1.23.2008

Skating

Bata pa lang ako pinangarap ko na ang matutong mag-skating. Tuwang-tuwa ako tuwing nakakakita ako sa TV ng mga magagaling sa rollerblades at figure skating. Hindi ko mapigilan ang sarili kong isipin na ako yung gumagawa ng mga nakikita ko.

Tuwing madadaan ako sa Luneta, naaalala ko parati ang skating rink doon. Lagi akong dinadala ng tatay ko doon at maghapon kaming manonood ng mga paikot-ikot na mga kabataan sa malaking bilog na iyon.

Nasa elementary ako noon nung magpadala si Tatay ng roller skates mula Saudi sa aming magkakapatid. Isang matingkad na kulay asul na may apat na gulong ang aming pinag-agawang lahat. Kahit sobrang laki ng size ng sapatos na nakakabit doon sa mga gulong, hindi nito kayang pigilan ang kagustuhan kong matutong mag roller skates. Hinihigpitan ko na lang ng todo ang mga sintas ng sapatos kahit halos hindi ko na maiangat ang mga ito dahil sa kabigatan.

Naging instant celebrity ako nang makaandar ako ng ilang hakbang na hindi tumutumba... gabay-gabay system lang ang gamit ko. Ngunit hanggang doon lang pala talaga ako. Bata pa lang kasi ako, alam ko nang mahina ang sense of balance ko. May problema kasi ang aking equilibrioception. Ito ang matinding dahilan kung bakit hindi ako tumutulay sa alambre hanggang ngayon.

Noong Linggo, panandalian akong bumalik sa aking pagkabata at pagkahilig ko sa skating. Kasama ko ang aking asawa at dalawang anak, binaybay namin ang daan patungo sa Araneta Coliseum. Ang pakay namin - Disney on Ice.



Lihim kong inantay ang pagkakataong ito, lingid sa kaalaman ng aking asawa at mga anak. Matagal na namin kasing binalak manood ng mga ganitong show ngunit laging hindi pasok sa budget o sa schedule. Pero ngayon, hindi na namin pinalagpas ito.

Bitbit ang aking pananabik, buong mangha kong pinanood ang palabas na ito. Ilang upuan lang kasi ang layo namin doon sa mga nagpe-perform, kaya kitang-kita ko ang kahusayan nila sa skating. Kadalasan ay napapanganga sa pagkabilib, kasama ang mga anak kong paminsan-minsan ay natutulala sa nakikita. Nung magsayaw si Ariel at mga kaibigan nya under the sea, nung mag showdown si Lion King at nung lumipad si Peter Pan at si Wendy... ilan lang ito sa mga eksenang nagdulot ng kakaibang saya sa akin.


Nung matapos na ang palabas, niyakap ako ng bunso kong anak at sinabi, "Daddy, ulitin po natin 'to." Nung mga sandaling iyon, gusto kong maiyak, dahil alam ko kung gaano kasaya ang nararamdaman nya, alam ko kung gaano sya namangha sa mga nakita nya... alam ko yon dahil minsan din akong naging bata.

Gaya nung unang beses akong sumubok mag-aral mag roller skates, ganoon din ang naramdaman ko nung araw na iyon. Pagod pero sulit ang karanasan.

1.10.2008

Pista ng Quiapo

“Dito ka ba parati pumupwesto?”

Bungad sa akin ng isang lalake sa tabi ko na may tali na puting tuwalya sa ulo, habang iwinawagayway ko ang kamay ko sa pakikinig sa pari na nasa itaas ng pintuan ng simbahan ng Quiapo. Naging panata ko na ang magpasan ng lubid sa mahal na Poong Nazareno tuwing darating ang kapistahan nito at ngayong araw ay isinasakatuparan ko ang aking panata.

“Hindi parati… minsan doon sa kabila, minsan sa gilid, paiba-iba… sa katunayan ngayon lang ako pumuwesto dito.” Sinagot ko ang tanong nya na nakangiti na waring nagpakita ako ng kagustuhan ng kausap. Pareho kaming nakaantabay sa paglabas ng Nazareno at kampante kaming nakisiksik sa dami ng deboto sa may bandang R. Hidalgo Street.

“Sa’n ka pa galing nyan?”, dagdag nya pa.

“Galing pa akong Paranaque… medyo may kalayuan dito sa Quiapo pero ok lang.” Pagmamayabang ko. Medyo may kalakasan na ang boses ko dahil hindi na kami magkarinigan dahil sa hiyawan ng mga tao.

“Ako… galing pa akong Angeles!”

Supalpal ako doon. Ipinagmalaki ko pang galing ako sa malayong lugar samantalang sya ay sa probinsya pa nagmula. Napakagat na lang ako ng labi.

