama ang hinala ko na may sulat para sa akin si tatay. Mas gusto ko na hiwalay ang sulat niya para sa akin kesa sa nanay ko, mas personal kasi ang dating kapag ganon. Madalas ilang beses ko pa itong inuulit basahin para mas lalo kong maramdaman ang laman ng kanyang liham. Ang bawat pangaral ay isinasapuso; ang bawat bilin ay isinasaulo at ang bawat magagandang salita ay ninanamnam. Ito marahil ang pagkain ng aking kabataan.
Iniipon ko ang mga ito sa isang lumang kahon ng sapatos. Kasama ang mga litrato niya at mga postcards na padala. Kapag wala akong ginagawa, binabasa kong muli ang mga tagubilin niya sa akin. Napapangiti sa mga patawa niyang pilit na pilit at napapaluha sa mga katagang inaamin niya ang kanyang pagkukulang sa akin. At dahil kaya niya akong paiyakin sa kanyang mga sulat, tatay ko ang aking unang idolo na manunulat.
Sa kaparehas at nakatutuwang paraan, ganito kami nag-uusap ng aking panganay na anak sa ngayon. Maiikling mga tagubilin ang aking iniipit sa kanyang mga notebook at libro, minsan pa nga sa kanyang baon na tinapay. Madalas mga pampalakas lang ng loob ang laman ng aking mga notes, tuwing siya ay may eksamin o palabas sa eskwela. Malimit ko ding sulatan siya ng mga pauso kong jokes. Mababaw kasi ang kaligayahan ng anak ko kaya't laging patok sa kanya ang mga hirit ko.
Ang nakatutuwa nito, tuwing gabi pagkadating ko sa trabaho, may mga sagot siya sa mga liham ko sa kanya. Sa isang maliit na index card na nakadikit sa aming ref, madalas nakasulat ang kanyang mga tagubilin. Assignment na hindi natapos; damit na hindi pa naplantsa; project na dadalhin at syempre mga korning jokes. Naaaliw ako tuwing nababasa ko ang mga ito. Sa mga pagkakataong ito, bumabalik sa ala-ala ko ang sulatan naming magtatay noon.
Sa ganitong paraan, mas nakikilala ko ng husto ang aking anak. Minsan kasi hindi na kami nakakapag-usap dahil gabi na ako dumadating at maaga ako kung umalis. Sa mga mumunting liham na ito, nararamdaman ko ang pagiging tatay ko. Sa mga mumunting liham din na ito, hinuhugot ko ang lakas na babaunin ko bawat araw.
Kapag nabasa ko ang mga katagang, "You're the best Dad ever!", pakiramdam ko walang kayang tumalo sa akin kahit na si Batman ka man.
9.23.2009
It is done!
9.10.2009
Para sa 'yo Mahal ko
Hindi ko alam kung paano ako magsasaya
Kapag kumain ako sa labas, kausap ko ang kutsara
Kapag uminom naman, isang bote pa lang lasing na.
Sa labing-isang taon nating magkasama
Ngayon ko lang naramdaman ito sinta
Ang malayo sa iyo ay ikakasira ata ng ulo ko
Pero kapag kasama ka, ako ay natutuliro.
Ang aking ngiti ba ay iyong dala-dala
Hinahanap ko dito, ngunit di ko makita
Huling tangan ko ito ay noong kasama kita
Sa pagbalik mo, dalhin mo ang aking ligaya.
Ramdam ko ang lamig sa bawat maulang gabi
Matutulog ako at gigising, wala ka sa tabi
Bawat umaga, maiinis lang ako sa sarili
Dahil mga unan at kumot, ako ang magtatabi.
Kailan ka ba magbabalik aking mahal?
Ang bawat oras sa akin ay sadyang napakatagal
Bigote ko tsaka balbas ay lalong kumakapal
Sana kilala mo pa ako, ang lagi kong dasal.
Happy Anniversary my love, eleven years na tayo
Alam kong hindi mo nakalimutan ang araw na ito
Pero dahil wala ka kagabi sa tabi ko
Ako na lang ang kumain ng regalo ko sa iyo.
Ako pa rin, walang kupas!
9.09.2009
Tita Ising
I never thought that I would be writing this piece.
8.18.2009
My Precious
I am not very vocal about the schooling of my youngest daughter, Nicole. If I am, my blog posts frequency will be twice a day at a minimum. You see, it is her first time in school this year and she was making it memorable for all of us as always.
8.10.2009
Board Games
Hindi ko maituring na board game ang 'Sungka' kasi hindi siya nakasanayang tawagin na isa. Bagamat madalas din akong maglaro nito. Sabi ng tatay ko, ito daw ang board game na inimbento ng Pilipino, ito nga lang kaya?
Nasa high school na ako ng makasalamuha ko ang Scrabble at Monopoly. Sa isang kaibigang may kaya ko sila nakilala. Kinagiliwan ko ang paglalaro sa kanila na halos tuwing hapon pagkagaling sa eskwela ay niyayaya ko na yung kaibigan kong mayaman na maglaro kami ng Scrabble o di kaya Monopoly. Ngunit nang lumaon, parang hindi ako kuntento, parang hindi siya angkop sa panglasa ko. Tila naghahanap ako ng lasang Pinoy sa Amerikanong putahe.


Sinubukan kong maglaro ng Scrabble na Tagalog. Tinuruan ko ang iba kong mga kaibigan. Nagpalit lang kami ng mga letrang wala sa ABAKADA natin, gaya ng C, Q, Z at iba pa. Ang saya ng kinalabasan. Madalas panay kabastusan ang nagagawa naming salita.
Nakilala ko din nung medyo tumagal ang larong Cluedo. Mas masaya ito kasi mas magagamit mo ang utak mo dito. Pakiramdam ko lagi, isa akong espiya at ang paborito kong armas ay isang kandelabra.

Ngunit bitin pa rin ako. Hanggang sa ngayon, hindi ako masyado kuntento sa mga nilalaro kong board games, parang laging may kulang, parang laging hindi bagay sa akin. Hanggang sa makilala ko ang larong ito.
Siya ang tunay na pumukaw sa aking pagkauhaw sa mga board games. Siguradong Pinoy at pasok na pasok sa aking panglasa.
Eto ang aking kinababaliwan ngayon.
8.07.2009
An Elegy for Cory

I knew there's grief on my way.
The sky is being overcast
And flags are flying at half mast.
The air was somewhat melancholic
Perhaps the atmosphere was still sick.
Yellow ribbons waved their tails
In unprecedented scales.
I sat back and pondered
Why am I bothered?
I guess it's because I love this country
And the woman behind it's democracy.
As I was reading a caption and a picture below
About this great woman in yellow
I struggled and somehow stretched my neck
But actually, I was keeping my emotions in check.
A little girl witnessed everything
She smiled when she saw me crying
After then, I felt a little better
Although my voice obviously falter.
I stopped, as my emotion pleads
My heart weeps as it bleeds.
It seems there is nothing I can do
To hide my feelings so true.
Many have been said and done
Maybe mine will soon be gone
But her influence will always remain
Even in cold August rain.
How can I say my appreciation?
For all that you've done to our nation
I know words are not enough, but
Then again, maraming, maraming salamat!
8.01.2009
Si August
"Tuwing unang araw ng Agosto, ang unang bagay na pumapasok sa isip ko ay ang unang araw ko dito sa mundo."






