4.30.2008

Ang Huling Pista sa Looban

Tagaktak ang pawis ko habang hinahabol ang hininga. Pakiramdam ko nakalutang pa rin ang aking mga paa dahil sa matinding pagod. Hindi ko pa alam kung pang-ilan ako sa mga nanalo sa sinalihan kong pabilisan ng takbo. Ako ang pinakamaliit, pinakapayat at tingin ko ay pinakalumpo sa mga sumali sa takbuhan, pero ginawa ko ang aking makakaya upang bigyan sila ng magandang laban.

Isa ito sa mga huling alaala ko noong huling pista namin sa Looban. Tuwing unang araw ng Mayo, nagaganap ang pista sa aming barangay Palanan. Isa ito sa kinasasabikan naming mga bata na dumating dahil maliban sa walang pasok ay ubod ng dami ang nakatakdang maganap sa araw na ito.

Isa na rito ang Tour of Palanan. Karera ng mga bisikleta na iikutin ang mga malalaking kalye ng aming baranggay. Palaging dumadaan ang ruta nila sa kalye namin kayat ganon na lamang ang aming tuwa parati. Ang sarap panoorin ng mga manlalaro habang naguunahan sila sa isat-isa. Magsisimula ito pagkatapos lang ng pananghalian at matatapos bago mag alas-kwatro ng hapon. Sulit na sulit ang panonood.

Susundan naman ito ng palaro sa aming lugar. Isasara ang kalye, upang di maistorbo ang mga palaro para sa lahat. Iba’t-iba ang klase ng mga paligsahan depende sa maisip ng nagpapalaro ngunit parating naandon ang mga nakalakihan na nating palarong Pinoy. Takbuhan, hampas-palayok, sack-race, palosebo, agawang-buko, paunahang umubos ng softdrinks/ beer at pataasan ng ihi para sa mga bata. Isa sa mga paborito naming laro ay ang sisiran ng barya sa batya at kainan ng pulburon pagkatapos ay sisipol.

Lima kaming magkakaibigan ang kasali sa sisiran ng barya sa isang malaking batya na may dyobus na itim. Ako, si Dennis, si Komang, si Jong at si Kwatog. Mahina ako sa sisiran ngunit nang makita ko kung gaano kadami ang baryang inilagay sa loob ng batya, naenganyo akong sumali. Inaasahan na ng marami na si Dennis ang mananalo dahil sa laki ng kanyang ipin na gagamitin sa pagkuha ng mga barya. Nang magsimula ang laban, kanya-kanya kaming subsob sa batya. Kapa gamit ang nguso at kagat gamit ang ngipin, bawal gumamit ng kamay. Mahigit limang piso na ang nakukuha ko noon, nang mapansin ko na may lumulutang na kakaiba sa batyang puno ng tubig na kulay itim. Si Kwatog pala noon ay may sipon. Sabay-sabay kaming nagpulasan mula doon sa batya at ang naiwan ay walang iba kundi si Kwatog. Mahigit bente pesos ang naiuwi nyang barya noon. Swerte nya, malas namin.

Madami pang nakatutuwang pangyayari ang naganap noon na hindi mawalay sa aking isipan - nang mabilaukan si ET Girl sa kainan ng pulburon; nang gumulong-gulong si Komang sa sack race at ang pinakamaganda ay nang mapalo ni Jonjon ang palayok sa hampas-palayok. Nakunan ito ng ate ko. Isang eksenang tumatak at palagay ko ay di na mabubura sa aking isipan.

Isang buwan pagkatapos ng araw na iyon, unti-unti nang naglilipatan ng tirahan ang mga tao sa looban. Kinukuha na kasi ng may-ari ng lote ang lupang tinitirikan ng aming mga bahay at kailangan na naming magsilikas sa lalong madaling panahon.

Minsan nakakalungkot isipin na hindi na maaaring mangyari pa ulit ang araw na iyon, ngunit lingid sa karamihan, dito ko kinukuha ang aking inspirasyon sa aking mga pakikipaglaban sa buhay. Sa siyam na sumaling mananakbo noong araw na iyon, kung saan ako ang pinakamaliit, pinakapayat at pinakalumpo. Sa akin napunta ang pinakakulelat na puwesto. At ayoko nang maulit muli iyon.