Habang patuloy ang pagsunod namin sa mga sinasabi ng pari sa harap, malaya na kaming nagkukwentuhan dalawa. Unang beses nya palang daw pumunta sa pista ng Quiapo kaya medyo kinakabahan sya. Itinuro ko ang mga katabi naming matatanda at mga binatilyo sabay tapik sa balikat nya. “Relaks ka lang kapatid, babantayan tayo ng Poong Nazareno.”

Ilang minuto na lang at malapit nang lumabas ang santo. Kumapal na lalo ang mga tao sa harap at sa paligid namin. Sari-sari, may matatanda, bata, babae, amoy-alak, amoy-sigarilyo… kung ano-ano. Halos hindi na kami makakilos pareho ng kausap ko at halos magkadikit na kami ng kili-kili. Kahit pilit sinasabihan ang mga matatanda na wag nang lumapit sa gitna ay patuloy pa rin silang nakikisiksik.

Maya-maya nagpalakpakan na ang mga tao at nagwagaywayan na ng mga puting panyo at tuwalya. Hudyat na, na malapit nang lumabas ang poon. Ikinatuwa ko iyon. Gusto ko parating nakikita kung paano lumabas ang Poong Nazareno sa simbahan, dahil ayon sa iba, dito daw makikita kung ano ang maaaring mangyari sa taong ito. Pumwesto na kami ng bago kong kaibigan. Sinabihan ko pa sya kung paano ang pagsalya sa harap para hindi gaano kami maipit ng tao.

Ilang sandali lang bumukas na ang gate ng simbahan. Pulu-pulutong na tao ang dagli-dagling dumagsa sa paghawak sa lubid ng karo. Kadalasan, ang unang buhos ang pinakamalakas dahil hindi pa pagod ang mga tao at lahat ay sabik na humawak sa lubid. Winagayway ko ang aking puting tuwalya habang sumisigaw ng “Viva!... viva!”.

Mga dalawampung metro ang layo sa akin ng karo nang bigla kong maramdaman ang kinatatakutan kong unang buhos. Hindi kinaya ng mga lalake sa harap namin na harangin yung dami ng tao kayat naipit kami sa pagitan. Ramdam ko ang pagnipis ng hangin dahil sa kahirapang huminga. Hindi ko na nilabanan yung buhos ng tao kayat sumabay na rin ako sa agos papasok ng R. Hidalgo Street. Isang bata na hanggang balikat ko ang taas ang nasa pagitan namin ng mamang may kalakihan ang katawan. Alam kong ipit na ipit na sya ngunit sadyang wala sa kapasidad ko ang tulungan sya sa mga oras na iyon. Patuloy ko na lang syang kinakausap at sinasabihang kumapit sa akin at huwag bibitaw. Nakalimutan ko na rin yung bago kong kaibigan. Ang gusto ko lang ay makalabas sa delikadong kalagayan naming iyon.

Habang papalayo ako ng papalayo sa karo, papasikip naman ng papasikip ang pagkakaipit sa akin. Hindi ko alam kung paano pero nakaramdam ako ng kaba at takot na hindi ko maintindihan. Napapikit na lang ako sa hirap huminga, habang pinipilit kong makasambit ng isang maikling dasal. Pagdilat ko ng aking mga mata, isang bangungot ang nakaambang na mangyari.

Wala kaming kamalay-malay, sa pag-agos ng mga katawan ng tao papaatras, mayroon na palang mga nadaganan sa likod namin. Huli na ng malaman ko, na marami na palang nadadaganan. Pinilit kong hindi matumba ngunit hindi ko kinaya ang tulak ng tao. Bumagsak ako sa likod ng isang mamang nagpupumilit tumayo. Kinabahan ako ng husto. Ramdam ko rin ang pagbagsak sa likod ko ng ilang katawan. Sinubukan kong gumapang sa ibabaw ng mga katawan ng tao na sa tingin ko ay mayroon ng mga sugatan at mas masama baka may patay na rin. May nakadagan pa sa akin kaya hirap akong gumapang, sinubukan kong itaas ang kamay ko sa pagbabakasakaling may humila nito. Hindi ako nagkamali. Naramdaman kong may mahigpit na humawak sa kamay ko at pilit akong iniaalis sa pagkadagan. Ibinigay ko na ang kabilang kamay ko sa humihila sa akin dahil hindi ko kayang ikilos ang katawan ko. Latang-lata pa ako na itinayo ng mamang humila sa akin, tapos hila ulit sya sa iba pang nadaganan. Sinulyapan ko ang mamang tumulong sa akin. Walang iba kundi yung kausap ko lang kanina.

