Dalawang araw pagkatapos ng pista ng Nazareno, itinakbo sa hospital ng aking mga ate ang aming Tatay. Bumagsak kasi ang kanyang dugo, bumagal ang tibok ng puso at halos hindi na siya makahinga dahil sa kakapusan ng oxygen. Karga ng aking bayaw na isinakay sa taksi, mabilis nila itong naihatid sa pinakamalapit na hospital dito sa amin.
Nabigyan ng agarang lunas kaagad si Tatay, ngunit nanatili ang panghihina ng kanyang katawan. Kinailangan siyang i-admit upang obserbahan. Kinailangang din siyang lagyan ng supply ng oxygen at salinan ng dugo upang makarekober sa panghihina ang kanyang katawan. Ayon sa doktor, humina daw kasi ang kanyang pulmon, pero ang totoo kumplikasyon na ito ng kanyang iniindang sakit.
Ilang araw din akong lumiban sa trabaho upang bantayan ang kalagayan ng aming Tatay. Nagpapalitan kaming magkakapatid sa pagbabantay, minsan ako sa umaga habang ang mga ate ko naman sa gabi.
Sa mga araw na ito, nasaksihan ko ang pagbagsak ng katawan ni Tatay. Ang dating malaking tiyan ay umimpis na; ang matitigas na mga masel sa braso ay lumundo na; ang malaki at masayahing mukha ni Tatay ay nangayayat na. Bakas na sa kanya ang hirap na pinagdadaanan niya. Ganunpaman, ipinamamalas pa rin ni Tatay paminsan ang kanyang kagustuhang labanan ang mga sakit niya. Kumikilos siya mag-isa at hindi nagpapatulong kahit alam naming hindi na talaga kaya ng kanyang katawan.
Nasa ikatlong araw na ni Tatay sa hospital nang mapagkasunduang ako ang magbabantay sa gabi kasama ng aking kuya. Sa isip-isip ko, tutal bihira kami magsama-sama, magandang bonding time ito para sa aming mga lalake.
Pero wala pa ang alas dose ng gabi, singlakas na ng traktora ang hilik ng kuya ko. Hindi ako makatulog, pati si Tatay nga ay nagugulat paminsan-minsan. Pinagkasya ng kuya ko ang sarili niya sa isang upuan. Sa laki ng kuya ko, iisipin mo kung paano siya nakatulog doon sa puwesto niya. Dahil na rin sa hindi siya gaano makaunat ng diretso, naalimpungatan si kuya at napagdisisyunan niyang umuwi na lang muna at sa bahay na nila siya magpapahinga. At dahil malapit lang ang hospital sa bahay nila, umuwi muna ang kuya ko pero dumating din naman ang isa kong ate. At gaya ng kuya ko, miyembro din ang ate ko ng MTA Gang (Mahiga-Tulog-Agad Gang). Dahil sanay ako sa puyatan, ako ang magdamag gising para bantayan si Tatay, ang ate ko na tulog at ang mga nars na kada isang oras ay pumapasok sa kuwarto namin para magdeliver ng kung ano-anong gamot.
Mga bandang alas dos ng madaling araw, pagkatapos turukan ng tila pampatulog si Tatay, naging mahimbing na ang kanyang tulog. Marahan akong lumapit sa kanyang kama. Matagal na kaming nagkikita ni Tatay, ngunit ngayon ko lamang siya natitigan nang matagal. Habang tinititigan ko siya, dahan-dahan akong bumabalik sa aking pagkabata. Nais ko syang yakapin at nais kong magpakarga muli sa kanya. Bagay na hindi ko madalas magawa noon dahil nasa ibang bansa siya nagtratrabaho. Inayos ko nang bahagya ang kanyang mala-abong buhok gaya ng ginagawa niya sa akin nuong bata pa ako kapag akoy matutulog na. Maya-maya, kinuha ko ang aking cellphone at hinanap ang litrato naming mag-ama.
Malaki na ang pinagbago ni Tatay sa hitsura niya sa cellphone ko. Mula sa kanyang buhok, hanggang sa kanyang pangangatawan. Sa totoo lang, mabigat ang Tatay ko pero kanina nung binuhat ko siya para itaas ang katawan sa kama, naramdaman ko ang malaking timbang na nawala sa kanya. Sa edad ng tatay ko, mahina na ang kanyang katawan pero nananatili siyang malakas upang labanan ang kanyang sakit. Samantalang ako, malakas ang pangangatawan ngunit lubos na nanghihina kapag nakikita ko ang Tatay ko na nahihirapan.
