Nong Linggo ay nagdiwang ang aking mga magulang ng kanilang Golden Wedding Anniversary. Limampung taon na silang magkasama sa hirap at ginhawa. Limampung taon ng buhay nila, magkaagapay sila. Higit pa sa edad ko o sa edad ng kuya ko ang kanilang pagsasama, sadyang kahanga-hanga talaga. Sabi nga ng mga anak ko, “Wow, 50 years!”
Matagal na naming pinagplanuhang magkakapatid itong okasyon na ito. Maka ilang beses na kaming nagtitipon para lang maging maayos ang pagdiriwang. Sa kabila ng lahat ng aming pinagdadaanang magkakapatid, sa kabila ng lahat ng pagod, puyat at sakripisyo, matagumpay naming naidaos ang mahalagang okasyon na ito. Marahil isa ito sa mga pagbalik namin ng tulong sa aming mga magulang matapos nila kaming alagaang magkakapatid.
Hindi ko man nasaksihan ang ilang taong simula ng kanilang pagmamahalan, naramdaman ko naman kung gaano kamahal ni Tatay si Nanay. Kung gaano sila nagtiis kung paano kami buhayin. Isang hamak na karpintero at labandera lang sila, mga trabahong di malaki ang kita pero marangal. Ang bawat butil ng kanilang pawis ang nagpa-aral sa aming lahat upang makatapos kaming lahat ng kolehiyo. Ayon nga sa kanila, ito lang daw ang kaya nilang ipamana sa amin.
Salat man kami sa yaman noon, madalas man kaming sumala sa pagkain, ni minsan hindi namin iyon ikinahiya. Ang maayos na pagpapalaki sa amin nila Nanay at Tatay ang aming naging sandata upang harapin ang mga hamon sa araw-araw.
Muli naming binuhay ang kanilang pagiisang dibdib noong Linggo. Habang tinatanong ng pari si Nanay, nangingilid ang luha kong nakikinig sa mga salitang kanyang binanggit. Noong si Tatay na ang tanungin at garalgal na sumagot ng ‘I do’, hindi ko na napigilang umiyak. Waring ibinalik kami ng mga katagang iyon sa lugar kung saan sila ikinasal, limampung taon na ang nakaraan.
Nagsalita si Kuya pati mga Ate ko, pawang ako lang ang hindi (sayang may speech pa naman ako, hehe). Ikinuwento naman ni Nanay ang kanilang love story samantalang si Tatay naman ay ipinagmalaki niya ang kanyang mga anak. Ang bawat tagumpay daw namin ay naging tagumpay na rin nila. Sa bawat medalya, tropeo at diploma naming nakukuha, tila natutupad ang kanilang pangarap na makatapos ng pag-aaral. Ang hindi nila alam na sa kanila namin inaalay ang lahat ng aming mga tagumpay sa buhay. Sila ang dahilan at inspirasyon sa likod ng mga iyon.
Sa kabila ng mga balitang hiwalayan o kaliwaan, sa kabila ng mga pagsulong sa divorce dito sa atin, masarap isiping may mga pagsasamang kayang tumagal ng limampung taon. Sa dami ng kanilang mga pinagdaanang unos sa buhay, masarap isiping sila pa rin ang magkasama at nagpapalakas para sa isat-isa. Pero mas masarap isiping Tatay at Nanay ko sila.


Manila Time

0 nakituldok:
Post a Comment