10.29.2008

Bonggang Bonggang Barong


First time ko magsuot ng barong nung Kinder graduation ko, pakiramdam ko ang gwapo-gwapo ko. Manilaw-nilaw na puti ang kulay ng barong ko at yari sa matigas na tela ang kuwelyo nito, na hindi basta-basta tumutumba sa ihip ng hangin. May pahabang burda sa magkabilang harap nito na di ko maintindihan kung ano, pero sabi ni nanay, husi daw yon, malay ko kaya doon. May kalakihan ng kaunti sa akin yung barong na iyon pero hindi gaano halata kung di mo papansinin. Eto ang pinili ng nanay ko dahil lalaki pa naman daw ako, 'allowance' ika nga nya. Sa bawat akyat ko sa entablado, hinahangin ang laylayan ng barong ko, aliw na aliw ako kapag ganito. Dinadahan-dahan ko pa ang lakad para damang-dama ko ang pagaspas ng laylayan ng barong ko. Pakiramdam ko, isa akong modelo at yung barong ko ang nagdadala sa akin.

Field day namin nung Grade 3 ako, sumunod nangailangan ako ng barong. Sasayaw kasi ang buong Grade 3 ng isang 'folk dance' kung saan ang suot ng mga lalake ay bonggang-bonggang barong. Sabi ni Mrs. Rivera, ang terror na guro na nagtuturo ng sayaw sa amin, na dapat ay puti o manilaw-nilaw na puti ang kulay ng barong na susuotin namin at bawal daw ang mga may kulay na barong. Kailangan naming sundin ang utos na iyon kundi kakainin kami ng buhay ni Mrs. Rivera sa harap ng buong Grade 3 students. Umandar na naman ang 'super powers' ng nanay ko sa paghahanap ng barong.

Nakahanap sya ng dalawang barong este isa lang pala. Hindi ko kasi matawag na barong yung isang damit na nahiram ng nanay ko kasi hindi naman talaga sya barong. Ito yung sinusuot ng mga ring-bearer sa kasal. Yung makintab ang tela na madulas at may masikip na garter sa dulo ng bawat manggas. Hindi ko iyon tinanggap. Samantala, yung isang damit ay barong nga pero kulay pulang maputla, mas lalo kong hindi yon tinanggap. Nakikinita ko kasi kung paano ako kakainin ng buhay ni Mrs. Rivera kapag yon ang sinuot ko.

Natapos ng mahusay ang Field Day namin nung Grade 3 ako. Hirap na hirap at ingat na ingat ako sa bawat kilos ko noon, natatakot na baka masira ko ang suot kong barong na medyo manilaw-nilaw na ang kulay. Matigas pa din ang kwelyo ngunit wala na nga lang pagaspas sa laylayan nito. Pagkatapos ng tatlong taon, muli kaming nagkita ng aking bonggang-bonggang barong.

Naubusan ng 'super powers' ang nanay ko sa panghihiram ng barong kaya ginamit ko na lang ulit yung Kinder-graduation-barong ko. Doon ko napatunayan na matibay pala talaga ang barong na husi. Sa tuwing makikita ko ang mga litrato ko nung araw na iyon, gusto kong maawa sa sarili ko. Ang ganda pa naman ng kapartner ko tapos ako, parang malaking unan na pinagkasya sa maliit na punda. Simula noon, inayawan ko na muli ang pagsuot ng barong.

Isang paanyaya na maging abay sa kasal ang sunod kong pagsukat ng barong. Malaki na ako nito at palagay ko hindi na talaga kakasya sa akin ang barong ko nung Kinder ako. Barong na striped ang uso noon kaya ito ang akin ding sinubukang suotin. Muling nabuhay ang aking kagalakan sa pagsuot ng barong, ang natulog kong pananabik ay muling nagising at nabigyan ng pag-asa. Bumalik ang pagiging FGIB ko - Feeling Guwapo In Barong.

Noong kinasal ako, ang pangalawang pagkakataong nagsuot ako ng mamahaling barong (una ay nung kinder ako). Matikas din ang kuwelyo pero hindi kasing tikas nung unang barong ko. Matamlay na kulay puti ang sa itaas at nagaaway na kulay kalawang naman sa bandang ibaba. May kaunting burdang pahaba sa harap at medyo hindi pansin ang kalakihan nito sa akin, 'allowance' ika nga ng nanay ko. At gaya ng una kong barong, ninanamnam ko rin ang pagaspas ng laylayan nito sa may bandang puwitan ko, at siyempre pa, modelo na naman ang aking pakiramdam. FGIB!

