1.30.2007

Mother Mother I am Sick...


Nagkaroon ng lecture dito sa opisina namin tungkol sa Musculoskeletal Disorder, na mas kilala natin bilang - muscle pain. At dahil wala akong schedule na shooting at mall tour, sinubukan kong umattend sa seminar na ito. Doktor yung speaker, so natural na mataas ang expectations ko. At isa pa, base sa credentials nya, isa syang diplomate, parang ako, di-pomade.

Sa umpisa pa lang, sinabi nya na isang taon nya itong pinag aralan sa eskwelahan pero ituturo nya sa amin ng isang oras lang. Todo-compute naman si ako. Kung may 300 na araw sa isang taon ng pag-aaral, lumalabas na bawat minuto ng lecture nya ang katumbas ay limang araw sa school. Sa isip isip ko, hindi ako dapat pumikit dahil bawat segundo ay mahalaga. Kahit inaantok, gising na gising ako, para akong naka drugs.

Sinabi nya na 75% ng lahat ng medical complaints ay stress-related. Yung mga migraine, tension, sprain, high blood, back pain, muscle ache, insomia at ilang psychiatric disorders ay stress ang #1 contributor. At ang # 1 contributor daw ng stress ay biyenan, hehe. (jok) (luv u nay!)

Sa lawak ng topic, nag focus sya ng discussion sa mga work-related na musculoskeletal disorders. Mga sumasakit na likod, balakang, braso, leeg, hita o kamay. Nag lecture sya kung ano ang nature ng mga sakit na ito, paano nangyayari at paano maiiwasan.


Eto ang aking mga natutunan:

Fact: Kapag na-sprain ang paa, cold compress muna ang first aid.

In Fact: Sa pamilya namin, nanay ko ang doktor, nung mapilay ako minsan dahil sa basketball, tinapalan nya agad ito ng ininit na dahon ng ‘tuba’, saka binalot ng mahigpit. Yung init daw ay para mamatay ang mikrobyo at yung benda ay para daw mawala ang maga. Ang resulta, naging negro ang mga daliri ko sa paa at pati talampakan ko kulay tutong. Umiyak ako non, hindi dahil sa sakit kundi sa kakaisip na baka malaglag na lang ang paa ko dahil nabubulok na ito.

Doktora: Ang hot compress ay gagawin, 2 days after the sprain.
Nanay ko: Strike the iron when it’s hot!

-----------


Fact: Sa tamang pag-upo, hindi ang lower back ang dapat magdala ng weight ng upper body mo.

In Fact: Akala ko very basic ang mga pagtayo, pag-upo, paglakad at paghiga, pero mali pala yung mga nakagawian kong gawin. Kaya pala nung ako yung pangsiyam na pasahero sa jeep na pang waluhan lang at pilit na ipinasiksik sa akin ng drayber yung pwet ko, mayamaya lang ay namanhid na yung mga binti ko. Tinusok na ng karayom ng mangkukulam at muntik ko nang patayin yung mamang humawak sa binti ko nung bumaba sya.

Doktora: Kapag masakit ang pwet mo, musculoskeletal disorder din ito kasi muscle din ang pwet.
Nanay ko: God knows Hudas not pay!

----------



Fact: Sabi sa ergonomics, mas maiging nagpapalit ng position ang mga trabahador sa isang manufacturing plant para makaiwas sa Repetitive Stress Injury (RSI).

In Fact: Nung nag half day ang boss ko sa trabaho dahil medyo masama na ang pakiramdam nya at medyo mataas ang dugo nya ay balak ko sanang i-discuss yung principle nitong RSI. Baka kasi masyado na syang na-stress at baka kako gusto nyang makipagpalit muna sa akin ng position kahit sandali lang, hehe.

Doktora: One major cause of RSIs is overused of a muscle.
Nanay ko: Jack fell down and broke his crown and Jill came tumbling after.




Overall naging productive para sa akin yung seminar na yon. Madami akong natutunan at pwedeng i-share sa aking asawa, i-apply sa trabaho at pang araw araw na pamumuhay.

At ano ang number 1 na gamot sa stress?

Edi Tawa. Hahaha!!!

1.23.2007

Justice League

Nung college ako, bumuo kaming magkakaklase ng isang samahan. Nagsimula ito nung malaman namin na meron pala kaming common denominator maliban sa hilig namin sa pag-aaral at pagba-basketball. Ito ay ang aming pagkamanyak.

Manyak kami in a sense, na pare-pareho kaming humahanga at bumibilib sa mga babaeng magaganda ang hubog ng katawan, flawless, mapang-akit at makatulo laway-sipon. Sa parehong paraan na humahanga ang mga babae sa mga lalakeng matipuno ang pangangatawan. Hindi po kami nambabastos ng mga babae, wala sa ‘forte’ namin yon, hanggang tingin lang naman kami at syempre imagination…. hehehe.