Gusto ko sanang gisingin ang Tatay ko para makipagkwentuhan sa kanya pero himbing na himbing na siya. Naisip kong gawin ang ginagawa niya sa akin noong bata pa ako - ang magkwento. Kahit natutulog, sinubukan ko siyang kuwentuhan. Ikinuwento ko muli sa kanya ang kanyang masterpiece na 'Bakit Umuungol si Lamok sa Tenga Natin?' Panandali, nagpalit kami ng papel ni Tatay. Bago pa man ako matapos sa kuwento ko, hindi ko napansin, lumuluha na pala ako.
Dahan-dahan kong hinawakan ang kanyang kamay, pinisil ko ito nang bahagya. Sa kapal ng kamay ng Tatay ko, ramdam ko ang mga pinagdaanan nitong trabaho. Tinitigan ko muli ang kanyang mukha, wari may hinahanap akong hindi ko makita. Gusto kong sumigaw noon at gusto kong kunin na lang yung sakit niya, matanda na kasi si Tatay at mahina na, hindi ako sanay na makita siya sa ganong kalagayan. Hindi ko alam kung naririnig niya ang mga iniisip ko o hindi pero naramdaman ko na gumalaw ang kanyang kamay na hawak ko. Mayamaya, isang patak ng luha ang kumawala mula sa nakapikit na mata ni Tatay.
Masaya ako na kahit natutulog si Tatay nang mga sandaling iyon, naramdaman ko na nakikipag-usap siya sa akin, naramdaman ko na naging bata akong muli sa piling niya. At higit sa lahat, naramdaman ko na mahal na mahal ako ng Tatay ko.



Manila Time

3 nakituldok:
Klaro ang mukha ng aking tatay na namamalo at nagpaparusa sa nagkakamali, kung kaya't tila lumayo ang loob ko sa kaniya noong ako ay bata pa, isa siyang Ama ng tahanan na kailangan ipabatid kung ano ang kaniyang tungkulin, dahil kung hindi at naging malambot siya, bagamundo ang kalalabasan namin.
At dahil siya'y ama nga, hindi mo masusulyapan ang kaniyang kahinaan lalo na sa pagpapakita ng emosyon, lagi nang dapat siya ay matatag at matigas.
Subalit ngayon, pinananabikan ko ang pag-uwi sa amin dahil nais kung makausap siya, marami siyang karanasan na dapat ay alam ko, na dapat ay mailagay ko sa utak ko bilang alaala dahil anumang oras, baka magpaalam din siya. Bagama't malakas pa siya at love na love pa niya ang tuba at emperador, hindi na rin naman bumabata si Tatay.
Ayon, napakuwento ako.
Ang bait mong anak Edong. :)
sir wala po akong masabi kundi napaluha aq s blog ninyong ito..
una po, naalala ko yung tatay q hbng binabasa ko ang kwento nyo..although mas hgit n mlulungkot n bgay ang naalala q n nranasan ko noon ky tatay (pamamalo niya, sobrng higpit smen n mgkkapatid at ndi mrunong mgpakita ng pgmamahal) ganon po ung mga alaala ko s knya..pero alm ko aman po n khit gnon c tatay proud sya smen mga anak nya isang patunay nung nggraduate aq ng highschool ay andon po sya at ksma q ngmmartsa..
sir kng ano mn po ang pinagdadaanan nyo ngyon alam ko po at naiintindhn n maskit po tlga khit s ngyon alm q hndi ko n po mrrnasan kng ano mn po ang pingdadaanan nyo ngyon kc maaga po kinuha ni god c tatay eh..aq po khit ndi kmi gnon kclose eh hnggng ngyon nassktan at naiiyak prin s tuwing maalala q xa..
hay npdrama po tuloy aq...nawa'y malampasan nyo po ang pgsubok n ito at sana'y bgyan p ni god ng lakas ang inyong tatay...habng my pgasa p po kailngn ntn lumaban..sir idol po tlga kyo...
Napahanga mo ko sir ed. Alam ko at nkksiguro n ikaw ay magiging isang mbuting ama ayu s halimbawang ipinakita ng iyong tatay. Iyan din ang pinaka magandang pamana n maibibigay mo s iyong dalawang prinsesa. Ang halimbwa ng isang mabuting magulang sa kanyang mga anak ay mga pamanang hindi mawawala o mananakaw. subalit ito ang magiging panuntunan ng mga anak sa kanilang paglaki.
Post a Comment