Sa tuwing makikita ko ang malaking litrato naming mag-asawa nung kasal namin, na nakasabit sa pader namin, hindi maaaring hindi ko mapansin ang ganda ng barong na suot ko. Feeling ko nga, mas maganda pa ito kesa sa trahe de boda ng asawa ko.

Sa darating na Biyernes, isang bigating party ang balak kong puntahan. Nais kong ipakita sa kanila ang husay kong magdala ng damit. Nais kong ipakita kung gaano kabagay sa akin ang barong na susuotin ko. Pipilitin kong maging makatotohanan ang pagganap ko habang suot ang bonggang-bonggang barong ko. Mag-make-up lang ako ng konti. Kita-kita tayo.


Happy Halloween!

10.21.2008

Psst Gising, Time Na!


Noong bata ako, hindi ko lubos na maisip kung bakit pilit akong pinapatulog ng aking nanay tuwing tanghali pagkatapos kumain. Kung kelan pa naman kasi masarap maglaro, saka ako patutulugin ng todo. Sa isip-isip ko, hindi ata makatarungan yon. Maraming pagkakataong dinadaya ko ang tulog ko para lang hindi ako mapagalitan, ngunit mas marami ang pagkakataong napapagalitan ako dahil sa pandadaya ko. Minsan, yung mga iyak ko at atungal, ang nagpapatulog na sa akin mismo.

May mga mabababaw akong dahilan kung bakit ayaw kong matulog sa tanghali.

Una, hindi ako makakapaglaro (TULDOK). Sa looban namin, maliliit lang at dikit-dikit ang bahay, kaya rinig na rinig mo ang mga hiyawan ng mga batang naglalaro ng taguan, chinese garter, 5-10 at kung anu-ano pa. Patuloy ang mga hiyawang ito hanggat walang sumasaway sa kanila. Nagiging torture para sa akin ang pakinggan ang mga hiyaw nila habang ako ay pilit na nagpapakaantok sa sahig namin. Pakiramdam ko kasi, kapag hindi ako nakapaglaro ng isang araw, parang ang laki ng nawala sa akin.

Pangalawa, ayokong matulog sa tanghali kasi may mga pagkakataong masyadong hapon na ang gising ko. Pag ganito kasi ang nangyari, hindi rin ako nakakalaro sa hapon naman. Malapit na kasing dumilim at hindi na pupwedeng maglaro sa kalye. Papatapos na ang mga laro kung abutin ko man. Mas nakakainis, dahil sa kwentuhan wala kang maibahagi, muta lang.

Pangatlo, walang kwarto ang bahay namin, kadalasan sa sahig lang ako nakahilata, kung makakalusot sa kahoy na sofa. Maraming pagkakataon kasing bigla ka na lang gigisingin dahil may bisitang dumating. Ang hirap pa naman kapag masama ang gising mo, hindi mo alam kung ikaw yung maysakit o yung mga tao sa paligid mo ang maysakit.

Nung tumuntong ako ng high school, laking tuwa ko noon dahil hanggang hapon ang pasok namin. Ibig sabihin, hindi na ako patutulugin tuwing tanghali ng nanay ko. Goodbye sahig at unan. Yipeee! Nasa college na ako nung lubos kong maintindihan ang dahilan kung bakit ako pinapatulog tuwing tanghali ng nanay ko. Ito ang laging nyang sinasabi sa akin dati na hindi ko maunawaan masyado - 'Dahil kapag lumaki ka na anak, ikaw na mismo ang maghahanap ng oras para lang makatulog'.

Sa dami ng dapat gawin at dapat tapusin, lagi na lang nating sinusugal ang oras ng ating pagtulog. Minsan, talagang hindi na tayo natutulog para lang tapusin ang isang bagay na importante pa kesa sa pagtulog. Yung isang oras na idlip tuwing tanghali ay napakalaking tulong nung nag-aaral ako. Naiiwasan ko ang mga nakaw na tulog sa klase. Minsan, kung mahaba ang biyahe, pipikit ng panandali, maipahinga lang ang pagod na pagod na mata. Maraming pagkakataong naiisip ko na ibalik ang mga sandaling pinapatulog ako ng nanay ko tuwing tanghali, makabawi lang talaga sa tulog.

