7.29.2009

Kenny at GMA


Bihira ako magsulat tungkol sa politika at politiko, kahit marami akong sinusubaybayan na 'political blogs' at marami akong gustong ilahad at ikomento tungkol sa kanila. Tama na sa akin ang mabasa at malaman ang opinyon ng iba tungkol sa mga isyung pangpulitikal at pangkasalukuyan. Meron kasi akong isang mabigat na dahilan kung bakit hindi ako bumabanat ng mga politiko - sa isang government office nagtratrabaho ang asawa ko.

Kamakailan, ginanap ang SONA ni GMA. Napanood ko ang ilang bahagi nito sa mga balita at nabasa ko ang kabuuan ng kanyang talumpati sa internet. Ayaw ko na sanang patulan kaya lang dinikta ng pagkakataon na balangkasin ko ang buod ng kanyang SONA.

Kagabi lang, naging takdang-aralin ng aking panganay na anak ang tungkol sa talumpati ni GMA. Magbigay daw ng limang magagandang bagay na binanggit sa SONA. Lima (!?) Bakit andami ata?

Kinarir ko yung assignment ng anak ko. Todo ang paliwanag ko doon, pwedeng ipanlaban sa essay writing contest ang mga sagot ko. Syempre, ibinaba ko sa level ng anak ko ang pagpapaliwanag kung bakit may SONA at kung bakit iyon lang ang laman ng SONA. Tiwala akong maibabahagi niya iyon ng mahusay sa kanyang guro at mga kamag-aral.

Teka, ano-ano na nga ba ang nabago sa pamamahala ni GMA?

Sa isang lumang resibo ng Kenny Roger's Roasters ko ibinase ang aking mga napansin. Ayon sa huling talaan ng presyo ng Kenny Roger's, malaki na ang kanilang pinagkaiba.


At hindi kayang itago ang kaibahan.

Halos sampung taon tayong hinawakan ni GMA, kuntento ka ba sa mga nabago niya?

7.21.2009

Torpeng Komedyante

Maka-ilang ulit ko nang ipinangalandakan dito sa blog ko na isa akong torpe at hindi ako marunong manligaw. Hindi ako nahihiya kahit alam kong isang kahinaan ng aking pagkalalaki iyon. Lumaki kasi akong hindi nakakakita ng tamang paraan ng panliligaw kaya wala akong ideya kung paano ito gawin. Karaniwan kasi, sa telebisyon at sa komiks ko lang napupulot ang mga ito. Kung hindi nga kasali ang mga pagkakataong niyayaya ko si Thess noon na kumain sa labas, palagay ko, wala na akong maaalalang mga sandali kung paano ko niligawan ang aking asawa. Ganyan ako katorpe, buong-buo.


Hopeless romantic daw ako, sabi ng iba. Napapansin kasi nila ang katangian kong ito sa mga ginagawa kong tula noon para sa crush ko (yung asawa ko ngayon). Pero ang paggawa ng tula ay hindi ko kinokonsider na panliligaw. Para sa akin, simpleng matalinhagang paglalahad lang ng aking paghanga sa kanya ang aking ginagawa at wala nang iba. Paano ko ba ito matatawag na panliligaw kung nagtatago ako sa likod ng isang codename tuwing magsusulat ako (?) Isang damdaming nagkukubli sa likod ng isang malaking katorpehan.


Ngunit hindi ko kayang ikaila ang kasiyahan ko sa mga pagkakataong pumapayag siyang sumama kapag niyaya ko siyang kumain kami sa labas. Aaminin ko, maraming panahon ang iginugol ko dito upang makilala ko siya ng lubusan. Marami ring pagkakataong ipinakita ko sa kanya kung ano ako at kung saang alikabok ako nagmula. Sa palagay ko, ito ang naging puhunan ko bago pa man ako nagsimulang pormal na magtapat sa kanya.


Isang litrato naming dalawa mula sa aking scrapbook ang pansamantalang nagbalik ng mga alaalang ito. Kuha ito sa isang sikat na parke sa may bandang Tagaytay. Hindi ko lubos na maalala ang lahat ng aming mga pinagusapan at pinagkuwentuhan dito, maliban sa isang bagay. Pero minarapat ko na lang sulatan ang larawan ng mga posibleng aming pinagusapan noong panahon na iyon.










