7.29.2008

:)

Isa sa pinakasasabikan kong subject noong high school ako ay ang aming English IV - World Literature. Kahit kulubot na ang dila ko sa kaka-Ingles at pinagpapawisan pati na ang singit ko tuwing may graded recitation kami, at kahit isa sa mga miyembro ng Al-Qaeda ang titser ko dito, pilit ko pa ring pinapasukan ang subject na ito. Gusto ko kasing ipakita na I can converse well in English, eventhough I find it very hard to express myself willfully just as I would in Tegelog, especially when my teacher starts questioning my so-called opinion, with her so-called knowledge. It's kinda irritating for me, you know.

In this particular subject I was always excited to meet the masters of the art that I was interested in, from Homer to Tolstoy and from Virgil to Dumas. From the enchanting poems of Edgar Allan Poe to the wonders of the sonnets of William Shakespeare. Everyday, a great deal of excitement envelopes me when I think about the new master that I am going to meet and how will I learn from his works. However, there is still the web of fear that wraps me when I imagine my terrorist teacher calling my name out loud during recitation. ((((E D O N G ! ! !)))

Marami akong natutunan mula sa mga nakilala kong writer/author sa ibat-ibang panig ng mundo mula sa iba’t-ibang panahon. Isa na rito ay ang aral na mula kay Plutarch, isang kilalang manunulat na Greek, na syang nagiging inspirasyon at sadyang nagbibigay-buhay sa bawat obrang aking ginagawa. "What we achieve inwardly will change outer reality." Ang lahat ng aking mga prinsipyong natutunan, pinanghawakan, at kinapitan na nagpatatag sa akin bilang ako ay maaari ring makaapekto ng ibang tao. Dito, sa mga katagang ito ni Plutarch,pinaiikot ko ang mundong aking dinidibuho sa pamamagitan ng pagsulat. Ang bawat kwento, ang bawat talata, bawat pangungusap at bawat salita na inyong nabasa o napakinggan ay nag-uugat sa paniniwalang may koneksyon tayo sa isa't-isa at ang pagsusulat ang aking paraan para maidugtong ko ang pising nag-uugnay sa ating dalawa.

Sa isang talumpati ni J.K. Rowling sa graduating class ng isang sikat na unibersidad, binanggit nya rin ang mga katagang sinulat ni Plutarch. "It expresses, in part, our inescapable connection with the outside world, the fact that we touch other people’s lives simply by existing." Ramdam ko ang bawat hininga habang sinasabi nya ang mga ito. Bumabaon sa balat ko ang kahulugan ng kanyang mga salita. Ninanamnam ko ang bawat pantig sa aking mga dila.

Maliban sa mga masters ng World Literature, marami ring manunulat na Filipino ang nakaapekto sa aking magsulat. Hanga ako sa kanila sa lakas ng kanilang impluwensya sa akin. Mula sa mga National Artists natin, sa mga Palanca awardees, sa mga sikat na mandudula at manunulat at ultimo mga kontributor sa koleksyon ng sanaysay ng Youngblood, naging malaking bahagi sila ng paraan ng aking pagsusulat ngayon. Gusto ko lang bigyang diin dito ang isang manunulat na inukulan ko ng kakaibang paghanga.

Sa isang bookstore sa Cubao, una ko syang nakilala. Isang kwento pa lang ang nabasa ko na gawa nya, para akong naging asong sabik sa susunod na hagis ng buto. Pangalawang kwento, laglag na agad ang brief ko. Ganon sya kagaling para sa akin. Sa kagustuhan kong makilala sya ng Personal, sinubukan kong magpunta ng UP, kung saan sya ang panauhing pangdangal ng isang okasyon. Huli na ng malaman ko na napalitan sya dahil sa kanyang munting karamdamang iniinda. Ngunit hindi doon natapos ang kwento naming dalawa. Habang binabasa ko ang isa sa mga akda ng manunulat na ito sa isang bookstore sa Alabang, may isang mama akong napansin na pandalas ang nakaw ng tingin sa akin. Bago ko pa man matapos ang kwentong aking binabasa, nasa tabi ko na ang mamang una kong napansing patingin-tingin sa akin. Dito ko Personal na nakilala at nakamayan ang taong aking lubos na hinahangaan.

