3.26.2012

Sikreto ng Tagumpay

There are two lasting bequests we can give our children.  One is roots.  The other is wings.  ~Hodding Carter, Jr.


Hindi ko na maalala kung paano ako nagsimulang magkahilig sa pag-aaral. Ang naaalala ko lang ay ang unang araw ko sa Kinder na wala akong ginawa kundi umiyak. Pinaghalong takot, saya, kaba at pagkabalisa ang nararamdaman ko noon. Parang gusto ko na ayaw kong mag-aral.

Marahil nahilig ako sa pag-aaral dahil sa mga kaklase. Biruin mo na magkakaroon ka ng maraming kaibigan at maraming kakilala maliban sa mga kababata mo. Ang saya non di ba? O marahil nahilig ako sa pag-aaral dahil sa mga bagong gamit, uniporme at sapatos. Mga lapis na matutulis ang tasa, mga pamburang mababango at mga papel na ubod ng kapal. Basta ang alam ko, na ang pagkahilig ko sa eskwela at pag-aaral ang siyang naging puhunan ko sa aking sarili. Ito ang ginamit kong sandata laban sa kamang-mangan, marahil ito ang naging lamang ko sa iba.

Masaya ako at napalaki ko ang aking mga anak gaya ng pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang. Naibahagi ko sa kanila kung saan ako nagmula at kailanman hindi ko iyon ikinahihiya. Nawa'y maunawaan din nila sa kanilang paglaki ang kahalagahan ng kanilang pinagmulan at ang muling paglingon dito. Ngayon, unti-unti na silang tinutubuan ng pakpak sa likod. Saan man sila dalhin ng pakpak na ito, maalala sana nila ang kahalagahan ng edukasyon sa kanila. Ito ang maghahanda sa kanila sa paglipad.

Ang mabuting edukasyon ang aking tanging yaman, ito lang ang kaya kong ipagmalaki sa kanila. Gaya ko, ito rin ang kanilang magiging sandata sa buhay.

Edukasyon - ito ang sikreto ng tagumpay!

0 nakituldok: