3.31.2008

Maraming Salamat Po!

Siyam na manlalaro ang nakapwesto sa umpisa ng kanilang 100-yard na takbuhan. Makikita ang pagkasabik dahil sa kanilang mga ngiti sa labi. Nung sandaling binigay ang hudyat, isa-isa silang nagsimulang tumakbo, hindi man karipas makikita mo sa kanila ang kagustuhang matapos ang takbuhan. Ito ang eksena noong nakaraang ‘Special Olympics’ na ginanap sa Seattle.

Hindi pa man nakakalayo mula sa simula, isang batang lalake ang aksidenteng nadapa at nagpagulong-gulong. Nagulat ang lahat ng manonood at ni isa ay walang nagakala sa mga sumunod na pangyayari.

Narinig ng walong iba pang manlalaro ang iyak ng batang nadapa. Lahat sila ay dahan-dahang tumigil at nilapitan ang batang lalake. Tinulungan nila itong tumayo at buong-giting silang lahat na naglakad kapit-kamay tungo sa ‘finish line’. Palakpakan ang lahat ng mga tao at di mabilang kung ilan ang umiyak dahil sa eksenang iyon.

Marami na akong nasaksihang karera sa buhay ko ngunit wala pang tumapat sa inspirasyon na dulot ng karerang ito. Dito ko ihahalintulad ang inspirasyong binigay sa akin ng Filipinaimages. Marami nang pagbabago akong nasaksihan sa mundo ng internet ngunit walang kasing giting gaya ng grupong ito.

Ang layunin ng samahang ito ay baguhin ang imahe ng Filipina sa mundo ng makabagong media, ang internet at blogging. Nais nilang burahin ang pangit na anino na laging nakasunod sa salitang Filipina. Isang malaking hamon ang sinuong ng grupong ito, maraming bagyo at delubyo ang kinailangang daanan. Ngunit gaya ng sinabi ni Mother Theresa, kapag dakila ang hangarin walang kayang pumigil dito.

Sa isang di pangkaraniwang pagkakataon, nakita ko ng personal ang mga tao sa likod ng Filipinaimages. Nakamayan, nakausap, nakasabay kumain at higit sa lahat nakilala ang mga talento ng adhikaing ito. Lubos nyo akong pinahanga sa inyong mga angking galing.

Ayon sa mga eksperto, kung nais mong baguhin ang isang kultura, kailangan mong apektuhan ang tatlumpung porsiyento ng populasyon. Kapag nagawa mo ito, susunod na lang daw ng kusa ang natitirang pitumpung porsiyento. Kung ibabagay ko dito ang mga numero ng Filipinaimages, suntok sa buwan ang usapan. Ngunit sa tingin ko, kulang man sila sa bilang, sapat na ang laki ng mga puso nila para makamit ang hinahangad na tagumpay.

Isa lang ako sa madaming naimpluwensiyahan at nabigyan ng inspirasyon ng grupong ito. Kung tutuusin, maliit lang ako, kung meron man, maliit lang din ang kontribusyon ko. Ngunit dito sa maliliit na ito nagsisimula ang malalaking bagay.

Sabi ni J. Ashcroft sa isang libro, ‘…sa pamilya, sa paaralan, sa negosyo at kahit sa internet – pare-pareho lang: ang kahalagahan ng mga maliliit na bagay ay mas mabigat pa kaysa sa laki nila…’. Nawa’y lumawak pa ang impluwensiya ng grupong ito sa buong mundo.

Para po sa mga tao sa likod ng Filipinaimages.com, Wikipilipinas.org, Filipiniana.net at Vibal Foundation, marami pong salamat sa parangal at inspirasyon, hangad ko po ang patuloy na tagumpay sa nasimulang pangarap. Mabuhay po kayo.

3.24.2008

Hindi Ako Iiyak

Para sa akin, isa sa pinakamahirap labanan na emosyon ay ang aking kababawan ng luha. Ilang taon na ang binilang ko sa pakikipagbuno dito pero hanggang ngayon, kusa pa rin akong sumusuko sa lakas ng kapangyarihan nito. Tama ka, kalalake kong tao pero napaka iyakin ko.