Sumalampak ako sa isang tabi upang habulin ang aking hininga. Gusto kong magpasalamat ng sobra-sobra sa mamang tumulong sa akin ngunit, wala akong lakas na tumayo pa. Sinambit ko na lang ang aking pasasalamat sa kanya sa isang dasal.

Sa kabila ng lahat ng ingay at kaguluhan, lahat ng tulakan at siksikan, may mga anghel na ikinalat ang Poong Nazareno upang gabayan ang mga simpleng debotong kagaya ko. Nakita ko iyon sa katayuan ng mamang tumulong sa akin. Kung naniniwala ka sa itim na Nazareno, hindi ko na kailangan pang ipaliwanag ito.

Maya-maya, napansin ko na lang na tumutulo na pala ang mga luha ko.

1.04.2008

Random Kindness

Init na init ako sa suot kong kulay pulang t-shirt, habang nakapila sa terminal ng bus sa Olongapo pauwi sa Maynila. Pasukan na kasi bukas at sabay-sabay luluwas ang mga umuwi sa probinsya pagkatapos ng mahabang bakasyon ng Pasko at Bagong Taon. Habang ang asawa ko naman ay patuloy pa rin sa pagpapaypay sa sarili at sa akin. Nililibang na lang namin ang sarili naming dalawa sa panonood sa mga taong nasa paligid namin.

Madaming tao sa terminal ng bus. May matatanda, may magkasintahan, may pamilya, may magkakaibigan at halos karamihan ay mga kabataan, isang pangkaraniwang eksena pagkatapos ng mahabang bakasyon. Halos mag-iisang oras na kaming nakapila nang maisipan ng asawa kong bumili muna ng pagkain sa malapit na fastfood restaurant doon, kunsabagay alas dose na kasi iyon ng tanghali. Pinagtatalunan pa namin kung siopao sa Chowking, pizza sa Greenwich o hamburger sa Jollibee ang aming kakainin. Hanggang sa umabot sa puntong sya na lang ang bahalang mamili kung ano sa tatlo.

Naiwan akong mag-isa sa pila. Sinubukan kong maglibang muna sa paglalaro sa aking cellphone habang naghihintay na gumalaw kahit kaunti ang pila sa pagbili ng tiket. Sa gilid ng aking paningin, napansin ko ang pagparada ng isang bus mga limang hakbang mula sa kinatatayuan ko. Nagbunga ito ng kaunting kaguluhan sa ibang pasahero kaya sinilip ko ito ng bahagya. Bakante ang bus na iyon. Isang tingin lang sa drayber, ramdam ko na, na magsasakay ito ng pasahero kahit wala pang mga tiket. Kaya't sinukbit kong maigi ang dala kong bag at umakmang pasugod papunta sa bus.

Hindi nga ako nagkamali, isang malakas na sigaw mula sa kundoktor ng bus ang naghudyat sa akin na takbuhin ang pintuan nito at makipag-siksikan. Ginamit ko ang laki ng dala kong bag upang mabigyan ako ng magandang puwesto sa gitgitan. Ilang sandali lang ay nakaakyat na ako at nakaupong maayos sa may bandang kalagitnaan ng bus. Isa na lang ang problema ko ngayon - ang ipaalam sa asawa ko na nakasakay na ako.

Dali kong binuksan muli ang dala kong cellphone para tawagan ang asawa ko ngunit bigla rin naman itong namatay. Low-bat na pala ako. Bakit naman ngayon pa? Hinantay ko munang kumalma ang mga pasahero sa bus saka ko ipinagbilin sa katabing pasahero na pakibantayan muna ang aming puwesto at tatawagin ko lang ang asawa ko. Isang mamang mataba at maitim ang ngumiti para pagbigyan ang aking kahilingan. Kung ano ang bilis ko sa pag-akyat ganoon din naman ang bilis ko sa pagbaba. Sa labas ng bus, isang matinding desisyon ang aking kinaharap. Saan kaya bumili ng pagkain ang asawa ko?