Pero ang totoo, hindi ko makalimutan ang tagpong ito, dahil sinabi niya dito ang apat na katagang pinagmulan ng aking lakas ng loob para lubusan siyang mahalin.

“You make me smile.”

Sapat na yon para malaman ko na hindi pala ako torpe... isa pala akong clown.

7.17.2009

Bilib si Misis


Dati, madalas nagugulat ang asawa ko tuwing makakakita ako ng kaklase ko noong elementary o kaya noong high school at babatiin ko siya ng buong pangalan. Papaano ko daw naaalala ang mga pangalan ng mga kaklase ko. Mas nagugulat pa siya kapag ikinuwento ko na ng detalyado ang mga kalokohang pinaggagagawa namin.

Kinuha ko minsan ang isang class picture ko noong grade 2 pa ako at kinilala ang 90% ng mga kaklase ko doon - in their full name. Bilib si misis. Ang high school classmates ko naman ay saulado ko kahit pabaliktad ang basa ng pangalan at apelyido nila. Dinagdag ko pa na kaming lahat na lalake noong 4th year high school ay kayang sabihin ang mga middle name ng mga kaklase naming babae. Mas lalo siyang bumilib.

Papaano ko daw nasasaulo ang pangalan nilang lahat. Isa lang ang sabi ko, kapag may ginawa ang isang kakilala ko na mabuti para sa akin, pipilitin kong hindi iyon makalimutan, nagiging bonus na lang yung pag-alala ko ng kanyang pangalan.

Nung nauso ang on-line networking gaya ng Friendster at Multiply, mas nagkaroon ako ng pagkakataong makita at malaman ang kalagayan ng iba kong dating mga kaibigan. Nakikipagpalitan na kami ng kuwento at nasusubaybayan ko ang buhay niya kahit magkalayo kami ng lugar. Isa sa mga paborito ko ngayon ay ang Facebook. Sa tuwing magbabasa ako tungkol sa mga update sa kanila, pakiramdam ko, naandyan lang sa tabi ko ang mga kaibigan ko at nagkwekwentuhan lang kami.

Facebook ang dahilan ng high school reunion naming magkakaklase kamakailan lang. Ito rin ang dahilan kung bakit alam ko kung ano ang nangyayari sa bawat isa sa kanila. Nakikita ko kung ano ang mga saloobin nila at kung ano-ano ang kanilang mga pinaniniwalaan. sa ganitong paraan ay mas nakikilala ko sila ng lubusan.

Madalas ko ring banggitin sa pag-uusap naming mag-asawa ang mga bagay-bagay na nababasa ko sa Facebook ko at ng mga kaibigan ko.

Isang post sa isang website ang nagpatawa sa akin ng todo. Paano daw kaya kung noong panahon ng himagsikan ay mayroon ng Facebook. Ito daw ang mangyayari...





Ngayon, kapag may nakasalubong ulit akong kaklase ko nuong elementary at high school at ipinakilala sa asawa ko, hindi na bumibilib ang asawa ko sa akin. Alam niya kasing ka-Facebook ko yung pinakilala ko sa kanya.


Tsk! Tsk! Nabuking na ang sikreto ko. Hahanap na lang ako ulit ng ibang ipagyayabang sa kanya.

7.10.2009

Sukoshi Dake

Matagal ko nang gustong matuto ng salitang Hapon.

Konnichiwa.

Matutuhan ko lang kahit simpleng pagbati at pagpapakilala ng tao ay pwede na sa akin. Pero mas magiging masaya ako kung makakasalita ako at makakaintindi talaga ng Nihonggo.

Kochira wa watashi no tomodachi desu.

Mas gusto ko siyang matutunan kesa sa French, Italian o Greek. Ewan ko ba, basta pakiramdam ko, may dugong Hapon ang kaninu-ninuan ko o di kaya'y reincarnation ako ng isang Japanese warrior kagaya ni Hiro Nakamura sa seryeng Heroes. Sa ilang taon kong pagtratrabaho sa mga Japanese companies, naging malapit sa puso ko ang mga Hapon, dahilan kung bakit naging marami akong kaibigan na mga Hapon.