Nang mapunta ako sa mundo ng blog, sangkatutak na manunulat ang aking nakilala at nakasalamuha, sadyang kahanga-hanga ang kanilang mga talento sa pagsulat. Marami na akong nakita sa kanila sa personal pero kadalasan ay hindi ako makapagpakilala. Sa mundo ng blog, dito ako nadarang ng husto. Nainitan, nalamigan, nahanginan, nasabon at nabanlawan, lahat dito sa blog ko naranasan. Sampu ng lahat ng mga ito, sila ang mga baon ko sa tuwing ako ay magsusulat ng kwento. Sa mundo rin ng blog, minsang kinilala ang mabahong pangalan ko. Nakatutuwang isiping may naaapektuhan din pala sa mga sulat ko.

Noong nakaraang Biyernes, dalawang parangal ang aking tinanggap. Una ay mula sa isang pakontes na sinalihan ko ng aking obrang tula. Nanalo ito ng special award at nabigyan ng pagkakataong maipakita ang kabuuan sa lahat. Mga simpleng manunulat lang din ang karamihan sa mga nanalo doon ngunit pansin ko sa kanila ang epekto ng karangalang dala ng award na iyon. Lingid naman sa kaalaman ng aking pamilya, isang mas mahalagang parangal ang tinanggap ko rin noong araw ding iyon. Ito ay ang Blog Award: Best Stories na iginawad ng isa kong kaibigan. Hindi kasing kinang ang award na ito kumpara sa una ngunit para sa akin, ito ang isa sa pinakamalaki at pinagmamalaki kong award na natanggap. Walang premyo pero hindi matatawaran ang karangalang kaakibat nito para sa akin. Lubos mo akong pinaligaya kaibigan, salamat ng marami.

Hanggang ngayon mula nang makuha ko ang mga nasabing parangal, umuugong pa rin sa akin ang mga katagang binitawan ni Plutarch at ni J.K. Rowling. Sadya ngang may mga taong malakas makaimpluwensya at makaapekto sa buhay ng iba sa simpleng paraan na naandyan lamang sya. Yun ang ginawa sa akin ng award ni Roninkotwo.

Kung dati ay mga kaopisina ko lang ang tinututukan ko at pinipilit na pinababasa ang mga gawa ko, ngayon naibabahagi ko na rin ito sa iba. Laking pasasalamat ko sa mundo ng blogging. Sana lang naging makabuluhan ang aking mga akda para sa kanila.

Mahigit isang taon at kalahati na ring nabubuhay ang inversetutuldok, palagay ko kahit paano may mga napangiti din ako sa mga kwento ng kalokohan ng buhay ko. May mga naimpluwensyahan din ako kahit paano sa mga aral na naituro ko at may mga na-inspire din kahit kaunti sa binahagi kong talento. Umabot sa mahigit pitong-libo ang bisita ko sa blog na ito, kalahati dito ay ako. Sadyang minsan dumarating ang pagkakataong iisipin mong may katapusan pala ang lahat ng bagay dito sa mundo.

Marahil, umabot na ako sa dulo ng aking karera. Hindi na kaila na bumagal na ang mga kwento ko. Kaya pa namang tumakbo pero ramdam na ang pagod at pagkahapo. Nanghihina ako pero hindi nanlulumo. Bibigay ang katawan ko pero hinding-hindi ang puso ko. At gaya ng aking klase sa World Literature, kahit anong pilit kong patagalin at pahabain, kapagdaka'y magtatapos din ang klase.

Naway naging magandang bahagi ng inyong buhay ang inversetutuldok.