Una kong tinakbo ang Chowking dahil ito ang pinakamalapit sa istasyon ng bus. Sa loob, ang daming tao, ngunit hindi ko nakita sa pila ang asawa ko. Dali akong lumabas at sinunod ko naman ang Greenwich sa kabilang kalye. Mabibilang lang ang tao doon kayat sigurado akong hindi ko napansin ang asawa ko doon. May kalayuan ng kaunti ang Jollibee, ngunit pinilit ko pa rin itong puntahan upang hanapin ang asawa ko. Hindi ko pa rin sya nakita. Hindi ko na mapigilang maglaro sa isipan ko ang muling pagpila ng mahaba kapag hindi kami nakasabay sa bus na sinakyan ko kanina. Sinubukan kong bumalik muli sa pila, nagbabakasakaling bumalik na rin ang asawa ko doon. Ewanko ngunit may parang kung ano na tumawag sa akin at napalingon ako muli sa pintuan ng Chowking. Kitang-kita ko mula sa mga salamin ang asawa kong nakatayong naghihintay ng kanyang inorder. Mas mabilis pa sa alas kuwatro kong tinakbo ang fastfood na iyon.

Pagkabukas ko ng pintuan, dagli kong tinawag ang asawa ko upang hilain at yayaing tumakbo pasakay sa bus, na ng mga sandaling iyon ay puno na ng pasahero. Nagulat sya sa pagkakita sa akin at hindi na nagawang antayin pa ang kanyang order. Sa kamamadali, iniwan nya ang kanyang resibo at numero sa guwardya ng Chowking, sabay karipas na rin ng takbo kasunod ko. Nakasakay kami sa bus ng matiwasay kahit ganoon na lamang ang aking pangamba nung una. Lubos ang aking sinambit na pasasalamat sa mamang nagbantay ng aming upuan.

Sa loob ng bus, naisip ng asawa ko na wala kaming kakainin sa byahe at natatakot syang atakihin ako ng ulcer ko kapag nalipasan ako ng gutom. Isang oras pa kasi bago ang susunod na bus stop sa biyahe namin, medyo matagal pa nga. Habang dahan-dahang umaatras ang bus papaalis sa terminal, sumagi tuloy sa isipan namin yung inorder nyang pagkain sa Chowking, nanghinayang na lang kami. Magtitiis muna kaming mag-asawa sa sampung pisong mani at isang bote ng mineral water bago kami makakain ng medyo mabigat sa tyan. Bago tuluyang umalis yung bus patungong main road, tumigil muna ito panandali at narinig naming bumukas muli ang pneumatic na pintuan. Isang gwardya ang umakyat na may bitbit na pagkain. Tumigil sya sa harap namin at nagtanong, "Number 8 po sir?".

Bumalik sa isipan namin ang inorder na pagkain ng asawa ko sa Chowking. Yung gwardyang kanyang inabutan ng resibo at number kanina ay syang gwardyang nagaabot naman sa amin ng aming pagkain na inorder. Door-to-bus delivery ang nangyari. Hindi namin akalain na pagaaksayahan ng panahon ng gwardya ang harangin yung bus namin at ibigay sa amin yung naiwan naming order. Lubos ang pasasalamat namin sa gwardyang iyon dahil hindi nasayang yung binili namin at higit sa lahat ay may makakain kami sa byahe. Laking hinayang ko lang dahil hindi namin nakuha ang pangalan nung gwardya, ganunpaman lubos mo kaming pinahanga sa ipinakita mong katapatan sa serbisyo. Binura mo sa isipan namin ang mga masasamang halimbawa na aming naranasan sa kamay ng ibang gwardyang katulad mo. Ibang klase ka kaibigan, saludo kami sa yo.

Sa muli kong pagbalik dyan, makakabawi din ako.

1.03.2008

Si Aling Barang

Wala akong litrato noong binyag ko, kung kayat wala rin akong makuhang alaala nung araw na iyon. Pinanghawakan ko na lang ang mala-teleseryeng kwento ng nanay ko.

Sabi ng nanay ko, instant daw ang binyag ko. Hindi nakaplano. Nakarinig lamang daw sya sa kabilang kanto na may libreng binyagan sa simbahan nung araw na yon. At ayun binihisan nya ako agad ng puting damit na hiniram sa kapitbahay at hinila ang unang maisip nyang pwedeng maging ninang ko. Ganon ka-instant. Ni tatay ko nga ay hindi alam na binyag ko. Pagkauwi nya daw galing trabaho laking gulat nya na lang at may bago na syang kumare. Ngayon, hindi na ako nagtataka kung bakit wala akong litrato nung binyag ko.

Isang labandera ang nanay ko, masipag at kilala sa angking talento – ang paglalaba. Noong araw ng binyag ko ang una nyang naisip na pwedeng maging ninang ko ay walang iba kundi ang kanyang amo – si Aling Barang. Isang matandang dalaga si Aling Barang, kaya’t lumaki akong hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng ninong.