Sushi no moriawase ga hitotsu, tempura ga hitotsu desu ne.
O-nomimono wa ikaga desu ka.

Sabi nila mahirap daw matuto ng Nihonggo, sabi ko naman, Ilonggo nga natutuhan ko, Nihonggo pa kaya (?) Sa isip-isip ko, sa dami ng mga salitang Tagalog na magkatunog sa salitang Hapon, hindi mahirap matutunan ang Nihonggo. Sa katunayan, madalas gamitin ng mga stand-up comedian ang mga salitang Tagalog na hawig sa mga salitang Hapon sa kanilang mga patawa. Pinagkakitaan ito ng Pork Chop duo pati sina Timba at Tabo.

Dati, sinubukan kong mag-enroll sa isang Japanese class. Unang araw pa lang pakiramdam ko ang dami ko nang alam na salitang Hapon.

Watashi mo biiru o moraimasu.

Pero hindi nagtagal, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, hindi ko natapos yung klase at naiwan ako sa putikan ng mga kasama ko. Milya-milya na ang layo nila sa akin at dahan-dahang nauubos ang mga alam kong salitang Hapon. Di naglaon, kinaibigan ko ang isa sa aming mga Japanese interpreter. Inisip ko na sa ganitong paraan ay matutulungan ako ng bago kong kaibigan sa aking simpleng hangarin. Hindi ako nagkamali.

Minsan, tinanong ako ng isang Hapon namin kung marunong akong mag Nihonggo, sabi ko... "sukoshi dake".

Minsan naman tinanong ako ng boss kong Hapon kung malaki ba daw ang damage ng nasirang machine, sabi ko... "sukoshi dake".

Bago yon, inintriga ako ng isang Japanese support namin kung lalake daw ba yung isang engineer na katabi ko, sabi ko... "sukoshi dake".

Minsan din, tinanong ako ng Presidente naming Hapon kung mas matanda ba daw siya sa tatay ko, sinabi ko... "sukoshi dake".

Tuwang-tuwa ako. Biruin mo, dalawang salitang Hapon lang ang alam ko pero nasagot ko lahat ang tanong nila. Hahaha, tagumpay ako, pwede na akong pumunta ng Japan.


Kamakailan lang, nakatanggap ako ng isang newsletter mula sa Japan.


Hindi ako makapaniwalang naandon ako sa newsletter na iyon. Pero kahit anong pilit kong basahin yung papel, ay di ko talaga kayang maintindihan. Baka kasi ipinagbibili na pala ako ng boss ko o di kaya ay ililipat na ako sa Japan. Pakiusap ko lang, sana mainterpret ito sa akin kahit... sukoshi dake.

7.08.2009

Komiks

Mahilig ako sa komiks. Kasama ko sa paglaki ang pakikidalamhati sa mga kwento sa Pilipino Komiks at Tagalog Klasiks, pati na rin ang pagtawa mula sa mga kwento ng Happy Komiks. Naaaliw ako sa mga kulay at disenyo ng mga ito, dahilan upang mas lalo kong maintindihan at maramdaman ang bawat kwento nila.


Isa ang komiks na humubog sa kamalayan ko sa pagkwento. Minsan, kahit kasi panay drowing lang, kayang-kaya nitong paandarin ang imahinasyon ng isang tao. Marahil ang iba kong mga kwento ay hango sa mga litrato at guhit na nagmula sa komiks. Madami akong nakilalang tauhan at personalidad sa mga kuwentong aking sinusubaybayan, sila ngayon ang mga mumunting tinig na bumubulong sa aking imahinasyon.


Sa dami ng klase ng entertainment sa ngayon, hindi ako natatakot na baka hindi na mapansin ang hiwaga ng komiks. Marami pa rin kasing komiks sa on-line kaya hindi ako kumbinsidong kusang mawawala ang aliw na dulot ng komiks. Kahit baduy o pinaglumaan na, alam kong marami pa rin sa atin ang tatangkilik sa bawat kuwadrong puno ng kuwento at hiwaga.


7.06.2009

Biyahilo

Sobrang mahihiluhin ako noong bata pa ako. Maikling biyahe man o mahaba lagi akong nasusuka. Ang biyaheng Buendia hanggang Quiapo sakay ng lumang Mapalad Liner ay isa sa mga paniguradong pampahilo ko. Kapag sakay ako nito, Vito Cruz pa lang, umiikot na ang sikmura ko at bago umabot sa Jai-Alai, pumusta ka, sumusuka na ako sa bintana.

