1.25.2012

Salamat sa Saranggola



Noong nakaraang taon, isa ako sa maraming sumubok na sumali sa paligsahan ng malikhaing pagkatha ng tula, sanaysay at mga maikling kuwento - Ang Saranggola Blog Awards. Ang unang layunin ko ay maibahagi ang aking mga katha sa ibang manunulat at mambabasa. Nais kong malaman kung masisiyahan ba sila o hindi sa mga sinulat ko. Magiging kaplastikan naman kung hindi ako maghahangad na manalo, kaya ito ang aking pangalawang layunin. At ang huli ay makilala ang ibang mahuhusay na manunulat ng Tagalog sa mundo ng blog.

Sa pagpasok ng taon, nakatanggap po ako ng parangal mula sa kakatapos lang na 3rd Saranggola Blog Awards. Hindi ko lubos na inakala na ang aking mga simpleng katha ay makakatanggap ng papuri mula sa mga hurado.

Lubos po ang aking pasasalamat. Sa dami ng nakilahok at sumubok, isa ako sa mga pinalad na mabigyan ng karangalan.

Ang aking tula na Teleponong Lata ay nagkamit ng ika-apat na puwesto para sa kategorya ng Tula. Ito ay tungkol sa aming pag-uusap ni Tatay sa telepono na inihalintulad ko sa laruang aking kinalakihan.

Ang aking litratong Pahinga Ka Muna ay nagkamit din ng ika-apat na puwesto sa kategorya naman ng Larawan. Sa totoo lang, ang aking anak na si Sam ang kumuha ng litratong ito, kaya sa kanya dapat ang parangal at hindi sa akin. :)

Muli, sa mga bumubuo ng komite ng Saranggola Blog Awards, marami pong salamat at mabuhay po kayo. Sa mga nanalo ng mga parangal, tanggapin po ninyo ang aking pagbati.

Magkita-kita tayong muli sa susunod na pagtitipon. :)

1.20.2012

Ang Role ni Tatay

Dalawang araw pagkatapos ng pista ng Nazareno, itinakbo sa hospital ng aking mga ate ang aming Tatay. Bumagsak kasi ang kanyang dugo, bumagal ang tibok ng puso at halos hindi na siya makahinga dahil sa kakapusan ng oxygen. Karga ng aking bayaw na isinakay sa taksi, mabilis nila itong naihatid sa pinakamalapit na hospital dito sa amin.

Nabigyan ng agarang lunas kaagad si Tatay, ngunit nanatili ang panghihina ng kanyang katawan. Kinailangan siyang i-admit upang obserbahan. Kinailangang din siyang lagyan ng supply ng oxygen at salinan ng dugo upang makarekober sa panghihina ang kanyang katawan. Ayon sa doktor, humina daw kasi ang kanyang pulmon, pero ang totoo kumplikasyon na ito ng kanyang iniindang sakit.

Ilang araw din akong lumiban sa trabaho upang bantayan ang kalagayan ng aming Tatay. Nagpapalitan kaming magkakapatid sa pagbabantay, minsan ako sa umaga habang ang mga ate ko naman sa gabi.

Sa mga araw na ito, nasaksihan ko ang pagbagsak ng katawan ni Tatay. Ang dating malaking tiyan ay umimpis na; ang matitigas na mga masel sa braso ay lumundo na; ang malaki at masayahing mukha ni Tatay ay nangayayat na. Bakas na sa kanya ang hirap na pinagdadaanan niya. Ganunpaman, ipinamamalas pa rin ni Tatay paminsan ang kanyang kagustuhang labanan ang mga sakit niya. Kumikilos siya mag-isa at hindi nagpapatulong kahit alam naming hindi na talaga kaya ng kanyang katawan.

Nasa ikatlong araw na ni Tatay sa hospital nang mapagkasunduang ako ang magbabantay sa gabi kasama ng aking kuya. Sa isip-isip ko, tutal bihira kami magsama-sama, magandang bonding time ito para sa aming mga lalake. 

Pero wala pa ang alas dose ng gabi, singlakas na ng traktora ang hilik ng kuya ko. Hindi ako makatulog, pati si Tatay nga ay nagugulat paminsan-minsan. Pinagkasya ng kuya ko ang sarili niya sa isang upuan. Sa laki ng kuya ko, iisipin mo kung paano siya nakatulog doon sa puwesto niya. Dahil na rin sa hindi siya gaano makaunat ng diretso, naalimpungatan si kuya at napagdisisyunan niyang umuwi na lang muna at sa bahay na nila siya magpapahinga. At dahil malapit lang ang hospital sa bahay nila, umuwi muna ang kuya ko pero dumating din naman ang isa kong ate. At gaya ng kuya ko, miyembro din ang ate ko ng MTA Gang (Mahiga-Tulog-Agad Gang). Dahil sanay ako sa puyatan, ako ang magdamag gising para bantayan si Tatay, ang ate ko na tulog at ang mga nars na kada isang oras ay pumapasok sa kuwarto namin para magdeliver ng kung ano-anong gamot.

Mga bandang alas dos ng madaling araw, pagkatapos turukan ng tila pampatulog si Tatay, naging mahimbing na ang kanyang tulog. Marahan akong lumapit sa kanyang kama. Matagal na kaming nagkikita ni Tatay, ngunit ngayon ko lamang siya natitigan nang matagal. Habang tinititigan ko siya, dahan-dahan akong bumabalik sa aking pagkabata. Nais ko syang yakapin at nais kong magpakarga muli sa kanya. Bagay na hindi ko madalas magawa noon dahil nasa ibang bansa siya nagtratrabaho. Inayos ko nang bahagya ang kanyang mala-abong buhok gaya ng ginagawa niya sa akin nuong bata pa ako kapag akoy matutulog na. Maya-maya, kinuha ko ang aking cellphone at hinanap ang litrato naming mag-ama.


Malaki na ang pinagbago ni Tatay sa hitsura niya sa cellphone ko. Mula sa kanyang buhok, hanggang sa kanyang pangangatawan. Sa totoo lang, mabigat ang Tatay ko pero kanina nung binuhat ko siya para itaas ang katawan sa kama, naramdaman ko ang malaking timbang na nawala sa kanya. Sa edad ng tatay ko, mahina na ang kanyang katawan pero nananatili siyang malakas upang labanan ang kanyang sakit. Samantalang ako, malakas ang pangangatawan ngunit lubos na nanghihina kapag nakikita ko ang Tatay ko na nahihirapan.

Gusto ko sanang gisingin ang Tatay ko para makipagkwentuhan sa kanya pero himbing na himbing na siya. Naisip kong gawin ang ginagawa niya sa akin noong bata pa ako - ang magkwento. Kahit natutulog, sinubukan ko siyang kuwentuhan. Ikinuwento ko muli sa kanya ang kanyang masterpiece na 'Bakit Umuungol si Lamok sa Tenga Natin?' Panandali, nagpalit kami ng papel ni Tatay. Bago pa man ako matapos sa kuwento ko, hindi ko napansin, lumuluha na pala ako. 

Dahan-dahan kong hinawakan ang kanyang kamay, pinisil ko ito nang bahagya. Sa kapal ng kamay ng Tatay ko, ramdam ko ang mga pinagdaanan nitong trabaho. Tinitigan ko muli ang kanyang mukha, wari may hinahanap akong hindi ko makita. Gusto kong sumigaw noon at gusto kong kunin na lang yung sakit niya, matanda na kasi si Tatay at mahina na, hindi ako sanay na makita siya sa ganong kalagayan. Hindi ko alam kung naririnig niya ang mga iniisip ko o hindi pero naramdaman ko na gumalaw ang kanyang kamay na hawak ko. Mayamaya, isang patak ng luha ang kumawala mula sa nakapikit na mata ni Tatay.

Magdamag kong binantayan ang Tatay ko, hindi ko sinubukang umidlip, kahit antok na ako. Tanging ang palabas sa TV ang naging kaagapay ko sa pagpupuyat. Kaya kong tiisin ang puyat at kaya kong tiisin ang pagod at gutom; kapag pamilya ko na ang pinag-uusapan, lalo na ang mga magulang ko, kaya kong tiisin ang lahat.

Masaya ako na kahit natutulog si Tatay nang mga sandaling iyon, naramdaman ko na nakikipag-usap siya sa akin, naramdaman ko na naging bata akong muli sa piling niya. At higit sa lahat, naramdaman ko na mahal na mahal ako ng Tatay ko.

1.12.2012

Ang Relo ni Tatay

Bago magretiro si Tatay mula sa pagtatrabaho sa Saudi, noong mga kalagitnaan ng dekada 80, nakaipon na siya ng ilang mga personal na gamit na binigyan niya ng karampatang halaga. Isa na rito ang kanyang relo.