Noong bata ako, ako ang tinaguriang prinsipe ng palahaw doon sa aming looban. Papaano, konting tukso lang sa akin, iyak na ako agad; konting galos lang, atungal na; konting sigaw lang ng tatay ko sa akin, hikbi na agad. Sabi nga ng mga kapatid ko, may pabrika daw ako ng luha sa mata sa dami ng aking iniiyak. Marahil lumaki kasi akong binibeybi ng aking nanay, kaya pakiramdam ko ay beybi pa rin ako.

Tuwing magkakaroon ng away-bata sa aming magkakalaro, wala akong naiisip na panlaban kundi ang umiyak. Hindi kasi ako marunong makipagsuntukan kaya sa iyak ko na lang dinadaan. Ang problema lang dito, parang tinanggap ko na, na parati akong talo sa mga away-bata na kinabibilangan ko. Pakialam ko kung tawagin nila akong iyakin, eh sa totoong iyakin ako talaga eh.

Bagong taon noon, papasok ang taong 1983, sinubukan naming magkakalaro ang magpadarna ng mga pulburang naipon namin mula sa mga paputok na nahingi namin. Balak naming itaon ito sa pagpatak ng alas dose ng hatinggabi. Sabik kaming nakapalibot sa gitna ng tumpok na pulbura ng biglang matalsikan ito ng baga ng sigarilyo. Bago pa kami nakakilos, nagliyab bigla ang tumpok na pulbura, lumiwanag ng sobra at lumabas ang makapal na puting usok. Wala akong makita pagkatapos. Lunod ako sa amoy ng usok. Kapaan lang kaming magkakaibigan. Sa takot ko, na baka mabulag na ako, iniiyak ko ang nararamdaman ko. Narinig ko na lamang ang boses ng nanay ko na pinapagalitan ako habang bigla ko na lang naramdaman ang kanyang hila sa braso ko papauwi sa amin na may kasamang kurot sa tagiliran. Kasabay ng maiingay na putukan ng bagong taon ang walang patid na ngawa ko dahil sa nangyari. Tandang-tanda ko ang sinabi ng aking nanay na buong taon akong iiyak dahil sinalubong ko ang taon na pumapalahaw. Ito ang eksenang parating bumabalik sa akin tuwing ako ay napapaiyak noong kabataan ko.

Nasa High School na ako, iyakin pa rin ang tukso sa akin ng mga kaklase ko. May ilan akong mambabasa dito na makakapagpatunay nito. Sabi nila, tuwing magsasalita daw ako sa harapan ng klase, para daw akong umiiyak kahit hindi naman. Ang hitsura daw kasi ng mata ko pati ang kunot sa noo na sasabayan pa ng malungkot at garalgal na boses ang nagsisilbing dahilan para tawagin nila akong iyakin. Ilang beses kong pinilit na baguhin ang aking 'facial expression' na ito tuwing magsasalita ako ngunit mukhang iyakin pa rin daw ang nakikita nila. Tinanggap ko na lang iyon ng walang pangontra, sabi ko na lang sa sarili na magiging mahusay akong stage actor pag nagkataon. Pero hindi pala, stage nga wala, actor pa!?

Sa kababawan ng luha ko, mabilis akong mapaiyak ng mga drama sa telebisyon, mabigat na eksena sa sinehan, matinding eksena sa entablado, malulungkot na kwento sa libro at drama sa totoong buhay. Hirap akong labanan ito, nailalagay ko kasi ang sarili ko doon sa tauhan ng kwento na nakikita ko o nababasa. Dinadama ko ang bawat eksena at bawat linyang binibitawan ng mga bida. Kapag nanunot na sa akin ang mga salita, doon ako nagsisimulang napapaiyak. Minsan iniiba ko ang tingin ko upang hindi na tuluyang pumatak pa ang luha ko, dyahe kasi minsan kapag nakita ako ng asawa ko na umiiyak habang nanonood ng telebisyon samantalang sya ay hindi naman umiiyak. Itinatago ko rin sa ngayon ang katangian kong ito sa aking mga anak na babae. Ayokong makita nila akong umiiyak at baka kung ano pa ang masabi nila sa akin. Masira pa ang 'father figure' ko, pero nakahanda akong ipakita sa kanila balang araw na umiiyak din kahit paano ang 'father figure' nila.