Sa isang magarang bahay, ilang kanto lang ang layo mula sa aming looban, nakatira si Aling Barang. Wala syang kasama sa bahay na iyon maliban sa mga katulong at mga mananahi na nagtratrabaho sa kanyang maliit na shop. Tuwing maghahatid ako ng labahin ni nanay sa bahay na yon, natutuwa akong paikutin ang mga mata ko sa loob at paligid ng bahay ni Aling Barang. Dahan-dahan kong pagmamasdan ang kanyang sala set na sa tingin pa lang ay ubod na nang lambot. Masikap kong aabutin ng tanaw ang kanyang kusina, garahe at minsan pa ang kulungan ng kanyang mga asong Doberman. May ilang pagkakataon din kasing kinainggitan ko ang mga asong iyon. Nakakainis ano?

Matangkad si Aling Barang kumpara sa ibang kababaihan. Mataas na pantay ang kanyang balikat na nahahalata dahil sa kanyang kapayatan. Medyo patusok ang kanyang mukha na pilit ikinukubli ng kanyang bilugang mata at salamin. Halata na ang kulay-abo sa kapal ng kanyang maikling buhok na abot hanggang batok lang. Kilala sya sa kalye nila dahil sa hilig nyang magsuot ng ternong damit, yung parehas ang kulay ng pang-itaas at pang-ibaba. Sa bihis pa lang, alam mo nang may kaya sa buhay si Aling Barang. Kung ganon nga, malamang napakaswerte ng kanyang mga inaanak.

Dahil sa kanyang katayuan sa lugar namin, lumaki akong hindi naging malapit ang loob sa kanya. Bibihira ko sya makita sa pang araw-araw na takbo ng buhay ko. Kung may pagkakataon mang magkita kami, yun ay kung may okasyon sa bahay nila at kinukuha nya ang nanay ko at ako bilang isa sa mga mag-aasikaso sa bahay nila.

Pasko nung taong 1981, pagkatapos magsimba nang maaga, niyaya ako ng tatay ko na dumalaw sa bahay ng ninang ko. Mamamasko daw kami. Ihanda ko raw ang mga kwento ko tungkol sa aking pag-aaral lalo na raw ang pagkapanalo ko sa isang Chess Tournament. Sobrang sabik ako non, dahil unang pagkakataon kong mamasko sa nag-iisang ninang ko, ngunit mas kinakitaan ko ng pagkasabik ang aking tatay, hindi ko alam kung bakit.

Panay ang ayos ko sa matigas kong polo habang pinapapasok kami nung katulong sa bahay ng ninang ko. Damang-dama ko ang lambot ng upuan habang pinaghihintay kami sa malawak nilang living room. Hindi ko ulit mapigilang iikot ang aking paningin sa loob ng bahay na iyon na parang unang beses ko pa lang nakita. May pagkakataong nasulyapan ko pa ang ninang ko na sumilip sa amin ng tatay ko mula sa itaas ng hagdan sa harap ng malaking salamin. Lumipas ang ilang minuto at patuloy pa rin kaming pinaghihintay. Nasaulo ko na nga ang aking mga ibibida sa kanya. Ilang minuto pa ang nadagdag sa aming pananabik. May mga pagkakataong nahahalata ko, na nagpapapansin na ang tatay ko dahil sa kanyang patuloy na pag-ahem. Gustuhin ko mang humingi ng tubig ay hindi ko na nagawa dahil pati ako ay natutuyuan na rin ng laway sa kakahintay.

Makalipas ang mahigit dalawang oras, lumabas muli ang katulong na sa amin ay sumalubong nung una. Binasag nya ang katahimikang laganap sa bahay na yon. Walang kagatol-gatol na sinabi nyang bumalik na lang daw kami sa susunod na Pasko, dahil wala daw regalo para sa akin ang ninang ko. Kasabay na nabasag na katahimikan ang pagkasira ng respeto ko sa ninang ko. Pinilit maging mahinahon ng tatay ko at idiniin na hindi yung regalo ang ipinunta namin, bagkus nais nyang ipakilala sa ninang ko kung sino ang kanyang inaanak at kung ano na ang aking mga nakamit na tagumpay. Kung gaano kami katagal naghintay, ganoon naman kabilis kami kung paalisin.

Unang beses kong mamasko noon, unang beses ko rin nakitaan ng pagkamuhi ang tatay ko. Alam kong nahihiya sya para sa akin, kaya sinubukan nyang ilibre na lang ako ng sorbetes mula sa kanto. Pilit nyang pinagtatakpan ang masamang karanasan na iyon dahil sa takot na baka hindi ko yon makalimutan at baka magkaroon ng malaking epekto sa aking paglaki. Hindi nga nagkamali ang tatay ko. Dahil nung araw ding yon, isinumpa ko na wala akong kinikilalang ninang sa buhay ko.

(end of part 1)