Kapag nagtitipon ang grupo, babae ang madalas na topic ng usapan namin. Yung crush nung isa versus dun sa syota nung iba. Mula sa teacher namin na parang GRO hanggang dun sa classmate naming lola ang hitsura, umiikot ang mundo ng aming usapan. Minsan sa isang inuman, sinubukan naming lalake naman ang maging paksa ng kwentuhan. Isa lang ang naging resulta - lahat kami sumuka.

Si Boyet ang lider ng grupo, ang tawag namin sa kanya ay Batman (Batang Manyak). Mala Christopher de Leon ang karisma ng hinayupak na to. Madami ang nahuhumaling sa kagwapuhan nya lalo na mga bading. Isang dosena ang girlfriend nya sa loob ng isang buwan at dalawa lang don ang babae. Ganyan katapang ang apog nya. Sya nakaisip na bigyan ng mga codename ang bawat isa sa amin para di ganong halata pag may ibang taong nakakarinig.

Si Gary (Robin, the Boy Wonder). Mala Adonis naman ang dating. Baby-face na manyak. Tamang tama ang tag name nya na ‘the Boy Wonder’ kasi parating tulala at lumilipad ang utak. Mahilig mag imagine, laging nakangiti, at lakas parati ng trip. Ultimo si OTIC (Oldest Teacher In Chemistry) pinag tripan nya.

Sina Rey at Patrick (the Wonder Twins). Parating magkasama, parang puto’t dinuguan. Si Rey, ang weapon nya ay ang kanyang husay magsalita at bumangka. Kapag nagsimula na syang magsalita, para kang mahi-hypnotize sa kanya at mapapansin mo na lang na hinahalikan mo na sya. Wonder Twins Power activate! Si Patrick naman ay ngiti ang pangiliti. Isang ngiti nya lang, malamang maghubad ka na este nahubaran ka na pala nya. Para kay Patrick, action speaks louder than words. Deactivate!

Si Jao, ang self-confessed na manyak. Kaya ang tawag namin sa kanya ay Aquaman (Ako Manyak). Simple pero effective ang mga hirit nya. Sa dami ng babaeng dumaan sa buhay nya, meron na syang VIP card sa mga videoke bar, sauna massage, motel at mga night clubs. Eto pa, hindi lang local ah, pang international pa sya. May anak sya este may gf sya sa Indonesia, Singapore, Egypt, Dubai, Malaysia at iba pang members ng United Nation.

Si Dennis, the Flash ang codename nya. Lagi kasing late pumasok sa classroom na tumatagaktak ang pawis, aakalain mo na sa CR sya galing. Gusto nya parating mabilisan, kapag breakfast dapat sa fast food; kapag sa grocery dapat sa express lane; kapag sa news, flash report dapat; kapag sa hotel, dapat short time lang. Lahat dinadaan sa bilis at syempre sa tulis na rin. Ang huling balita namin sa kanya ay medyo hindi namin nasagap, ang bilis kasi eh.

At ako, ay walang iba kundi si Superman. Meron akong super powers na wala silang lahat. Lightning speed, x-ray vision, super strength at sex appeal, san ka pa(l)?

Walang nangahas na magprisinta bilang Wonder Woman sa grupo namin at hindi rin kami nagbalak na kumuha pa, baka kasi maging dahilan pa ito ng pagkakawatak ng Super Friends.

Gradweyt na kaming lahat ngayon at may kanya kanya na kaming career at pamilya. Nasa ibang bansa na ang iba at ilan na lang kaming andito pa. Hindi na lahat mahilig sa pag-aaral, pagbabasketball at pangmamanyak. Pero meron pa rin kaming common denominator na naging bunga ng aming pagkakaibigan.

Lahat ng mga anak namin ay puro babae. Yun lang.

1.15.2007

Too Much of Anything is Harmful.

Lunes ng umaga.

Umaambon dito sa opisina namin, medyo malamig at medyo nakakaantok. At dahil nga umaambon, wala kaming morning exercise sa grounds. Tulog pa ang katawan ko pati ang kaluluwa ko. Kahit anong pilit ko, ayaw gumana ng utak ko, baka kako naiwan ko sa bahay namin.

Sinubukan kong gumawa ng tula para sa asawa ko, pampagana…


dear mommy,

hindi ko masimulan nang maayos ang araw ko...
lunes na lunes pa naman!
hindi kasi kita nakasabay kanina pagpasok,
at wala rin akong ka holding hand...

malapit nang mag break time dito ng alas diyes,
lumilipad pa rin ang utak ko...
kasi, ni text at ni email wala man lang galing sa yo,
paano na kaya ang umaga ko?

gusto ko lang malaman kung na late ka ba pagpasok?
o kung nadala mo ang baon mo?
kung na bad trip ka ba sa katabi mo sa FX...
o kung kulang ang bigay kong pamasahe mo (?)

lunes ulit, at alam kong busy ka ngayon,
malamang din, di mo mapansin ito…
pero isa lang naman ang gusto kong malaman mo -
ikaw at ikaw lang ang mundo ko...

magandang umaga :)


Pagka send ko ng mail sa kanya, agad nyang binasa at medyo nagisip ng konti. Sa dami ng kanyang inisip, eto ang sinagot nya…


dear daddy,

LUV U!

sa ganda ng poem mo ... napangiti mo ako ...

yes, late ako at yes, nadala ko ang baon ko at no, ok lang ang katabi ko sa fx ....