Hanggang sa muling pakikituldok...

(inv:)

7.15.2008

A Very Special Labistory



Para sa mga nabitin at nagpatiwakal dahil sa kanilang nabasa na Labistory ko, ito na po ang naudlot na karugtong. Inaabisuhan kong basahin nyo muna ang part 1, kung di nyo pa nababasa, bago ang kwento sa baba...



Hindi na kami nagkita pagkatapos ng graduation namin. Ni tawag sa telepono, ni beep sa pager, ni ha ni ho - wala. Dalawang taon kong kinimkim ang mga huling eksena namin. Laging umaasa na minsan ay magkakasalubong muli ang aming landas... kung kailan man yon at kung saan, hindi ko pa alam. Hanggang sa isang araw...

Nagulat ako sa balitang nag-crash ang Cebu Pacific Flight 5J-387 papuntang Cagayan de Oro, sampung taon na ang nakakaraan, ngunit mas lalo akong nagimbal nang malaman ko na ang isa sa mga biktima doon ay dati kong kaklase sa college at kasama sa student org. Noong una ay ayaw kong maniwala, kahit nabasa ko sa balita sa TV ang kanyang pangalan na isa sa mga nasawi, inisip ko na baka kako kapangalan nya lang iyon. Ngunit nung kumpirmahin ito ng kanyang ate sa akin, nanlugmok ako ng todo.

Dalawang taon pagkatapos ng aming graduation, tinawagan ang halos lahat ng aming batch upang dumalo sa isang misa na gaganapin sa aming school chapel. Inialay ang misang ito upang makita ang katawan ng aming kaklase na kasama sa sumabog na eroplano.

Halos puno na ang chapel pag dating ko nung araw na iyon. Muli kaming nagkita magkakaklase. Bagamat sabik ang bawat isa sa amin sa kwentuhan, tila tinabunan muna ito ng isang malaking kumot ng kalungkutan. Dahil maraming tao, nagpasya na akong tumayo sa likuran kaysa makipag siksikan para makaupo. Hindi ko makakalimutan ang araw na ito dahil dito ko muling nagisnan ang maamong mukha ni Thess. Pagkalipas ng mahigit dalawang taon na walang balitaan, muli ko syang nasilayan. Bagamat misa tungkol sa patay ang aking pinuntahan, buhay na buhay naman ang aking nararamdamang paghanga sa kanya.

Tuliro at hirap akong magdasal habang humahaba ang leeg ko kakasipat sa kanya. Sa may bandang harapan sya nakaupo at katabi ang isa rin sa aking mga kaibigan na noong panahon na iyon ay kanyang kasintahan. Wala akong pakialam doon sa kasintahan nya, ang sa akin lang ay masulyapan sya, kumpleto na ang aking umaga. Hindi ko na tinapos ang misa dahil ayaw kong makita nya ako bagamat nagpaalam ako sa ilang mga kaibigan ko doon na nakapwesto rin sa likuran. Habang papauwi, ninanamnam ko ang bawat sandaling nasilip ko ang kanyang kagandahan.

Noong mga panahong iyon, isa akong service engineer ng isang maliit na kumpanya, lagi akong may natatanggap na mga tawag mula sa aming mga kustomer. Ilang araw pagkatapos nung misang iyon, isang tawag ang aking natanggap. Magiliw kong kinausap ang boses sa kabilang linya. Noong una ay may nirereklamo syang kagamitan na kanyang binili daw sa amin ngunit nung usisain ko kung anong klase ito, hindi na sya makausap ng matino. Huli na nang malaman ko na ang boses sa kabilang linya ay walang iba kundi si Thess.

Pagkatapos ng mahigit dalawang taon na walang komunikasyon, ito ang muli naming pag-uusap. Hindi ko maipaliwanag kung ano yung naramdaman ko noon. Gusto kong matuwa na medyo naiiyak, hindi ko sigurado kung dahil ba sa kasabikan ko syang makita o makausap o dahil ba sa panghihinayang na bunga ng aking katorpehan.