Sabi ng mga banyaga, mahilig daw ang mga Pinoy na matulog sa tanghali. Kung papansinin mo ang mga opisina at mga kumpanya, marami pa rin ang natutulog pagkatapos kumain ng tanghalian. Kung hindi man, malamang nilalabanan nya lang ang antok nya. "Baboy Behavior" ang term ng dati kong kaopisina tungkol dito - ang matulog pagkatapos kumain. May mga panulat na ring tinalakay ang karakter na ito ng mga Pinoy. Ito rin marahil ang dahilan kung kaya't ang mga palabas sa mga lokal na TV ay nakakaantok kapag oras ng siyesta. Yun nga lang, hindi natin kayang alisin sa paningin ng iilan, na ang pagtulog sa tanghali ay kaakibat ng pagiging tamad at pagiging indolente ng mga Pilipino na hindi naman talaga. Zzzzzzzzzzzz.

Sampung palaka
palangoy-langoy
pataas, pababa
paikot-ikot pa

ang sabi ni ate
matulog na kayo
ang sabi ng palaka
ayoko, ayoko
ang tigas ng ulo mo.

Ngayong may dalawa na akong anak, lagi kong binabanggit sa kanila ang kahalagahan ng pagtulog sa tanghali. Hindi ko sila masisi kung hindi nila kaagad ito kayang intindihin, nanggaling din kasi ako don. Napapagalitan ko rin sila kapag hindi sila nakakatulog o nandadaya sila ng tulog. Pero sa likod ng isip ko, nakangiti ako, dahil nakikita ko sa kanila yung hitsura ko nung bata pa ako.

10.10.2008

Feeling Writer

Pagkatapos ng mahigit isang buwang pananahimik, pagmumuni-muni at pakikipaglaban sa sakit na katamarang sumulat, muli kong bubuksan ang mga pahina ng libro ng aking buhay. Susubukan kong hukayin muli mula sa balon ng aking mga alaala ang mga karanasang aking pinagkukunan ng lakas ng loob at inspirasyon sa araw-araw.

Mapangahas man gaya nung una, susubukan ko muling sumulat.


Maraming mga pangyayari sa aking buhay kamakailan lamang ang nag-uudyok sa akin na isalin ito sa panulat. Ngunit dahil laging nauunahan ng katamaran ang aking pagmamahal sa pagsulat, nananatiling mga alaala lamang ang mga ito sa isang sulok ng aking mga gunita. Nung mapadaan ako sa 'Buy the Book' na bookstore, isang kataga sa isang pangkaraniwang libro ang pumukaw sa akin, '...the feeling of inadequacy, is the black lung cancer of writing...'. Tila itinuro talaga sa akin ang librong iyon para basahin. Eksakto, sapul na sapul ako. Ayoko mang aminin, tinamaan ako ng sakit na iyon - ang kawalan ng bilib sa sarili.

Sa tuwing susubok kasi akong magsulat, nakakailang pangungusap pa lang ako, nawawalan na ako ng gana. Pakiramdam ko hindi na tumatakbo ang isip ko, hindi galing sa puso ang mga salitang binibitawan ko. Nagiging walang kwenta ang bawat letra sa harapan ko. Nanghihina ako at dahan-dahang gumuguho ang tiwala ko sa sarili. Magulo ang bawat talata, halatang hindi free-flowing, halatang nagpupumilit lang. Sa mundo ng blogging, narinig ko ang mga salitang 'Writer's block', sabi nila, ito daw ang pagtigil pansamantala sa kakanyahang sumulat ng post sa kanyang blog. Para sa akin, ito ay ang kawalan ng bilib sa sarili.

Palagay ko, hindi lang ako ang ganito, marami kami. Nawalan na kami ng tiwala sa kakayahan naming sumulat. Hindi ako lubos na sigurado kung paano ito nagsimula, gumising na lang ata ako na pakiramdam ko hindi ko na kayang sumulat muli.