Makintab na abuhin ang kulay nito na may maliit at matigas na pihitan na parang tenga sa gilid. Noong bago pa lang ito ay may kabigatan ito para sa akin dahil yari ito sa isang metal, lalo na ang bracelet nito na kabit-kabit. Kulay itim ang gilid ng mga numero na nakasulat dito at ang kanyang mga kamay ay kulay puti pero sa gabi ay umiilaw ito na malamyang berde na parang sa rosaryo. Isang Seiko na automatic ang relo niya at para sa kanya, ito ang pamantayan ng iba pang relo na makikita at makakasalamuha niya.




Noong una, ibinibida niya iyon sa akin dahil nga daw automatic. Hindi na daw kailangan ng baterya para tumakbo, ang kailangan lang daw ay laging suot ito para hindi tumigil. Bilib naman si ako kaagad.


Sa mga engrandeng okasyon o mga pagtitipon, lagi kong napapansin na suot niya iyon. Bagay iyon sa kanya lalo na kapag nakabarong siya. Sa ibang ordinaryong araw, hindi ko iyon masyado napapansin sa kanya pero alam kong lagi niya nga itong suot. Minsan nga, natanggal ang pagkakakapit nito sa kanyang braso dahil nagkakarpintero siya, nahulog ito sa sahig at muntik nang mabasag. Pansin ko ang pagkatakot niya nung nangyari iyon.


Nuong minsan naman na napaaway ako, sinubukan niya akong tulungan sa suntukan. Hinamon niya ang kalaban ko noon ng mano-mano, nung pumayag yung kalaban ko, dagli-dagli niyang hinubad ang relo niya at pinahawakan sa akin. Ayaw niya raw mabahiran ng dugo ang relo niya, buti na lang inawat siya ng nanay ko kundi bangas-bangas sana yung kaaway ko.


Simula noong isang taon, dahan-dahang bumagsak ang katawan ng tatay ko dahil sa iniindang sakit. Dito ko nasimulang mapansin ang pagluwag ng relo niya sa kanyang kaliwang braso. Kung dati ay laging nakakapit ito at laging nasa itaas ang mukha ng relo, ngayon, iniikot pa niya ang mukha nito bago niya makita kung anong oras na. Ganunpaman, ayaw niya pa rin itong pabawasan ng bracelet at para sa kanya ay eksakto pa rin ito sa braso niya.


Nagkita kami ni Tatay isang araw bago magpista sa Quiapo. Mahina na pero bakas pa rin ang ngiti sa kanyang labi dahil sa aming pagkikita. Ipinakita niya sa akin ang kanyang relo. Mabagal na raw ito at madalas pumapalya na ang oras. Kinuha ko ito at pinagmasdan ang hitsura.


Bakas sa anino ng relo ang ilang taong pinagdaanan nito. May mga gasgas at mantsa sa bracelet at sa salamin nito. Ang tila umiilaw sa gabi na mga kamay nito ay tila naubusan na ng ningas. Magaan na siya at magaspang, wala na ang dating kintab sa kanyang kulay. Pero gaya nga ng sabi ng Tatay ko, umaandar pa ito, yun nga lang mabagal, tila nahihirapan na rin gaya ng kanyang amo.


Sinabi ko sa kanya, hiramin ko muna at ipapaayos ko. Walang salitang nabanggit ngunit nakita ko ang kanyang pasasalamat sa tinuran ko.


Pagkatapos linisin ng isang taga-ayos ng relo ang relo ng aking Tatay, pinilit niya akong palitan na ang ibang piyesa nito. Sabi ko sa kanya na gawin niya itong parang bago. Mahirap daw pero pipilitin niya.


Noong binalik ko ito sa tatay ko pagkatapos maayos, sinipat-sipat niya ang kanyang relo. Napansin niya na naandon pa rin ang mga gasgas at mantsa na hindi matanggal, pero kahit paano ay kumintab ito nang kaunti. Tiningnan niya ang kilos ng mga kamay, tila sinusukat ang galaw ng bawat segundo. Maya-maya tumingin siya sa akin at ngumiti, sabay sabing "Salamat anak, magkano ang bayad ko?'


Biglang bumalik sa isip ko ang mga gamit na ginawa ni Tatay para sa akin. Mula sa mga kahoy na laruan ko nung bata pa ako hanggang sa drawing board na ginamit ko nung college ako. Lahat ito, ginawa niya para sa akin na walang bayad at hindi kailan man naningil, libre ika nga. 