Kamakailan, napakinggan ko sa radyo ang revival ng isang kanta na sinulat ni Alice Cooper na lubha kong hinangaan. Hindi ko kilala kung sino ang umawit nito ngayon, ganunpaman ibinalik nito ang isang alaala sa buhay ko na nagturo ng isang magandang leksyon sa aming mag-asawa. Ang kanta ay pinamagatang 'I Never Cry'. Naging hamon para sa akin ang isalin sya sa wikang Tagalog at hindi ko pinalagpas ang hamon na iyon. Pinamagatan ko itong 'Hindi Ako Iiyak'.

Sabi ng mga eksperto, upang maging malinis ang mga mata, kinakailangang umiyak kahit paminsan lang. May mga grupo pa ngang nangungumbinsi na umiyak para makabawas ng sakit na nararamdaman. Kabawasan naman daw sa pagkalalake ang pag-iyak sabi ng iba. Mas tanggap kasi sa lipunan na umiyak ang babae kaysa sa lalake, ewan ko kung bakit.

Pero kahit ano pa man, naging malaking tulong para sa aking pagkilala sa sarili ang pag-iyak. Tanggap ko ang kahinaan kong ito. Hindi ko ikinakahiyang umiyak ako sa mga pagkakataong gusto kong maiyak kahit na buong mundo ang nakatingin sa akin. Hindi naman kabawasan ng pagkatao ang kababawan ng luha. Basta ang mahalaga, ako pa rin ang may kontrol ng aking hinagpis at emosyon at alam ko kung paano ito ipakita sa iba.

3.17.2008

Si Miss Chavez

Si Ms. Chavez ang aking class adviser noong Grade 2 ako. Isa sya sa madaming taong nakaimpluwensya sa akin ng malaki. Ang pagkahilig ko sa Math at pagkakaroon ko ng 'study habits' ay ilan sa mga bagay na natutunan ko at patuloy na tinatanaw na utang na loob sa kanya. Malaking parte ng aking kabataan ang nahubog dahil sa mga aral na turo ni Ms. Chavez.

Matangkad si Ms. Chavez kumpara sa ibang mga guro doon sa paaralan namin. Kahit katamtaman lang ang tangos ng kanyang ilong, mahaba ito kung sa biglang tingin, dahil sa kapayatan ng kanyang mukha. Seryoso ang kanyang hitsura kapag nakaupo sa likod ng kanyang lamesa, ngunit hindi maaring mawala ang mga ngiti sa labi kapag nagsimulang magturo na ito. Maganda si Ms. Chavez para sa akin, angat sa iba ika nga. Binibini pa sya noong guro namin sya, na naging malaking dahilan kung bakit lagi syang tampulan ng tukso ng ibang mga kasama nyang guro. Kilala si Ms. Chavez bilang isang mahusay, epektibo at mabait na guro sa paaralan namin, sabi pa nga ng mga grade 6 students na dumaan sa kanya - bonus na lang daw yung kagandahan.
Hindi ko sya piniling maging titser, nagkataon lang na yung pinili nyang seksyon na hawakan ay yung seksyon na kinabibilangan ko. Kung tutuusin, napakaswerte ng klase namin dahil sya ang naging titser namin. Maraming grade 2 students ang naiinggit sa amin dahil sa iisang dahilan - si Ms. Chavez, bagay na ipinagmamalaki naman namin sa ibang mga seksyon.

Ngayon, nasa grade 2 na rin ang aking panganay na si Sam. Mas bata sya kesa sa karamihan ng mga kaklase nya dahil accelerated sya ng isang taon. Kaparehas ko, mahilig din sa Math ang aking anak at alam ko may kinalaman dito ang kanyang titser.

Si Teacher Ana ang class adviser nila Sam. Simple lang si Teacher Ana, maliit, kayumanggi ang kulay at maikli ang buhok. Kung hitsura ang titingnan, malayong-malayo si Teacher Ana kaysa kay Ms. Chavez, kontra sila sa bawat pisikal na kaanyuan kahit parehas silang maganda. Ngunit hindi ko maiwasang hindi sya ikumpara kay Ms. Chavez dahil sa tuwing nakikita ko si Teacher Ana, si Ms. Chavez ang nakikita ko.

