1.12.2012

Ang Relo ni Tatay

Bago magretiro si Tatay mula sa pagtatrabaho sa Saudi, noong mga kalagitnaan ng dekada 80, nakaipon na siya ng ilang mga personal na gamit na binigyan niya ng karampatang halaga. Isa na rito ang kanyang relo.


Makintab na abuhin ang kulay nito na may maliit at matigas na pihitan na parang tenga sa gilid. Noong bago pa lang ito ay may kabigatan ito para sa akin dahil yari ito sa isang metal, lalo na ang bracelet nito na kabit-kabit. Kulay itim ang gilid ng mga numero na nakasulat dito at ang kanyang mga kamay ay kulay puti pero sa gabi ay umiilaw ito na malamyang berde na parang sa rosaryo. Isang Seiko na automatic ang relo niya at para sa kanya, ito ang pamantayan ng iba pang relo na makikita at makakasalamuha niya.




Noong una, ibinibida niya iyon sa akin dahil nga daw automatic. Hindi na daw kailangan ng baterya para tumakbo, ang kailangan lang daw ay laging suot ito para hindi tumigil. Bilib naman si ako kaagad.


Sa mga engrandeng okasyon o mga pagtitipon, lagi kong napapansin na suot niya iyon. Bagay iyon sa kanya lalo na kapag nakabarong siya. Sa ibang ordinaryong araw, hindi ko iyon masyado napapansin sa kanya pero alam kong lagi niya nga itong suot. Minsan nga, natanggal ang pagkakakapit nito sa kanyang braso dahil nagkakarpintero siya, nahulog ito sa sahig at muntik nang mabasag. Pansin ko ang pagkatakot niya nung nangyari iyon.


Nuong minsan naman na napaaway ako, sinubukan niya akong tulungan sa suntukan. Hinamon niya ang kalaban ko noon ng mano-mano, nung pumayag yung kalaban ko, dagli-dagli niyang hinubad ang relo niya at pinahawakan sa akin. Ayaw niya raw mabahiran ng dugo ang relo niya, buti na lang inawat siya ng nanay ko kundi bangas-bangas sana yung kaaway ko.


Simula noong isang taon, dahan-dahang bumagsak ang katawan ng tatay ko dahil sa iniindang sakit. Dito ko nasimulang mapansin ang pagluwag ng relo niya sa kanyang kaliwang braso. Kung dati ay laging nakakapit ito at laging nasa itaas ang mukha ng relo, ngayon, iniikot pa niya ang mukha nito bago niya makita kung anong oras na. Ganunpaman, ayaw niya pa rin itong pabawasan ng bracelet at para sa kanya ay eksakto pa rin ito sa braso niya.


Nagkita kami ni Tatay isang araw bago magpista sa Quiapo. Mahina na pero bakas pa rin ang ngiti sa kanyang labi dahil sa aming pagkikita. Ipinakita niya sa akin ang kanyang relo. Mabagal na raw ito at madalas pumapalya na ang oras. Kinuha ko ito at pinagmasdan ang hitsura.


Bakas sa anino ng relo ang ilang taong pinagdaanan nito. May mga gasgas at mantsa sa bracelet at sa salamin nito. Ang tila umiilaw sa gabi na mga kamay nito ay tila naubusan na ng ningas. Magaan na siya at magaspang, wala na ang dating kintab sa kanyang kulay. Pero gaya nga ng sabi ng Tatay ko, umaandar pa ito, yun nga lang mabagal, tila nahihirapan na rin gaya ng kanyang amo.


Sinabi ko sa kanya, hiramin ko muna at ipapaayos ko. Walang salitang nabanggit ngunit nakita ko ang kanyang pasasalamat sa tinuran ko.


Pagkatapos linisin ng isang taga-ayos ng relo ang relo ng aking Tatay, pinilit niya akong palitan na ang ibang piyesa nito. Sabi ko sa kanya na gawin niya itong parang bago. Mahirap daw pero pipilitin niya.


Noong binalik ko ito sa tatay ko pagkatapos maayos, sinipat-sipat niya ang kanyang relo. Napansin niya na naandon pa rin ang mga gasgas at mantsa na hindi matanggal, pero kahit paano ay kumintab ito nang kaunti. Tiningnan niya ang kilos ng mga kamay, tila sinusukat ang galaw ng bawat segundo. Maya-maya tumingin siya sa akin at ngumiti, sabay sabing "Salamat anak, magkano ang bayad ko?'