Sa paglipas ng mga araw, dahan-dahan kong hinahanap ang magiging mitsa ng aking muling pagsusulat. Maraming bookstore akong pinuntahan, maraming librong pinasadahan, pati mga dati kong libro ay muli kong binalikan para lang makakuha ng kahit kaunting inspirasyon man lang... ngunit ni singkong duling, wala akong nakita, walang makapilit sa aking magsulat.

Tinalakay na minsan ni Bob Ong sa kanyang libro ang iba't-ibang paraan ng mga sikat na manunulat kung ano ang mga ritwal nila bago sila sumulat. Marami sa kanila, kakaiba ang mga pamamaraan para makakuha ng inspirasyon para makasulat. Napag-isip tuloy ako kung ano ang ritwal na ginagawa ko bago magsulat. Baka kasi ito ang magandang dahilan para makapagsulat muli. Kumakain? Natutulog? Naliligo ba ako bago sumulat? Ano ba talaga?

Minsan ginabi ako ng uwi mula trabaho. Wala ang asawa ko non, naka assign sa isang probinsiya sa Norte. Hindi ko na inabutang gising ang dalawa kong anak na babae. Dahilan para mas lalo akong malungkot at mapagod. Hindi na naman kasi kami makakapagusap mag-aama bukas ng umaga dahil umaalis ako ng bahay na tulog pa sila. Kahit pagod, sinubukan ko pa ring kumain kahit kaunti. Pagkatapos, inasikaso ko ang gamit ng panganay ko para sa pagpasok nya bukas. Isa-isa kong binasa ang mga sinulat nya sa notebook nya habang inaalala ko rin ang mga naisulat ko sa notebook ko nung bata pa ako. Sa isang pahina ng kanyang notebook nakasulat ang ' Isalarawan ang isang tao o bagay, gumamit ng mga salitang naglalarawan.' Ito ang kumuha ng atensyon ko.

Ang Aking Ama

Ang aking ama ay mapagmahal.
Siya ay mabait at maasikaso.
Siya ay matulungin at matalino.
Magaling pa siyang magkwento.
Ang aking ama ay mapag-isa.
Mahal ko ang aking ama.

Minsan nasabi kong mababaw ang luha ko, at nung oras na iyon, hindi ako nagkamali. Tumulo na lang sya ng kusa, habang paulit-ulit ko itong binabasa. Ilang saglit pa, napansin ko nang nagsisimula na akong magsulat muli. Tuloy-tuloy, walang pigil. Sa tagal kong naghanap kung saan-saan ng mga bagay na maaaring gawing inspirasyon para muli akong makapagsulat, hindi ko inakalang sa munting kwaderno ng aking anak makikita ang inspirasyong ito.

Sa totoo lang, stress-reliever ko ang pagsusulat. Kaya hangga't may pagkakataon at nasa mood ako, nagsusulat ako. Tuwing lunchtime sa opisina, sinusubukan kong sumulat kahit ano. Mga dalawampung minuto akong tipa ng tipa sa aking keyboard... walang ayos, walang tema, walang batas, walang limit... kahit ano, pupwede, pampawala lang ng stress. Outlet kumbaga.

Noong isang linggo, sinabihan ako ng presidente namin na gumawa ng isang essay. Ipatungkol ko daw ito sa mga nais kong ipatupad na mga plano sa aking departamento sa loob ng isa hanggang dalawang taon. Noong simula ay ayokong maniwala sa kanya, baka kako nalilito lang sya pero sa isip ko, pinapagawa ako ng presidente namin ng isang bagay na gustong-gusto kong gawin sa oras pa mismo ng trabaho. Ang ibig sabihin ba nito ay magsusulat ako nang magsusulat habang binabayaran nila ang oras ko? Napangiti na lang ako ng sikreto.

Sinabi ni Bebejho sa isa nyang komento sa akin na hindi sya naniniwalang nasa dulo na ako ng aking paglalakbay. Tumanim ng husto ito sa aking isipan. Tingin ko tama sya, hindi ko pa nararating ang aking nais marating. Nagiging maliwanag lang ng sobra paminsan-minsan ang daan, na ang buong akala ko ay nasa dulo na ako ngunit hindi pa pala, nasisilaw kaagad sa kakatiting na liwanag.


Matagal pa ang paglalakbay na gagawin ko pero sa palagay ko, hindi ko makakalimutan ang mga taong nakasalubong at nakasabay ko sa daan. Nawa'y bigyan pa ako ng lakas para makasulat pang muli.