Lumipas ang mga araw, dumalas ang mga tawag nya sa akin at syempre mas madalas akong tumawag sa kanya. Sinasamantala ko ang mga pagkakataong kapag hindi sya susunduin ng kanyang boyfriend eh ako ang nagpriprisintang sumundo sa kanya, pero alam ko kung hanggang saan ang limitasyon ko sa kanya, respeto ko na rin dun sa kaibigan kong boyfriend nya.

Nabuo muli ang aming samahan - ang WET JAM. Tuwing lumalabas ang grupo, may isang nakatokang manlilibre sa lahat, kadalasan ay kumakain lang sa mga turo-turo at konting painom-inom sa gilid-gilid. Kinilala kong muli ang babaeng sanhi ng aking pagkatapos sa kolehiyo ng husto sa taon. Ang babaeng nagpahanga sa akin at minsang nagpatibok sa tulog kong damdamin. Sa tuwing lumalabas kami, lagi akong kumukuha ng mga souvenir items para sa araw na iyon upang maipon ko at mailagay balang araw sa aking scrapbook.

Simula High School hanggang College hanggang sa magkatrabaho ako, hindi ako nagkaroon ng girlfriend *ehem* dahil sa iisang babae lang umikot ang mundo ko, kahit alam kong hindi talaga kami.

Isang gabi, bandang alas nuwebe, nakatanggap ako ng tawag mula kay Thess. Nais nya kaming makita (buong WET JAM) nung gabi ding iyon sa may Padi's Point sa Antipolo. Kailangan nya daw kaming makita lahat dahil may importante daw syang sasabihin, na hindi maaari sa telepono lamang. Sa aking pagkasabik at pagkakaba, pumara ako ng taxi at binaybay ang layo ng Paranaque at Antipolo.

Pagdating ko sa Padi's Point, ako na lang ang hinihintay ng grupo. Mukhang nagkakasarapan na sila ng kain at inom kaya inawat ko muna sila at inusisa ang matinding dahilan kung bakit ako nakapag taxi ng di-oras. Nung magsimulang manahimik ang lahat, doon din nagsimulang magsalita si Thess.

Dito nya inamin na wala na sila ng boyfriend nya.


(sensya na... andyan na boss ko...)

7.03.2008

The Incredible Hank

‘Hank’ ang pangalan ng presidente ng aming kumpanya, hindi ito ang kanyang tunay na pangalan pero ito ang gusto nyang itawag sa kanya. Isa syang Hapon na medyo may idad na, pero matikas na matikas pa rin sa tindig (hunk na hunk ika nga). Binubuo ng apat na simpleng mga letra lamang ang pangalan niya, kung tutuusin ay napakadaling tandaan at basahin pero sa totoo ang hirap nyang ispelengin.

Sa dami ng mga nakatrabaho ko nang mga Hapon, sadyang kakaiba sa lahat ang ugali at istilo nitong si Hank. Minsan gusto nyang magreport ako ng diretso sa kanya ngunit tuwing gagawin ko naman ito, tinatanong nya ako kung bakit ko yon ginagawa, dapat daw eh sa Director ko ako nagrereport at hindi sa kanya. Sinasabihan nya rin ako kadalasan na dapat alamin ko muna ang bawat detalye ng mga isyu bago namin pagusapang dalawa, ngunit sa kanya ko rin naman kukunin yung mga detalyeng iyon. Kakaiba talaga. Lagi niya ring sinasabi sa kanyang mga meeting ang mga katagang “do not blame others” ngunit sya naman itong nangunguna na manisi kapag may problemang lumabas. Ibang klase talaga itong si Hank, sala sa init, sala sa lamig, laging may nakikitang butas sa iyo o kaya sa mga gawa mo. Minsan inisip kong regaluhan sya ng CD ni Bea Alonzo, baka kako magbago ang ugali kapag narinig nya iyon.

