Para sa akin, naging isang kaugalian na ang mainit na pagsalubong sa kung sinong kamag anak o bisita ang darating, mapa galing man sya sa ibang bansa o sa kabilang kanto lang. Iba daw kasi kapag Pinoy ang sumalubong, may init at kiliti. Napansin ko rin na ang nagpapasaya sa PAGSALUBONG ay kung tatanggalin mo yung unang ‘G’, dahil magiging PASALUBONG ito, o di ba mas masaya, hehehe. Pero kapag nag-PASS sa pasalubong, eh ibang usapan na yan, lokohan na yan.
Nadala ko ang mga feelings na ito hanggang sa lumaki ako, kaya lang hindi na yung tatay ko ang sinasalubong ko kundi yung asawa ko na.
Halos linggo-linggo, umaalis kasi ang asawa ko dahil sa kanyang trabaho at makalipas ang apat o limang araw eh babalik na ulit sya. Gasgas na gasgas ang mga salitang ‘salubong’ at ‘pasalubong’ sa amin gaya ng mga salitang ‘hatid-sundo’ at ‘sundot-hatid’.
At dahil ganito ang istorya namin, naging regular akong customer ng 'Salubungan Area' sa may Terminal 2 ng NAIA. Kilala na nga ako ng crew ng restaurant don pati mga janitor. Sa katunayan, alam na nila ang aking oorderin bago pa man ako magsalita, kulang na nga lang ay ilagay nila sa isang lugar yung kakainin ko at kukunin ko na lang linggo-linggo.
Dahil na rin sa tagal nang ginagawa nito ng asawa ko, marami na rin akong mga napagmasdan, napagdiskitahan, nakasalamuha at napuna doon sa salubungan area sa Terminal 2 at merong iilan na tumatak sa isipan ko.
Una ay yung mamang kumuha ng atensyon ko, sa isang maalinsangan na hapon. Striking colors na neon kasi ang suot nyang damit. Sa malayo eh kala mo ay early warning device, pero pag lumapit ka, humihinga pala. Kapag tumabi ka nga sa kanya, paniguradong hindi ka mababangga ng sasakyan kasi malayo pa lang, tanaw ka na. Kahit na malabo yung mata nung susunduin nya, pihado yung damit nya ang magsisilbing runway para magkita sila.
Nung sumunod na linggo sa pagsalubong ko sa misis ko, ginaya ko yung style nung mamang MMDA. Akalain mo, wala pang tatlumpung segundo simula nung lumabas yung asawa ko sa exit eh nakita nya na agad ako na nakatayo sa sulok. Nung una daw inakala nyang Christmas décor ako, kumukutitap. Pero napansin daw nya na kahawig at kakulay ko yung Christmas décor kaya nya ako nakilala. Kainis!
Minsan naman, napansin ko itong isang pamilya ng mga wrestlers. Kumpleto mula tatay, nanay, ate at kuya. Mukha silang mayaman dahil sa ayos at husay nilang manamit, pero sa laki at taba nilang lahat, kala mo merong mini-exhibit ng mga eroplano ng PAL. Kahit sabay sabay silang naglalakad hindi sila magkakatabi, natatakot kasi silang magulungan ng isat-isa. Eto yung time na akala mo eh lumindol ng konti sa may banda sa inyo, wag ka mag-alala, sila lang yon.
Makakalimutan ko ba yung isang mama na dumisplay sa harap ng waiting area na naka superman costume. Oo, complete with brief sa labas and everything. Sasalubungin nya raw si Batman kasi raw nasira yung Bat Mobile, hahaha. Patok talaga yung trip nya, palagay ko, kahit sinong naandon na nakita sya ay hindi sya makakalimutan. Hinanap ko nga kung nasan yung camera at baka nasa Wow Mali lang kami, pero wala akong nakita. Natigil na lang sya nung nilapitan sya nung gwardya at abutan ng kryptonite. KJ!
Madami na rin akong nakitang mga VIP sa airport. Mula kay President Fidel Ramos hanggang sa mga basketball players ng Talk n Text. Mula sa mga Viva Hot Babes hanggang sa mga PDA Scholars. Lahat sila makatawag-pansin, lahat sila nakakaaliw na nakakabaliw, pero di pa rin nila kaya yung ginawa ni Superman. Idol.
Minsan naman, nakita ko si Piolo Ravales na lumabas sa exit. Kulay itim na body fit ang suot na pang itaas at naka jeans sya na straight cut. Hanep sa dating! Tinitigan ko sya at kinumpara ko ang sarili ko sa kanya.

Lampaso ako milya milya.
Hindi sya kagwapuhan pero hanep sa sex appeal, umaapaw. Pinagtitinginan sya sa airport na ultimo yung gwardyang mukhang bouncer eh tumulo ang laway sa kanya. Bitbit nya ang tatlong bag na malaki at may nakasabit pang medium-size na sling bag sa katawan nya. Bakit kaya hindi sya kumuha ng push cart?
Tsk, tsk… sa isip isip ko, bale nang hindi malakas ang sex appeal, basta ginagamit ko lang ang utak ko, ok na ko don!
Sa isang linggo, maghahatid at susundot este susundo uli ako sa airport. Mararamdaman ko na naman ang pinaghalong sabik, kaba, high-blood, saya, nerbyos at tibi. Pero mas nasasabik na ako ngayon sa kung anong eksena na naman ang aking matutunghayan sa ‘Salubungan Area’.


Manila Time