Oo, todo na yon. Woman of few words ang asawa ko. Wala man dating sa yo (hehe), sa akin parang super bagyo yon. Dinugtungan ko pa yung tula ko sa kanya…


dear mommy,

medyo inaantok pa ako sa ngayon,
napuyat kasi sa kakapanood ng Sharon.
pero nung nabasa ko itong email mo...
tumambling ako at tumalon-talon!!!

nagbaon pa nga ako ng aking energy drink na c2,
para mabilis mawala ang aking antok.
email mo lang pala ang tanging gamot,
kaya yung ngiti ko umabot hanggang batok...

salamat at napansin mo rin ang tula ko,
at nalaman ko na late ka rin pala…
na nadala mo rin ang hotdog na baon mo,
at ang mga hirit ko ay patok pa rin pala...

maliwanag pa nga ngayon pero parang uwian na,
kumpleto na kasi ang umaga ko...
hayaan mo, pag uwi mo mamaya -
gabi mo naman ang kukumpletuhin ko...

i love you!


Dahil sa bangis ng mga binitawan kong salita, umasa ako na super bangis din ang mga isasagot nya sa akin. Na kung kanina ay napangiti ko sya, ano naman kaya ngayon?

Eto ang sagot nya.



dadi,

kumuha ako ng c2 mo kanina tapos binaon ko din .......


mommy



Pumunta ako ng clinic at nagpa check up.

1.11.2007

Five Little Indians


Try nyo to: (humingi muna ng permiso sa nakatatanda)


Kumuha ng isang Olympic size na football field, tanggalin ang mga upuan, iwan mo lang yung 'field' mismo. Lagyan ng pader, sahig at bubong. Pinturahan at lagyan ng mga ilaw, bintana, aircon at mga power outlets. Ihilera ang humigit kumulang na 300 na office tables at office chairs. Dagdagan mo pa ng mga 80 na cabinets, 260 na desktops, 10 printers, 90 na telephones at libo libong rolyo ng kable. Huwag na nating isama ang mga tone-toneladang papel, figurines, stuff toys at mga pet bottles. Ngayon anong meron tayo – opisina namin.

Ganito kalaki ang Engineering office dito sa amin, sa sobrang laki, tatlo ang time zone dito.Hindi dito uso ang cubicles, kaya kitang kita nyo ang bawat isa. Magkakatabi kayo ng table na para kayong kumakain sa SM food court. Kapag may humatsing ng malakas sa kabilang table, sigurado mapapansin mo or worse matalsikan ka nung laway. Kapag naman nanood sa Youtube yung nasa harap mo kahit na limang lamesa ang layo niya sa yo, malamang e mapanood mo rin. Ang saya di ba?

Eto raw kasi ang concept ng mga Hapon para sa office. Ang tawag nila dito ay ‘o-beya seedo’ o ‘open space system’. Pinagtitibay daw nito ang group environment at ang team spirit. Kapag pumasok ka sa opisinang ganito, alam mo kaagad kung sino ang mga boss at kung sino ang mga busabos.

Sa puwesto ko, nakapalibot ang limang engineer. Mga kapita-pitagang inhinyero na may kani-kaniyang mundo. Gusto kong makilala nyo sila.



Si Annie (hindi tunay na pangalan) – nakaupo sya sa aking kanan. Laging nakakalimutang i-silent ang cellphone nya kaya kapag may nag text o kaya ay nag ring ito, instant celebrity kami pareho sa engineering.



Si Sugar ‘n Spice (‘n everything nice) – nasa upper right corner ko sya, kung sa mapa, sya yung NE. Mabait at ever-loving na mommy. Galing sa isang school na kilala bilang pugad ng mga matatalino (naks, schoolmate ko kasi ito!).



Si JJ Fad – nasa harap ko sya nakaupo. Sa dami ng talent ng taong ito, pwede na syang magtayo ng talent agency. Blog addict din, hehehe.



Si Princess Leia – nakaupo sya sa aking SM North West pero tambay sya ng SM Southmall. Ang bunso sa mga bunso, PG-13 lang kasi ang usapan kapag andyan sya.


Si Arielle – sa kaliwang side ko naman. Kahit katabi ko sya, idadaan nya pa rin sa mail yung usapan namin, para daw documented, pang ISO-certification.


Sila yung limang 'indians' na araw-araw kong nakakasalamuha sa trabaho. Limang dahilan kung bakit mataas ang respeto ko sa mga engineers dito sa amin. Limang inhinyero na nakilala ko nang husto dahil sa 'o-beya seedo' concept. Sila ang aking limang Dulcolax sa opisina, na makita o makausap mo lang, tiyak gagaan ang pakiramdam mo.


Magkakaiba man kami ng trabaho o layunin sa buhay, magkakasalungat man ng pananaw paminsan minsan, dito sa Engineering, nagiging isa.


Hell ang Engineering, pero cool!