Mahina daw kasi ang aking 'sense of balance' kaya mabilis akong mahilo. Yung likido sa loob ng tenga ko ay hindi daw ganoon ka-stable kaya konting uga lang, nahihilo na ako.

Ito marahil ang dahilan kung bakit bihira ako isama tuwing may malalayong lakad. Kung isama man ako, dapat may baon akong white flower at plastik. Yung white flower ay pangontra ko sa hilo samantalang yung plastik ay kapag hindi tumalab yung white flower.

Sabi ng nanay ko, kapag nahihilo ako, tumingin daw ako sa malayo, yung malayong-malayong aabutin ng tingin ko. Mga bundok, mga bukirin o kung mas malayo, mga ulap ang aking hinahagilap noon. Mas nakakahilo daw kasi kung yung mga puno sa gilid ng daan ang titingnan mo, para mo na rin daw dinukot yung bibig mo para sumuka.

Ito ang naging pormula ko noong bata pa ako, tuwing bumibiyahe kami papuntang Los Banos para magswimming tuwing summer vacation. Epektib naman para sa akin. Nabawasan kahit paano ang hilo ko.


Ngayon, malapit nang matapos ang mga ginagawa sa South Luzon Expressway (SLEX), mabilis na ang biyahe ko tuwing pumapasok sa umaga pero lagi ko pa ring hinahagilap ang mga bundok at bukirin sa malayo. Nahihirapan na ako dahil halos wala na akong makita. Ilang taon na lang, mawawala na ang mga bukirin sa pagitan ng Sta. Rosa at Cabuyao. Hindi na nagiging epektib ang payo ng nanay ko. Ginagawa na kasi itong parang Makati.

Ibang-iba naman ang dating ng SCTEX (Subic-Clark-Tarlac Expressway). Mahal nga lang ang toll fee pero sulit na sulit sa tanawin. Hindi mo ramdam ang hilo at ang layo ng biyahe mo. Sangkaterba ang iyong makikitang magagandang tanawin.


bundok na hinati

bundok na inulap

bundok na malungkot

bundok na may antenna

walang bundok

mararating ko pa kaya yung bundok (?)


Sa ngayon hindi na ako nahihilo, salamat sa Bonamine at Dizitab at siyempre sa payo ng nanay ko.

7.03.2009

Ang Hito ni Mang Tolits

Kahapon, pagkagaling sa trabaho, nagkita kaming mag-asawa sa isang supermarket. Meron kaming kailangang bilhin para sa school ng bunso namin. Habang naandon kami, napunta kami sa seafood section kung saan merong mga buhay na isdang nakakulong sa tatlong malalaking aquarium. Sa unang aquarium ay panay tilapia, sa pangalawa ay puro hipon at sa pangatlo ay panay hito. Bumalik sa alaala ko ang isang pangyayaring nasaksihan ko noong ako ay bata pa tungkol sa hito.

Lumaki ako sa tabing-ilog, tuwing malakas ang ulan, mabilis tumataas ang tubig sa ilog. Sa ganitong paraan, nabubulabog ang mga hito sa kanilang tirahan kung kaya't nakakalabas sila sa mga imburnal.

Dito nagsimula ang aking kuwento. Pagkatapos ng isang malakas na buhos ng ulan, inilabas na ni Mang Tolits ang kanyang mahabang stick na may talim sa isang dulo na parang sibat. Naghahanda na siya upang manghuli ng mga hito sa ilog. Buong tropa naming Riverside Boys ay sabik na ring panoorin si Mang Tolits sa kanyang panghuhuli. Medyo may katagalan na rin kasi yung huling killing-spree ni Mang Tolits sa mga hito kung kayat lahat kami ay masusing nakatutok at pinapanood ang bawat kilos ng aming idolo.