Tiningnan ko lang si Tatay at hinawakan ang kamay, sinuklian ko din siya ng ngiti, sabay wikang, "Bayad na 'Tay, matagal na at may sukli pa kayo..."


Nadagdagan ko kahit paano ang buhay ng relo ng Tatay ko, ito rin ang pinipilit naming gawing magkakapatid para naman sa Tatay namin, kahit alam naming hindi ito kasing dali gaya ng isang relo. Sana lang mas humaba pa ang mga segundong kasama namin siya.



1.05.2012

Ang Tunay na Deboto ng Poong Nazareno


Ngayon ang ika-labindalawang taon ko na sa pamamanata sa Poong Nazareno. Sa bawat taon, kapansin-pansin ang pagdami ng mga deboto ng Mahal na Poon. Para sa akin, magandang bagay ito, yun nga lang, mas dumarami ang mga baguhan kesa sa mga beterano tungkol sa pamamasan sa Quiapo. Kaya minarapat kong gumawa ng listahan na dapat gawin o sundan ng isang tunay na deboto.

Bago yon, ipapaalam ko muna kung ano ang makikita mo kapag sumubok kang sumalang sa lubid ng Nazareno. May dalawang mahaba at matitibay na lubid ang hihila sa karosa. Sa pagitan ng dalawang lubid, may mga kapatid na nag-aayos ng takbo upang hindi magkadikit o magbuhol ang mga lubid. Sa unahan ng lubid, may katabi itong bandera na kadalasan ay kulay maroon, ito ang ginagamit na palatandaan ng mga deboto kung nasaan ang unahan ng lubid. Kadalasan, mga babaeng matatapang ang nilalagay sa unahan ng lubid, para hindi gaano sila maipit. Samantalang ang karamihan sa mga mamamasan ay sa gitna hanggang sa dulo ng lubid pumupwesto. Napakadelikadong puwesto sa dulo ng lubid na nakakabit sa karosa. Maraming pagkakataong, naiipit ang mga naandito kung hindi marunong. May iilang mas matapang na mga deboto na pumipingga sa karosa, sila yung katabi mismo ng karosa. Sila yung inaapakan sa ulo at balikat para makaakyat ang ilang debotong nais humawak sa Poon. Mapapansin mong mas madungis ang kanilang mga damit lalo na sa bandang balikat. Pagkatapos ng karo, kasunod ang mga debotong babae o yung mga hindi kayang mamasan. Sila yung mga tahimik na nagdadasal sa likod habang nagkakagulo sa harap at gilid ng karosa.




Ang tunay na deboto, iniisip ang kapakanan ng iba bago ang kanya. Iniiwasan niyang makasakit ng iba hangga't maaari. Ang mga kilos at galaw sa loob at labas ng lubid ay dinidikta ng agos ng tao. Madalas marami kang maaapakan at maiipit ngunit kung kaya mong kontrolin, iwasang makapagdulot ng sakit sa mga katabi mong kapatid sa pananampalataya. Tulungan ang kayang tulungan, lalo na ang mga bata at matatanda, mga babae at pati mahihina. Tandaan, hindi ka nagpunta doon para manakit. Hayaan mo na na ikaw ang masaktan bago ang iba.

Para magawa ang mga ito, may mga bagay akong nilista na sa tingin ko ay makakatulong nang malaki upang maiwasan ang makasakit sa iba.

Sa isusuot:

Importante ang pananamit kung ikaw ay papasan, ito ay para maiwasan mo ang makasakit o ikaw ang masaktan.

-         Una sa lahat, bawal ang magsuot ng kahit na anong sapin sa paa, lalo na ang sapatos. Sa sobrang siksikan sa gitna ng prusisyon, hindi mainam ang magsuot ng sapatos dahil makakasakit ito sa ibang kapatid. Kung hindi maiiwasan na magsapatos, pakiusap huwag sumama sa pagpasan ng lubid, doon na lamang pumwesto sa likod ng karo ng Nazareno.
-         Kung may damit na maroon ay mas mainam na suotin lalo na yung may mga imahe o tatak ng Nazareno. Iwasang magsuot ng mahahalay na tatak o nagsusumigaw na kulay. Pakiusap wag magsuot ng sando.
-         Mas mainam kung maong o kaya short na maong ang susuotin, dahil hindi ito mabilis mahubad sa iyo. Maaari ka kasing kapitan sa pantalon kapag umakyat ka sa karo, kaya mas maigi na sakto sa yo at kumportable ka sa pantalon mo.
-         Iwasang magsuot ng sinturon, lalo na yung may buckle. Masakit sa likod ng nasa harapan mo ito kapag nakasalang ka na sa lubid.
-         Iwasan ding magsuot ng relo o mga alahas.

Sa dadalhin:

Malaking bagay ang malaman kung ano ang mga hindi dapat dinadala kung sasalang ka sa lubid.

-         Iwasang magdala ng wallet. Kung magdadala ng pera, ilagay na lamang sa harap na bulsa. Ngunit wag kalimutang magdala ng kahit isang ID na may pangalan mo, telepono at address na nakasulat.
-         Huwag na ring magdala ng mga bag, cellphone o kahit na anong abubot, hindi mo kailangan yon sa pagsali sa prusisyon.
-         Magdala ng tuwalya na puti, pwede ring magdala ng extra. Alalahanin, ang tuwalya ay winawagayway sa piyesta lamang, ngunit kapag Biyernes Santo, mahigpit na ipinagbabawal ang pagwagayway nito.

Mga paalala bago sumalang:

-         Maligo at maging presentable kung magagawa. Kung maaari, huwag sumalang kung lasing o nakainom. Hindi dahilan ang piyesta kaya ka naglasing.
-         Bago sumalang, subuking makinig muna sa misa. Dito ka makakakuha ng lakas para sa pagsama sa prusisyon ng Nazareno. Sumunod na lang sa prusisyon kapag natapos mo na ang misa. Mas malakas ang bisa ng hiling kapag may binabasang libreto ng mga deboto.
-         Kung sasalang, mag-abang muna kung saan may pagkakataong makasingit. Tanungin ang nakasalang kung maaari kang pumasok, siya kasi ang gagawa ng paraan para ka mapasingit sa pagpasan.
-         Iwasang sumalang kapag nakababa ang lubid, o nasa baywang ito.
-         Ibaba o ikubli ang siko hanggat maaari, masakit kung ito ay makakatama ng iba.
-         Kapag nahulog ang panyo, tuwalya o ano mang bagay na dala, huwag subukang kunin. Mawawala kasi ang balanse mo at malamang na madaganan ka ng mga tao.

Mga paalala habang nakasalang:

-         Kapag nakasalang, huwag ipaling ang ulo kung nasaan ang lubid. Kung nasa kanang balikat ang lubid, dapat nakapaling ang ulo sa kaliwang balikat.
-         Kung nakahawak ang kanang kamay sa lubid, ipatong ang kaliwang kamay sa balikat ng nasa harapan mo.
-         Kapag nag-otso ang lubid, bitiwan ito kaagad. Maging alerto kung sasabit ito sa ulo mo o sa ulo ng ibang tao. Maaari mong tapikin ang mga kamay na ayaw bumitaw sa lubid kapag nag-otso na ito.
-         Kumanta o magdasal ng Ama Namin kapag nakasalang.
-         Sumabay sa agos, umindayog kapag isinayaw ang lubid.
-         Itaas lang ang kamay kapag nais mo nang kumawala sa lubid. May huhugot na lang sa iyo bigla.

May mga aalalay sa iyo kapag nakasalang ka na. May sasalo o sasalya sa iyo kapag bumabagsak ang linya nyo. May magbibigay ng pagkain o di kaya tubig, may makikipagkuwentuhan, may kukuha ng litrato o video sa TV. Huwag ka mag-alala, maraming tutulong sa iyo na hindi mo kakilala.


Hindi ko sinasabing kumpleto ang listahan ko pero para sa akin, ito ang mga dapat tandaan at isaisip ng mga bagong deboto. Higit sa lahat, naniniwala akong milagroso ang Itim na Nazareno, ngunit nagiging mabisa lang ito kapag bukal sa iyong puso ang iyong pamamanata at hindi para lang masabing nagpunta ka doon.


Maging maingat po tayong lahat.


(image source: royginald flicker photos)


1.01.2012

If We Only New



I am truly blessed to have such a wonderful family.


And to have friends at work and at play, seeing old buddies and drinking classmates, discussing with online groups and writer wannabes like me remind me that blessings come in different sizes and shapes and it all depends on our own perspective. If people only knew that there are no small blessings, (only small perspective) then everyday will be a new year to thank God for all those blessings.


Happy New Year everyone!

Happy 6th year Inversetutuldok!