4.28.2008

Why-Why Analysis

Mahigit tatlong buwan ko nang pinaghahandaan ang isang kumpetisyon na sinalihan ng aming kumpanya. Ako kasi ang naatangan na maging lider ng grupo namin at dahil dito tinanggap ko, na sa mga balikat ko nakasalalay ang tagumpay o pagkatalo ng grupo ko. Sa umpisa ay hindi naging madali para sa akin ito dahil unang beses ko pa lang sumali sa mga ganitong patimpalak ngunit dahil gusto ko ang ginagawa ko, unti-unti kong nabuo ang pinaghirapan naming lahat.

Ito ay ang QC Circle Competition. Paligsahan ng mga kumpanya kung paano ginawan ng solusyon ang isa sa mga matitinding problemang kanilang kinaharap. Meron kang susundin na mga proseso at mga panuntunan at pipilitin mong ipahayag ito sa harap ng mga manonood sa loob lamang ng isang dosenang minuto.

Isang linggo bago ang araw ng kompetisyon, tapos ko na ang aking presentation. Araw-araw sa tuwing nababakante ang isip ko, ito ang pilit na pumapasok. Nag-iisip ako ng mga makabagong gimik at paraan upang ipahayag ng malinaw ang gusto kong iparating sa mga manonood. Minsan kakalabitin na lang ako ng asawa ko dahil napapansin nya na tulala na daw ako, sabi ko nag-iisip lang ako. Sa paghahangad kong makuha ang inaasam na tropeo, araw-araw ganito, bumaon na sya sa sistema ko. Halos kalimutan ko ang lahat para lang dito.

Isang araw bago ang kompetisyon, hinanda ko na ang sarili ko. Nagensayo ng huling pagkakataon at inayos ang mga gamit na kakailanganin ko sa aking mga naisip na gimik. Gabi, bago ako matulog, isang malamyang sakit ng tiyan ang aking naramdaman. Dahil na rin sa history ko ng ulcer, agad ko na itong nilabanan ng gamot na matapang. Bandang alas-dos ng madaling araw, ginising ko na ang asawa ko dahil sa matinding sakit na nararamdaman ko. Umatake na ng tuluyan ang kinatatakutan ko.

Hindi na ako pinatulog ng sakit na iyon, pakiramdam ko sasabog na ang tyan ko. Naaawa ako sa asawa ko dahil kahit sya ay hindi rin alam ang gagawin sa akin. Bago sumikat ang araw, makatatlong beses akong sumuka. Sa pagitan ng aking pagtitiis at paghilab ng tyan, nasa isip ko pa rin ang kumpetisyong aking sasalihan. Kung ang hapdi ay kaya kong tiisin, ang hindi ko pagdalo sa labanan ay mas masakit para sa akin. Hindi lang kasi ako ang maaapektuhan, kundi ang pag-asa na rin ng aming samahan. Pinilit kong tumayo at magbihis para pumasok ngunit mas matinding sakit ang pumipigil sa akin. Ang huli kong paghiga sa aming kama ay senyales na isinuko ko na ang laban ko. Hindi na ako muling nakabangon pa.

Minsan may mga bagay na kahit anong pilit mong gawin na maging sa iyo ay sadyang hindi nakalaan para sa iyo. May mga bagay na aasahan mong ganito ang mangyayari ngunit taliwas dito ang magaganap. ‘Things happen for a reason’, sabi ng iba, na kadalasan ay hindi mo lubos maisip kung bakit nagkaganon. Sa kagustuhan mong makakuha ng kasagutang matino, naaapektuhan nito ang iyong pananampalataya.

Noong taong 2002, nakunan ang aking asawa sa kanyang pagbubuntis, kambal pa naman sana. Matagal bago ko natanggap yung pangyayaring iyon ngunit hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung bakit kinuha na lamang sa amin sila. Isang tula ang aking sinulat na patuloy na nagpapaalala sa akin na tao lang ako at kailangan ko ang isang Diyos na gagabay sa akin.


Sunshine

...You are my sunshine, my only sunshine,
You make me happy, when skies are gray...


I'm sorry, I haven't had that much time,
To talk to you and to know you more.
I will not be able to whisper silent words to you again,
Like we always did before...

I will not be able to tell you bedtime stories,
Of what is wrong and what is right...
I will not be able to kiss you both goodnight,
And tuck you in your beds real tight.

I wish I had seen you my lovely twins,
I wish I had caressed your pretty faces,
I wish I had felt your smooth little kisses,
And the warmth of your loving embraces...