Sa ganitong ugali kilala sa aming opisina si Hank, matapang, istrikto at walang pakialam kung makakasakit ng damdamin ng tao. Minsan na syang ikinumpara sa isang mabangis na Russian leader na si Ivan the Terrible na nasira ang ulo ng naging anak dahil sa kanyang bagsik. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, may namamahay na kabaitan sa puso ni Hank the Terrible, kumbaga sa isang gusot at madungis na papel, may isang parte doon na malinis at walang bahid ng dumi. Yun nga lang, hindi ito nakikita ng marami.

Sa isang awarding ceremony na pinuntahan naming dalawa, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap sya ng masinsinan habang bumibiyahe kami sa kahabaan ng expressway. Isang casual na usapan na walang limitasyon sa topic na pinag-uusapan. Kung saan kami dalhin ng aming kwentuhan yun ang aming nagiging kulitan. Ginamit ko ang pagkakataong ito para makilala ko ng husto ang tunay na Hank.

Sinimulan ko ang interview tungkol sa kanyang pamilya, na nauwi sa presyo ng bigas, na napunta naman sa hilig nya sa hayop at nasingit ang kagustuhan ko sa pagsusulat. May drama, may komedi, may rated GP at karamihan rated PG.

Nalaman ko na kinukupkop nya sa kanyang apartment ang anak ng kanyang katulong na single mom. Sabi nya, naawa daw sya sa katulong nya dahil kulang pa sa gastusin sa anak nya ang sinasahod ng katulong nya (gatas, diaper, gamot, etc...), dahilan para sya ang tumayong ‘lolo’ ng anak ng katulong nya. Sya ang gumagastos sa lahat ng pangangailangan ng bata. Natutuwa naman daw sya doon sa bata dahil laging sumasama sa kanya. Pakiramdam nya nga daw ay sariling apo nya iyon. Kadalasang dahilan ng kanyang maagang paguwi ay ang kanyang pananabik doon sa bata. Dagdag pa nya na bagamat marami na syang nagawa bilang presidente ng isang kumpanya, iba pa rin daw ang kaligayahan kapag nakatulong ka sa kapwa mo. Hindi ko akalain na maririnig ko ang mga katagang iyon sa kanya.

Naikwento nya rin ang tungkol sa dalawang asong kalye na pinulot nya sa daan at kinupkop na parang sariling mga anak. Lagi nya itong ipinagmamalaki sa ibang Hapon na kakilala nya pero kapag tinanong daw sya kung anong ‘breed’ ng aso meron sya, isa lang daw ang sagot nya ‘native’. Pabiro nya ring ikinuwento sa akin ang inggit ng kanyang drayber doon sa kanyang mga aso dahil mas mahal pa raw ang dog food na pagkain ng aso kesa sa food allowance na binibigay nya sa kanyang drayber. Pabiro ko ring sinabing, bigyan nya ng dog food yung drayber para hindi mainggit, sabay tawa. Muntik na kaming mabangga.

Marami pa akong nalaman sa kwento ng buhay ni Hank, minsan sa sobrang bilib ko kulang na lang ay tumulo ang laway ko. Sa totoo lang natuwa ako sa aking mga narinig na kwento ni Hank. Binilinan nya ako na huwag ko daw itong ipagkakalat dahil hindi naman daw iyon dapat ipagyabang sa iba, ang gusto nya lang naman daw ay makatulong sya kahit paano sa iba na nangangailangan ng tulong. Natutuwa daw sya at naandoon sya sa ‘giving end’ kesa doon sa ‘receiving end’. Natuwa naman ako sa pagkakataong iyon at ako ang nasa ‘receiving end’ nya.

Sa paghagilap ko kung ano ang tunay na dahilan ng kanyang masamang ugali, iba ang aking natuklasan. Isang dakila at busilak na katauhan ang aking nasaksihan. Kakaiba at hindi kapani-paniwala.