Hindi ko ikinakaila na laking-kalye ako. Umuuwing basa ng pawis ang likod at ang mukha, puno ng alikabok ang paa at nanggigitata ang suot na damit. Nasanay na ako sa ganitong hitsura kagaya ng pagkasanay ko sa sermon ng aking nanay tuwing makikita akong ganito. Minsan sinusubukan kong tuyuin muna ang pawis ko bago ako umuwi para hindi masyadong halata, kaya lang, hindi maikukubli ng aking amoy ang mga nangyari sa akin sa maghapon sa kalye.
Marahil kulang ako sa magagarang laruan noong bata ako kaya’t sa kalye ko hinahanap ang karapatan kong maglaro ng malaya. Natuto akong makisalamuha sa ibang mga batang kagaya ko at tingalain naman ang ibang mga batang di naman kawangis. Dito ko nakilala ang mga kababatang nagpatibay sa akin bilang isang tao.
Maraming pagkakataon na akong nagkuwento ng aking mga pakikibaka at pakikisama sa mga batang kasabay kong lumaki, kasabay kong nagkaisip at kasabay kong nakipagsapalaran sa hamon ng buhay. Sila ang mga kababata kong hinahangaan sa tuwina. Marahil patayin man ako ng ilang ulit, hindi ko sila kayang ipagpalit. At alam kong ganoon din sila sa akin.
Malalim pa sa malalim ang pinagsamahan naming magkababata. Kung may mga taong kilala ako ng buong-buo maliban sa pamilya ko, sila na marahil ang mga ito. Kahit magkakaiba ang aming estado sa buhay, pinagbubuklod kami ng pagkakataon upang makilala ng wasto ang bawat isa sa amin. Ito marahil ang dahilan kung bakit matatag at matibay ang aming pagkakaibigan.
Maraming itinurong leksyon ang pakikisama ko sa kanila na hindi ko natutunan sa loob ng silid-aralan. Kasama na dito ang tunay na pakikisalamuha sa ibang tao na hindi ka nahihiya sa anyo mo o sa kakayanan mo. Ang matakot kapag nakagawa ng masama at ang pagpapakumbaba sa pag-amin ng paggawa nito.
Matagal na kaming nagkahiwa-hiwalay magkababata, humigit-kumulang dalawampung taon na. Matapos magiba ang aming barong-barong na tinitirikan ng bahay at matapos lumipat ng ibang lugar ang aming ibang kabarkada, kasabay nitong nagkalamat ang aming mumunting samahan.
Tell me who your friends are and I’ll tell you who you are.
Nagkahiwa-hiwalay kami at nagkanya-kanya kami ng landas na tinahak, lahat kapwa naghahangad na sana balang araw, magkikita-kita kaming muli. Malungkot akong lumayo sa aking mga kaibigan bitbit ang mga aral at alaala ng aming kabataan.
Malugod kong ipinagmamalaki na maganda ang pagpapalaki sa amin ng aming mga magulang. Marahil ang hindi ko pagkahilig sa pag-inom at paninigarilyo ay nag-ugat sa aking mga kababata. Kahit kasi namulat kami sa mga ganitong bisyo, hindi naming sinubukang maging sentro ito ng aming samahan. Kung ano ako ngayon, malaking bahagi ng aking pagkatao ay utang ko sa aking mga kababata at kaibigan.
Sa isang pambihirang pagkakataon, nagkaroon ng oras ang ilan sa amin upang magkikita-kitang muli. At ang napagkasunduang lugar kung saan magkikita ay walang iba kundi ang aming kinalakihang kalye ng Calatagan sa Baranggay Palanan. Bumalik kaming lahat sa aming kabataan.
![]() |
| sa kalyeng aming kinalakihan, tambay sa bangketa hanggang di dalawin ng pagod o antok |
Magdamag kaming nagkuwentuhan at nagtawanan sa mga kalokohan naming lahat. Sinariwa namin ang mga lugar at pangyayaring tumatak sa aming isipan. Ang mga pagkakamali naming hindi na naituwid at mga alaalang nagpatatag sa amin bilang magkakaibigan.
![]() |
| sa likod ang ilog kung saan nanggaling ang pangalang Riverside Boys |
Sa kabila ng aming pagsasaya, may lungkot pa rin na di namin maikubli. May mga kaibigan kasi kaming hindi nakadalo sa hindi namin mawaring kadahilanan. Ayaw naming isiping napariwara sila at naligaw ng landas at nahirapan nang makabalik, iniisip na lang namin na hindi pa nila nakikita ang tamang daan nila tungo sa kanilang pinanggalingan.
Gagamitin ko na ang blog na ito upang ipanawagan ang ilan sa aming mga kaibigan na hindi na namin mahagilap. Malaking bagay para sa akin at sa aking mga kaibigan ang makita silang muli at makausap.
1. Alejandro Lapaz kilala bilang Allan o Komang
2. Augusto Gamier kilala bilang Ogos o Putakte
3. Joel Banal kilala bilang Joel o Kwatog
Kung saan man kayo naandon, parati kayong mag-iingat. Alam kong darating din ang araw, magkikita-kita rin tayong lahat at maglalaro ng turumpo at taguan, kahit ako na ang laging taya.
![]() |
| kasama si Aling Luz, ang numero unong tagasaway sa amin... |
Kami ang Riverside Boys.





Manila Time

3 nakituldok:
naalala ko dito ang kasabihang "ang hindi lumingon sa pinanggaling ay may stipneck" (joke lamang)
pero totoo, babalik at babalik din tayo sa ating pinagmulan..
magandang araw po sa inyo sir
magandang araw este gabi rin sa iyo ISTAMBAY, salamat sa iyong pagbalik eksakto pa sa topic kong pagbabalik, hehehe. ingat!
When you finally go back to your old hometown, you find it wasn't the old home you missed but your childhood. ~Sam Ewing
"Kapag sa wakas ikaw ay bumalik sa lugar na iyong kinalakihan, malalaman mo na hindi ang lumang tahanan ang iyong hinahanap-hanap, kundi ang iyong kamusmusan." Ganyang ganyan ang naramdaman ko nang magkita-kita kami sa Palanan ng aking mga kamag-aral sa Mababang Paaralan. Tukoy na tukoy ng iyong sulatin ang mga damdaming napukaw ng isang pagbabalik sa pinanggalingan. Mahusay!
Post a Comment