But God has other plans for both of you -
I just couldn't understand?
The message behind all of these
-Footprints in the sand...

I may be restless and weak right now,
But I know I can make it through,
And I will be strong for God I know,
‘Coz I have not only one angel but two…

You never knew, how much I've waited for you,
My heart is now about to cry.
To my sunshines, -I'm gonna miss both of you,
Goodbye my twins, goodbye...


...You never know dear, how much I love you
Please don't take my sunshine away...


Hindi kami nanalo sa paligsahang iyon, iginawad ang parangal sa ibang kumpanya na mas karapat-dapat. Hindi ko man lubos na maisip kung bakit ang galing tyumempo ng sakit ko sa tiyan, alam ko namang ibinaba muna ng Diyos ang aking mga paa sa lupa pansamantala.

4.24.2008

Anong Meron sa Sabado?

Naguguluhan ako. Maraming pagkakataong inisip ko, na kaya kong puntahan ang dalawang magkaibang lugar sa magkaparehas na oras. Ngunit hanggang isip lang talaga ako, alam ko kasing ito ay isang pangyayari na lalabag sa batas ng science at logic. Kung magkakaroon ako ng kapangyarihan, eto ang gusto kong magkaroon - ang makapag teleport. Gaya ng kapangyarihan ni Hiro Nakamura.

Kung sa iba ay isang simpleng araw ang darating na Sabado, sa akin hindi. Sa dami ng mga makabuluhang kaganapan sa araw na ito, hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Sa mga ganitong pagkakataon ko hinihiling ang bisa ng aking minimithing kapangyarihan.

Company outing namin sa Sabado. Minsan sa isang taon lang ito mangyari, parang birthday, kaya sabik akong makasama. Nais ko sanang maranasang makipag bonding sa aking mga tao. Nais ko sana silang makausap na hindi tungkol sa trabaho ang aming usapan. Nais ko sanang makilala ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay at nais ko sanang makapagpahinga kahit sandali mula sa trabaho. Hindi naman ako takot mangitim dahil sadyang maitim na ang kulay ko at lalong hindi ako takot malunod dahil hindi ako lalangoy. Buong araw ang kasiyahang ito at wala akong balak na palampasin kahit konting sandali dito.

Blog Forum sa Sabado. Sa ika-apat na pagkakataon, magkakaroon ng isang pagtitipon ang mga baguhan at mga batikang blogista ng bansa. Gaganapin ito sa UP Malcolm Theater mula alas nuwebe ng umaga hanggang hapon na malamang. Maraming mga kilalang personalidad ang nakatakdang magsalita dito kabilang na ang ilan sa aking mga iniidolo. Minsan na akong nakasama sa ganitong pagtitipon at bawat oras ng aking pakikinig doon ay nagdudulot ng kakaibang inspirasyon sa akin para makapagsulat. Nakilala ko at nakamayan si Janette Toral at nakatabi sa upuan si Manolo Quezon. Kakaibang ngiti ang dulot ng iBlog sa akin, gaya ng una ayaw ko ring palagpasin ang pagkakataong ito.


Team RP General Assembly sa Sabado. Sa kauna-unahang pagkakataon, magkakaroon ng isang malawakang pagtitipon ang TEAM RP. Minsan na akong naintriga sa mga adhikain ng grupong ito at nais ko silang bigyan ng pagkakataon para pakinggan. Marami ang may gusto ng pagbabago sa bansa natin, isa na sila dito. Gusto kong malaman kung ano ang kaya nilang gawin at kung paano ako makakatulong sa kanila kung gugustuhin ko man. Bibigyan ko sila ng pagkakataon na kumbinsihin ako, kailangan galingan nila.


Class Reunion namin sa Sabado. Dumating ang ilan sa mga kaklase ko noong high school, mula sa ibang bansa ngayong buwan. Dahil dito, nais nilang magkita-kita kami. Matagal na kaming hindi nagkikita-kita lahat, ito ang unang pagkakataong mangyayari ito at kapag hindi nangyari, matagal na bago maulit muli. Ngayong Sabado ang nakatakdang araw at ako ay nakatakdang mag-magic. Hihiwain ko ang katawan ko para makapunta dito.

Litong-lito na ako, bakit ba naman kasi nagkasabay-sabay sila sa buhay ko!? Outing (?) Forum (?) Assembly (?) Reunion (?) Apat na eksena sa iisang ako. Miniminimaynimo. Nasan ka na Hiro?