Biglang bumalik sa isip ko ang mga gamit na ginawa ni Tatay para sa akin. Mula sa mga kahoy na laruan ko nung bata pa ako hanggang sa drawing board na ginamit ko nung college ako. Lahat ito, ginawa niya para sa akin na walang bayad at hindi kailan man naningil, libre ika nga. 


Tiningnan ko lang si Tatay at hinawakan ang kamay, sinuklian ko din siya ng ngiti, sabay wikang, "Bayad na 'Tay, matagal na at may sukli pa kayo..."


Nadagdagan ko kahit paano ang buhay ng relo ng Tatay ko, ito rin ang pinipilit naming gawing magkakapatid para naman sa Tatay namin, kahit alam naming hindi ito kasing dali gaya ng isang relo. Sana lang mas humaba pa ang mga segundong kasama namin siya.



11 nakituldok:

Anonymous said...

this one moved me... (rhenz pactao)

Anonymous said...

sir sobrang nakakatouch po..nakakalungkot po pero hanggat my pag-asa pa dpat sige lng po db..s bwat salitang nksulat s inyong blog ay mararamdaman ang kalungkutan n inyong nraramdamn hbng gingawa nyo po ito...mgtiwala lng po tyo ky GOD..at naalala ko po ult ang aking tatay.. ;(

Anonymous said...

hello edong, Gifted talaga kayo ng karunungan!Ganyan nga, habang parepareho pang humihinga ay maipadama ang kasiyahan.kayo na nagpapasaya ay doble ang kasiyahan na nadadama sa binibigyan ng kasiyahan na di mo alam ay sa kabila pa ng kasiyahan mo na nadama nila ay ubod ng saya.
Natuto kami maglaro ng Chess dahil kay Mang Miling! Sa gilid ng pinto namin kayo naglalaro mag-ama.kakamiron lang natuto kami ni frankie.kalaonan, kami na naglalaro sa gilid ng pinto namin.
Ang panalangin namin ang paggaling ni Mang Miling.

Lloyd said...

Nawa ay maging masmahaba, masmakabuluhan at masmasaya pa ang pagsasama ng relo at ni Tatay...

Edong said...

Rhenz,
Mahirap para sa ating mga komedyante ang magpatawa pero pag nagdrama tayo, mas epektib, mas totoo. Salamat at nadalaw ka dito sa blog ko.

Ja,
Salamat at nadama mo ang nais ko, salamat din sa mga text messages mo.

Edong said...

Dad, salamat sa mga binanggit mo. Lahat nga siguro tayo dadaan sa ganitong stage, at alam naming makakalagpas din kami dito.

Edong said...

Salamat sir lloyd. Salamat!

Anonymous said...

Sir Nawa nga po ay tulad po ng relo ng tatay nyo ay maayos din at mabigyan pa ng mahabang buhay ang tatay nyo... sama-samang dasal para sa kagalingan ng tatay nyo....

Alam nyo po bang dahil sa blog nyo parang kilalang-kilala ko na kayo at ang pamilya nyo kaya alam ko kung gano kaganda ang samahan ng pamilya nyo!

Masakit at talagang mahira malagay sa ganyang laban sir!
pero kaya yan sir!

kasama po ang tatay nyo sa aking panalangin.


Naman!

tet ortaliz-nubla said...

you write so well, edong! now, i'm a fan of yours. like what i posted in roland's page, i'm filing a petition before the Great Timekeeper for extension of Tatay's time. He's good and wise and He knows what's best for everyone. hang in there... and keep writing! :)

Anonymous said...

napakabuting tao po ninyo kaya siguradong pakikinggan ni Lord ang wish nyo. My prayers for your father sir. Kapit lang idol...

J.Kulisap said...

Napamahal na ang relo sa Tatay mo, simbolo ito ng kaniyang buhay dito sa mundo.

Sa umpisa'y maningning at matikas, at punumpuno ng kapakinabangan hanggang sa magasgas at bumagal sa pag-ikot, subalit 'yong serbisyo, kailanman ay hindi na matatawaran iyon...katulad ng kung ano ang ginampanan ng iyong ama sa inyo.

Yong sana, dadagdagan ko din ng sana para lumakas ang puwersa.

Happy New Year po