Sa mga pagkakataong kakamustahin ko ang aking anak tungkol sa kanyang pag-aaral, malimit mabanggit ang pangalan ni Teacher Ana sa mga usapan namin. Mga pagpapatunay na lubos humahanga ang aking anak sa kanya at sa kanyang pagtuturo. Alam ko kung ano ang nararamdaman ng aking anak tungkol sa kanyang Teacher Ana at kung gaano kataas ang respeto nya dito. Sabi ng mga historians, "History repeats itself!", sabi ko naman, "Oo nga!".

Nagkahiwalay kami ng landas ni Ms. Chavez pagkatapos ko ng elementarya pero hindi nawala ang paghanga ko sa kanya. Hindi ko na alam kung nasaan na ang aking butihing guro ngayon. Ang huling balita ko ay nag-asawa na sya... ilan na kaya ang kanyang mga anak? Marahil kapag nagkita kami ngayon, hindi ko na sya makikilala o kaya hindi nya na ako makikilala. Sapat nang umukit sa aking alaala, ang maamo nyang mukha noong sya ay binibini pa lamang.

Noong nakatapos ako ng kolehiyo, isang 'thank you' card ang aking ipinadala sa aking dating eskwelahan ng elementarya. Isang paraan ng aking pasasalamat sa isang gurong nagsilbing inspirasyon sa akin habang ako ay nag-aaral. Nakasaad sa sulat ang isang tulang aking kinatha para sa kanya.



Sa Aking Idolo

Maraming guro akong nakilala at nakamayan
Ngunit iilan lang ang lubos na hinangaan
Iilan lang ang maituturing na uliran at dakila
Iilang pangalan lang ang kanyang banggitin ng aking dila.

Nakukuha mo ang respeto ng bawat klase mo
Bagay na di kaya ng ibang gurong nakilala ko
Hindi ako sigurado kung paano mo nagagawa ito
Marahil dahil sa taus-puso ang pagtuturo mo.

Pagpasok sa eskwela ay gumagaan
Kapag ikaw ang guro sa aking isipan
Walang takdang aralin na ubod ng hirap
Kung ang matuto sa kamay mo ay napakasarap.

Tapos na ako ng kolehiyo, sa susunod na bukas
Bawat tagubilin mo ay ginamit kong armas
Sa gubat ng pag-aaral, ako ay nakipagbuno
Dahil sa mga turo mo, lalakad akong nakatayo.

Salamat ng marami sa aking mahal na titser
Ngayon ay isa na akong indyiner
Kung hindi dahil sa mga gurong gaya mo
Malamang isa akong tambay sa kanto.

Ipinadama mo sa amin ang pagmamahal
Ng isang guro sa kanyang mag-aaral
Tatanda ako at dadami ang uban
Ngunit pangako, hindi kita malilimutan...


A teacher affects eternity, he can never tell where his influence stops. - Henry Adams


Isa ang blog na ito sa mga paraan kung paano ko ipinagpapatuloy ang mabuting impluwensya ni Ms. Chavez sa akin at sigurado akong hindi pa dito magtatapos ang lahat.

3.06.2008

Papansin

Ipinanganak ata akong KSP (Kulang Sa Pansin). Hindi na kaila sa ibang mambabasa dito na bunso ako sa apat na magkakapatid, marahil dahil dito, nakaranas akong pagbuhusan ng atensyon ng aking dalawang ate at isang kuya. Lumaki akong nasanay na bigyan parati ng panahon ng aking mga magulang. Kapag hindi nila ako napapansin, gumagawa ako ng paraan para pukawin sila. Kaunting kembot lang ng aking bewang noon at ilang buka ng bibig ay sapat na para makuha ko ang minimithing atensyon nila. Tuwang-tuwa ako parati kapag nagkaganoon, laging bida ang papel ko. Hindi ko ikinakaila na kahit paano nadala ko ang ugali kong ito hanggang ngayon. Ngunit hindi na ang kembot ko ang nagiging dahilan ng pagkuha ko ng atensyon ng iba, kundi ang kagustuhan kong makapagkwento at makapaglahad ng karanasan. KSP pa rin di ba?



“The job of a storyteller is to tell stories, and I have concentrated on that obligation.” – James Michner (The World is My Home)



Kapag kasama ko ang aking mga kababata noon habang nakatambay sa may tindahan ni Aling Claudette, umaatikabong kwentuhan parati ang nakahain. Walang pinipiling oras o panahon ang kwentuhan namin basta’t magkaroon ng pagkakataon, nilalantakan kaagad ang nakahain. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong bumangka sa kwentuhan naming magkakabarkada at wala rin akong maalala na hindi ako nagkwento ni minsan.