4.16.2008

Hats Off!

May bago akong sumbrero. Isang baseball cap na kulay kalawang na yari sa telang mabalbon. Maliban sa maganda ang istilo nito, sakto din ang pagkakahapit nito sa ulo ko, parang sinukat ika nga ng iba. Kaya para doon sa taong nagbigay sa akin nito, maraming salamat mula sa puso ko.

Isa sa marami kong sinubukang ikolekta na mga bagay noon pa man, ay ang sumbrero na baseball cap ang yari. Kung bibilangin ko siguro lahat ng sumbrero na dumaan sa kamay ko, aabot ito ng higit-kumulang isandaan. Minsan na kasing napuno ang aparador namin dahil lang sa mga itinatago kong sumbrero. Iba't-iba ang kulay, disenyo, yari at istilo ng mga sumbrero ko. Galing ito kung kani-kanino, kaibigan, kuya, pinsan, kaklase, pulot, bili o ang makipag-palit sa iba. Subalit dahil na rin sa aking kapabayaan at konting katangahan, unti-unting naubos ang mga tinatangi kong koleksyon.

Nasa fourth year high school ako nung mahilig ako sa sumbrero. Dahil sa patakarang pinairal ng CAT na dapat ay white-side-wall na 3 x 4 ang gupit ng mga lalakeng kadete, naging instant na kalbo ako noon. Tsato ang naging gupit ko. Makinis na makinis ang gilid ng ulo ko na abot sa tatlong daliri ang taas ng gupit at tanging bumbunan ko lang ang may buhok. Hindi ko magawang magpahaba ng buhok noon dahil tuwing may formation kami kada Sabado, inuukaan ang may mahabang buhok sa gilid. Ikinasuya ko ang hitsura kong iyon.

Sa edad na pilit kang nagpapapogi dahil sa mga crush mo, pilit ka namang pinapapangit ng sitwasyon. Sa sobrang inis ko sa hitsura ko, nasisiguro kong isang beses lang ako nakuhanan ng litrato noong panahon na iyon at sa maniwala ka man o hindi, sinunog ko na ang ebidensyang iyon.

May kalakihan ang ulo ko, minsan ko na itong naikwento sa inyo. Dagdag mo pa ang mga poklat sa ulo ko na bunga ng aking kakulitan noong bata pa ako. Dahil sa mga ito, nagkaroon ako ng inferiority complex, slight nga lang. Nahihiya ako sa hugis ng ulo ko, nahihiya ako sa pangit ng gupit ko at isa lang ang tanging naisip kong solusyon - sumbrero.

Nagsimula na ang nominasyon para sa mga natatanging blog ng Pinoy blogosphere. Ito ay ang Philippine Blog Awards 2. Bibigyang parangal dito ang mga kakaiba at katangi-tanging talento ng mga Pinoy tungkol sa blog. Ang magagandang blog; ang magagandang katha sa blog; ang magagandang disenyo sa blog - lahat bibigyang parangal. Sadyang malayo na talaga ang narating ng Pinoy tungkol sa blogging. Sa dami ng maaaring i-nominate dito, pihadong mahihirapan ang mga hurado.

Sa mahigit isang taon kong paikot-ikot sa mundo nito, marami akong nakilalang mga blog na nagpatawa, kumurot, nagpa-isip, nagpaluha at nagpalakas ng loob sa akin. Kung ako ang tatanungin, karapat-dapat silang maging nominado sa kanilang mga sariling larangan. Karapat-dapat silang bigyang pugay dahil sa kanilang impluwensya sa iba. Ako? Hindi na ako maghahangad na umabot ako dito, dahil ga-butil lang ang laban ko kung meron man. Sapat na sa akin ang malaman ko na may mga taong nahaplos ng aking mga kwento at nakapagbigay aliw sa mga minsang napapadaan dito.

Sa lahat ng mga magiging nominado at kalaunan ay mananalo ngayong Philippine Blog Awards, nawa'y huwag mawala sa isip ninyo ang papel at impluwensyang inyong ginagampanan sa buhay ng ibang tao. Nawa'y magpatuloy at magsilbing inspirasyon kayo sa inyong mga parokyano. Hindi pa man, una na akong babati sa inyong pagkapanalo.

At kahit bago ang sumbrero ko, buong-loob ko itong tatanggalin upang magpugay sa inyo.