May kalalilam ang ilog noong mga panahong iyon dahil sa kakatapos na ulan, pero hindi ito inalintana ni Mang Tolits. Dahan-dahan ang kanyang apak sa malambot na lupa sa gilid ng ilog; kapag nagkamali kasi siya ay sa ilog mismo ang hulog niya. Hinagilap ng paa niyang nakalubog hanggang binti ang sementadong bahagi ng imburnal kung saan siya pupwesto at maghihintay. Nang makuha na niya ang kanyang puwesto, iniayos niya ang kanyang sibat, ipinokus niya ang kanyang mga mata at dahan-dahang pumorma. Parang agilang dadagit ng kanyang kakaining daga.

Para sa mga nanonood kay Mang Tolits, hindi namin kita ang mga hito na lumalabas-pasok sa bunganga ng imburnal. Ang kita lang namin ay ang galaw ng tubig na parang umiikot, senyales na may hito sa ilalim nito. Pero iba si Mang Tolits, tila alam niya kung kakanan o kakaliwa ang isang hito kapag nakita na niya itong lumangoy. Hanep ang kanyang pakiramdam.

Wala pang mga limang minuto, bigla na lang itinusok ni Mang Tolits ang kanyang sibat sa tubig. Medyo hindi nya natantiya ang lalim ng tubig na naging dahilan upang mawalan siya ng balanse. Isang malakas na SPLASSSSHHHH ang narinig namin at kitang-kita namin kung paano nahulog sa ilog si Mang Tolits. Talsikan ang tubig, malayo, nabulabog ang mga hito, samantalang si Mang Tolits ay habol-habol ang kanyang hininga paglitaw ng kanyang ulo mula sa pagkahulog.

Walang makatawa sa amin. Gustong-gusto kong matawa ngunit sobrang pigil na pigil ko ito. Ang barkada kong si Dennis na kesyo malaki ang ipin ay hirap na hirap itikom ang bibig kaya siya ang unang humagikgik. Iyon lang ang kailangan para mapakawalan ang tawanan ng buong tropa.

Halos lumupasay ang lahat katatawa. Habang sinusulat ko nga ito ay hindi ko mapigilang matawa, kanina pa ako pinagtitinginan dito.

"Mang Tolits, ilang hito po ba ang nahuli niyo?"
"Pang olympics po ang dive nyo! Hanep!"

Tuwing magkikita kaming magkakabarkada, hindi nawawala ang kuwento tungkol kay Mang Tolits. Ito ang nagsisilbing appetizer namin sa kwentuhan at tawanan. Walang palya, kaya nitong pagulungin sa tawa ang bawat isa sa amin. Hindi ko ito maikuwento ng diretso sa asawa ko dahil tawa ako ng tawa. Tuwing makakakita ako ng hito, hindi ko mapigilang hindi humagikgik o sadya lang talagang mababaw ang kaligayahan ko.

Marahil sa akin nagmana ang aking dalawang anak na babae. Simpleng joke ko lang kasi sa kanila ay halos umiyak na sila sa tawa. Benta kahit mga korni kong hirit. Minsan nga nagagaya na rin ako ng mga anak ko sa mga hirit kong patawa. Si Mommy nila ang kanilang walang sawang audience at numero unong tagahanga.

Para sa mga anak ko, ako ang pinakamagaling na clown sa buong mundo. Nakakatawa daw ang hitsura ko. Kaya ko daw labanan si Michael V. sa pagpapatawa. Naging pabor tuloy para sa akin ang kababawan ng kaligayahan ng dalawa kong anak. Kung tutuusin, makakita lang sila ng simpleng slide, eh abot hanggang tenga na ang ngiti ng mga yan at lalo na kapag nasubukan nila ito.

Kamakailan ay ikinuwento ko sa kanila ang tungkol sa istorya ni Mang Tolits. Natawa man sila sa kuwento, mas natawa sila sa pagkukwento ko na simula umpisa hanggang matapos ang kuwento ko ay tawa ako ng tawa, hehehe.

Sensya na, mababaw lang talaga ako. :)

7.02.2009

Hell Week


High school ako nung makilala ko si Bro. Bryan. Isa siyang seminarista at isang mabuting kaibigan.
Tuwing Huwebes ng hapon, dinadalaw niya kami sa aming klase at nagkakaroon kami ng kaunting kwentuhan. Minsan niya nang naikwento sa akin ang kanyang buhay.