Ang hilig ko marahil sa pagkukwento ang nagudyok sa akin para mahilig sa pagsulat. Kapag napapagod na kasi akong magkwento, isinusulat ko ito para sa mga di pa nakakarinig ng mga paglalahad ko. Hanggang sa lumaon na napapadalas na ang aking pagsulat kesa sa pagkwento. Napansin ko rin ang kagandahan ng pagsulat at ang kapangyarihan ng mga salitang nakalimbag. Dito ko nakilala ang mga kaibigan kong lapis at papel. Sila ang nagsabi sa akin na kahit anong araw, kahit saan, pwede basahin ng ibang tao ang mga kwento ko, kahit paulit-ulit pa.



“To begin with, writing is a toy and an amusement.” – Winston Churchill



Ayokong aminin na magaling ako magsulat kasi hindi naman. Maraming pagkakataon kasi na hindi umaabot sa pamantayan ng mga mambabasa ang mga gawa ko. Kung gaano kadaming beses akong sumubok na magpasa ng mga gawa ko sa mga sikat na dyaryo, ganon din kadami ang natanggap kong kabiguan. Kahit sa aming school organ hindi pinatulan ang mga gawa ko. Nakakapanghina ng loob pero nakakalaki ng puso.

Naalala ko pa nung third year high school ako, theme writing namin yon sa Communication Arts 3, pinagawa kami ng essay tungkol sa isang sikat na tao na kilala namin. Isinulat ko ang kwento ng aming kapitbahay na si Mang Benito. Ayon kasi sa kwento sa akin ng anak niya, sikat daw ang tatay nya doon sa lugar nila sa Paombong kaya siya ang naging paksa ko. Ikinainis ata ito ng aking titser na si Mrs. Cabangbang, hinanapan ng mga puna ang aking obra. Tandang-tanda ko ang malalaking mga letra na kulay pula na nakasulat sa harap ng papel ko – “NO CONFLICT”. Ayon sa kanya, wala raw paglalaban na nangyari doon sa dibuho ko, panay nasa iisang panig lang daw. Sa unang pagkakataon idinepensa ko ang gawa ko laban sa kung sinong bumabatikos nito, idiniin ko na hindi nya makikita yung ‘conflict’ sa gawa ko kasi sa iba sya nakatingin. Nilinaw ko na ang ‘conflict’ sa gawa ko ay yung dalawang paboritong kulay ni Mang Benito, yung ‘orange’ saka ‘green’, kung hindi nya man nakita yon, hindi ko na problema yon. Nakatapos ako ng third year, Communication Arts ang pinakamababa kong grado.

Marami pang pagkadismaya ang dinaanan ko tungkol sa pagsusulat pero hindi nito nabago ang ligayang dulot ng pagsusulat sa akin. Lalo na’t kapag nakakatanggap ako ng manaka-nakang papuri mula sa mga hindi ko kakilalang mga tao na napasaya ko sa mga kwento ko. Sabi ng isang blogger tungkol sa akin …
(insert paid ads).


… pero hanggang ngayon hindi ako makapaniwala na binayaran ko siya.

Sa pagsusulat marami akong nakilala, mga sikat at uliran, mga pinagpipitaganan at syempre mga iniidolo, pero ang pinaka nakilala ko sa pagsusulat ay walang iba kundi ang sarili ko. Marami akong mga maling bagay na nagawa noon na pilit kong itinutuwid ngayon sa pamamagitan ng pagsulat. Mga pagkakataon na pinalagpas ko na nagdulot ng matinding pagsisisi para sa akin sa huli. Mga taong nasaktan ko at nagawan ng kasalanan na walang kamalay-malay at mga bagay na hindi ko pinapahalagahan noon. Lahat ng ito unti-unti kong binabalik-balikan at pilit itinutuwid ang mga likong dinaanan sa pamamagitan ng pagsusulat. Hangad ko lang ay iayos ang daan para sa mga taong susubok ding tumahak sa dati kong nadaanan.

Kung ang pagsusulat ay kakulangan sa pansin at isang sakit sa utak, palagay ko ayoko nang magpagaling.