Noong una hindi naniniwala si Bryan sa langit at impiyerno. Pawang katha lamang daw ito ng malikot na kaisipan ng tao. Kagaya ni Bryan, hindi rin naniniwala sa langit at impiyerno ang kanyang kakambal. Noong mga bata pa sila, nagpustahan silang magkakambal, na kung sino ang unang mamamatay sa kanila ay patunayan kung totoo ba yung langit o yung impiyerno. Makalipas ng ilang buwan pagkatapos nilang magkasundo, namatay sa isang malagim na aksidente ang kanyang kakambal.

Sa panaginip niya, kinakausap siya ng kanyang kapatid ngunit ayaw pa ring maniwala ni Bryan, hanggang sa isang araw... gumising siyang may bakas ng dalawang sunog na palad na nakaukit sa pader ng kuwarto niya. Doon siya nagsimulang maniwala sa ayaw niyang paniwalaan.

Wala pa naman akong kakilalang nakarating na sa impyerno at hindi ko rin alam kung ano ang meron doon. Nagkakroon lang ako ng ideya dahil sa mga nababasa, napapanood at naririnig ko. Pero itong huling mga araw sa opisina, daig ko pa ang dumaan at namalagi ng sandali sa impiyerno.

Sinimulan ko ang linggong ito ng isang malaking miscommunication mula sa aming customer. Linggo, kailangang-kailangan ng aming bigating customer ang tulong ng aming kumpanya. Nanghihiram sila ng karagdagang mga operators para sa kanilang production, nagbitiw ako ng salitang tutulungan ko sila. Ngunit pagsapit ng araw na kailangan na, walang pumasok ni isang operator. Para akong sinuntok sa sikmura at naipit ng bahagya ang aking hininga.

Lunes, hindi pinayagang pumasok ang isa sa mga tao ko dahil may sinat ito. Kailangan ko siya dahil siya ang kasama ko sa nalalapit na audit ng aming isa pang customer. Patung-patong na customer request din ang inabot ko. Left and right hook combination ang inilagan ko.

Martes, nagka sore eyes ang aming Production Manager, ang epekto, sa akin bumagsak ang lahat ng kanyang pending at existing project. Maliban don, hindi dumating ang isa sa mga gamit na binili ko para sa isang project ko. Delayed na naman ako. Pakiramdam ko, nagka black eye na ako.

Miyerkules, audit sa akin ng isa naming customer. Halos kalahating araw niya akong ginisa sa sarili kong mantika. Muntik na ngang matuklap ang balat ko, buti na lang, sa dulo konting sabon na lang. Nakapagbanlaw naman ako bago umuwi. Straight right hand ang tama ko. Duguan pero bumangon pa rin ako para sa susunod na round.

Huwebes, dinalaw ako ng isa sa mga makukulit naming customer, hindi pa nakuntento, nagdala pa ng boss niyang Hapon. So-re-de!

Maliban pa sa mga iyan, ang mga internal audits at monthly reports na dapat kong tapusin. Mga meetings at trainings na dapat intindihin at sangkaterbang emails na dapat sagutin. Marunong akong mag-handle ng stress, natutuhan ko ito sa isang libro ngunit sa totoo lang, ngayon lang ako na stress ng ganito sa trabaho. Maitim na ang mga mata ko, tinubuan na ako ng mga tigyawat, ang haba na ng buhok ko, pati bigote hindi ko na magawang maahit; ibang-iba na ang hitsura ko.

Kanina lang, nalaman kong namatay na si Bro. Bryan. Hindi na niya kailangang iparamdam sa akin kung may langit man o impiyerno, dahil alam kong napuntahan na niya ang hindi napuntahan ng kakambal niya.

Sabi ni Winston Churchill, "If you are going through hell, keep going." Ito na lang ang lagi kong iniisip.

May Biyernes at Sabado pa, mahirap, pero tingin ko kayang kaya. Kaya ko, dahil sa mga taong tumutulong sa akin. Alam kong kapag nakaalis na ako sa panadaliang impiyerno ko, alam ko namang pag-uwi ko, mga anghel ang sasalubong sa akin at hihimlay ako ng mahimbing sa langit ng buhay ko.

Ako lang ang gumagawa ng impiyerno ko, kaya ako lang din ang may kayang labanan ito.